Gunitain at isabuhay ang mga ala-ala ng mga bayani ng masang anakpawis ng Kordilyera!
Sa paggunita ng pambansang araw ng mga bayani ngayong taon, binibigyang pugay ng Katipunan ng mga Samahang Manggagawa – Cordillera People’s Democratic Front (KASAMA-CPDF) , Wilfredo “Ka Hoben” Aluba Balangay ang mga bayani at martir ng masang anakpawis sa Kordilyera.
Iginagawad din natin kina Philbert Dalang, Antonio “Ka Leyap” Licawen, Wifredo “Ka Hoben” Aluba, Maritess “Ka Gigi” Payangdo, at iba pa na hindi mapangalanan ang pinakamataas na pagpupugay bilang pagkilala sa kanilang dakilang kontribusyon sa Pambansa Demokratikong Rebolusyon. Sila ay mga huwarang proletaryado na nagsakatuparan ng dakila’t makasaysayang misyon ng proletaryado hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay.
Kapwa nagmula sa uring anakpawis bilang mga manggagawa at mala-manggagawa, namulat sila sa pagsasamantala at pang-aapi ng estado sa mga mamamayan sa porma ng mga polisiya at programa nito. Ito ang mga mayor na dahilan kung bakit walang pag-aatubiling sumapi sila sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa kani-kanilang panahon at ubos-kayang naglingkod sa sambayanan bilang mga kasapi’t kadre ng Partido Komuninsta ng Pilipinas at mga pulang mandirigma.
Ang kanilang buhay at ala-ala ay hindi kailanman malilimutan ng masang anakpawis at mamamayan ng Kordilyera na kanilang pinagsibilhan at ng rebolusyonaryong kilusan. Sila ang mga tunay na bayani. Buong tapang nilang sinuong ang hirap at sakripisyo at nagpakatatag bilang mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan. Ang kanilang kabayanihan ay nagsisilbing inspirasyon sa mamamayang nagnanais ng pagbabago sa lipunan.
Nais ding kilalanin ng kasalukuyang kasapian ng KASAMA-CPDF ang mga kontribusyon at sakripisyo ng mga nabubuhay pa subalit nakakaranas ng karamdaman at/o nakakatanda na na naging bahagi ng rebolusyonaryong pakikibaka sa rehiyon.
Sa kalagayang tumitindi at tuloy-tuloy ang neoliberal at pasistang atake sa mamamayan at sa pambansang minorya sa rehiyon, ngayon higit kailanman ang pangangailangang palitan ang nabubulok na mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan. Walang maasahan ang masang anakpawis na ginhawa at kaluwagan sa mapang-api at mapagsamantalang kaayusan. Ang pagtatagumpay lamang ng armadong rebolusyon ang tanging solusyon upang maibsan ang kahirapang dulot ng imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo.
Tunay nga na ang rebolusyon ay hindi isang piging at puno ng ikot at liko. Sa pagharap sa matitinding hamon at kalagayang kinakaharap ng sambayanan, ang buhay at sakripisyo ng mga martir at bayani ng kilusang anakpawis ay patuloy na magsisilbing maningning na inspirasyon at tanglaw sa hanay ng uring anakpawis at pambansang minorya sa rehiyon upang patuloy na lumahok sa demokratikong rebolusyong bayan, makapag-ambag sa pagsulong ng digmang bayan sa mas mataas na antas at sa pagtatayo ng isang lipunang sosyalista.
Mabuhay ang buhay at ala-ala ng mga bayani ng masang anakpawis sa Kordilyera!
Masang Anakpawis, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Ipagtagumpay ang demmokratikong rebolusyong bayan!
Itatag ang lipunang sosyalista!