Hadlangan ang banta ni Duterte na isangkot ang Pilipinas sa gerang proxy ng US sa Ukraine! Sunggaban ang mga pagkakataong sumulong sa gitna ng sumisiklab na inter-imperyalistang agresyon!
Sa harap ng lumulubhang krisis sa ekonomya na itinutulak ng di-matatawarang pagtaas ng presyo ng langis at iba pang mga bilihin, tahasang ipinahayag ni Duterte ang posibilidad na kaladkarin ang bansa sa panibagong proxy war ng US sa Ukraine. Sa ganitong kalagayan, lalong makatwiran para sa sambayanang Pilipino na tupdin ang makabayang tungkuling isulong ang demokratikong rebolusyon bayan upang ipagtanggol ang soberanya ng bansa laban sa lumalaganap na imperyalistang agresyon at panggegera.
Kaala-alarma ang mga tusong maniobra ni Duterte na palakasin ang presensyang militar ng US sa bansa sa gitna ng nagaganap na sigalot sa Ukraine. Kabilang dito ang kamakaila’y kasunduan ng US at ni Duterte para sa pagpapalakas ng kapasidad nukleyar ng bansa. Sunud-sunod din ang mga ginanap na taunang military exercises sa pagitan ng AFP at ng mga pwersang militar ng US, tulad ng Marine Exercise 2022, Balance Piston Exercise at Salaknib Exercises. Sa Bikol, pinatatampok muli ng AFP ang planong pagtatayo ng baseng nabal sa Panay Island, Panganiban, Catanduanes. Namataan din ang paglilibot ng US warship na USS Abraham Lincoln aircraft carrier sa San Bernardino Strait sa Bulusan, Sorsogon. Indikasyon ito ng kahandaan ng rehimeng US-Duterte na hilain ang Pilipinas bilang aktibong kasabwat ng US sa ilinulunsad nitong pandaigdigang gerang agresyon.
Gera kontra-mamamayan ni Duterte sa loob ng bansa at gerang imperyalista sa labas, nahaharap ang mamamayang Pilipino sa isang mahalagang yugto sa kanilang kasaysayan. Higit pa sa pagtaas ng presyo ng langis ang mararamdang epekto ng tumitinding paligsahan ng malalaking imperyalistang kapangyarihan para sa panibagong kaayusan ng daigdig. Dapat itong samantalahin ng mamamayang Pilipino upang magpunyagi sa pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka upang tunay na makamtan ang pambansang paglaya.
Ang demokratikong rebolusyong bayan ang natatanging sandata upang tuluyang makapiglas sa kuko ng dayuhang pananakop at kontrol. Dapat itong panghawakan, palakasin at paigtingin ng sambayanang Pilipino bilang pinakakongkretong pakikiisa at ambag sa pandaigdigang kilusang anti-imperyalista at para sa kapayapaan.