Gunitain ang Masaker sa Mendiola, isulong ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa
Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas sa paggunita sa anibersaryo ng Mendiola Massacre ngayong araw. Tatlumpu’t apat na taon na ang nakalipas ngunit sariwa pa rin sa alaala ng mga magsasaka ang walang-awang pagpapaulan ng bala ng mga sundalo at pulis sa pamumuno nina dating Gen. Alfredo Lim at Gen. Ramon Montaño.
Tumagal nang ilang minuto ang pamamaril. Natapos ito na 13 ang nakabulagta sa kalsada. Daan-daang mga raliyista ang sugatan.
Sa higit tatlong dekada sa ilalim ng iba’t ibang rehimen, wala ni isa ang napanagot sa brutal na masaker. Nananatiling walang hustisya para sa mga biktima at kanilang pamilya. Ang masaker ang isa sa pinakamalaking pasistang krimen sa ilalim ng rehimeng Corazon Aquino.
Noong araw na iyon, nagmartsa patungo sa tulay ng Mendiola ang libu-libong mga magsasaka at ang iba’t ibang sumusuportang sektor para igiit ang kahilingan para sa tunay na reporma sa lupa.
Ang sigaw nila noon ay patuloy na umaalingawngaw hanggang ngayon. Pilit na nilulunod ang kanilang kahilingan para sa lupa ng mga hungkag na pahayag at programa. Huwad ang programang Comprehensive Agrarian Reform Program at mga sumunod na repormang agraryo. Paglipas ng mahigit tatlong dekada, nananatiling nasa kamay ng iilang panginoong-maylupa at malalaking korporasyon ang pag-aari sa mga asyenda at plantasyon.
Taliwas sa ipinagmamalaki ni Duterte na hindi na kailangan ng masang magsasaka ang NPA dahil siya mismo ang mamimigay ng lupa, tuluyan nang ibinasura ang reporma sa lupa. Sa halip, inilunsad ng rehimeng Duterte ang maruming gera laban sa mga magsasaka–pagsakop sa kanilang komunidad, paghahamlet, paninindak, panggigipit sa produksyon at kabuhayan. Mahigit 300 magsasaka na ang pinaslang sa halos limang taon niyang panunungkulan.
Patuloy na nakikibaka ang masang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. Ito ay pagpapatuloy ng paglaban ng kanilang mga magulang at ilang henerasyon ng mga ninuno. Sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng pagkilos at paglaban, nilalabanan nila ang pang-aagaw ng mga asendero at malalaking korporasyong nais kumamkam ng lupang kanilang nilinang at pinagyaman.
Ang pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa para sa masang magsasaka ang pangunahing demokratikong nilalaman ng rebolusyong pinamumunan ng Partido. Isinusulong sa kanayunan ang rebolusyong agraryo alinsunod sa Rebolusyonaryong Gabay Para sa Reporma sa Lupa upang gapiin ang kapangyarihang pyudal at payabungin ang demokrasya.
Itinatatag ang mga balangay ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid at ang mga organisasyong masa ng kabataan, kababaihan at mga bata para isulong ang mga pakikibaka para pababain ang upa sa lupa, pawiin ang usura at itaas sa makatwirang antas ang presyo ng kanilang mga produkto. Ang gayong mga repormang agraryo ay bumubuo ng minimum na programa sa reporma sa lupa. Ang maksimum na programa ng libreng pamamahagi ng lupa ay ipinatutupad sa ilang baseng gerilya kung saan angkop at kayang pamahalaanan at ipagtanggol.
Ang pagsusulong ng NPA ng rebolusyong agraryo ang dahilan kung bakit patuloy itong lumalakas at lumalawak, at lumalalim ang tinatamasang suporta sa kanayunan.
Hindi magmamaliw ang panawagan ng masang magsasaka at sambayanang Pilipino para sa katarungan sa mga biktima ng Mendiola Massacre at lahat ng krimen ng mga pasistang rehimen sa uring magsasaka. Dapat patuloy na igiit at paigtingin ang pakikibaka para tunay na reporma sa lupa.