Hadlangan ang paglusaw ni Duterte sa demokrasya! Ipagtanggol ang mga nakamit nang tagumpay ng kilusang manggagawa!
Hinding-hindi kailanman papayag ang mga manggagawang ibalik ng rehimeng US-Duterte ang 10 oras na mala-aliping pagtatrabaho sa ilalim ng 4-day work week. Ang karapatan sa makatarungang oras sa paggawa ay isang matagal nang tagumpay ng kilusang manggagawa ilang siglo na ang nagdaan. Ngayon, nais itong agawin at baligtaring ng rehimeng US -Duterte. Sagad sa buto ang kainutilan niya para isiping ang solusyon sa krisis sa langis ay ang pagpapasahol ng mala-aliping kalagayan ng mga manggagawa.
Sa halip na desididong suspendihin ang excise tax, ibalik ang regulasyon sa industriya ng langis at itaas ang sahod ng mga manggagawa upang makaangkop sa kasalukuyang kalagayan ay ang manggagawa pa ang papasan ng krisis na idinulot mismo ng pagpapakapapet ni Duterte. Sila pa ang dapat magdusa upang maisalba ng rehimen ang sarili. Hindi ba’t ang mga obrero ang masusubsob sa pagsasamantala sa pagbawas ng araw na maaari silang kumita habang mayroong pagdagdag sa oras ng kanilang trabaho?
Kung anu-anong kalokohan ang idinadahilan ng makasariling rehimeng US-Duterte upang bigyan katwiran ang kanilang pagtanggi sa pagdagdag sa sahod ng mga manggagawa. Ayon kay Socioeconomic Secretary Kendrick Chua ang pagtaas sa sahod ng mga manggagawa ay mangangahulugan lamang sa pagtaas ng isang puntos sa implasyon ng bansa. Ngunit anumang baluktot na estadistika ang gamitin, malinaw sa mga manggagawa na bahagi ng kanilang demokratikong karapatan ang sapat at nakabubuhay na sahod na ipinagkakait sa kanila ng pahirap na rehimen.
Ang pagtanggi ng kampo ni Duterte na tugunan ang pangangailangan ng mga manggagawa at salubungin pa nga sila ng dagdag na pagsasamantala ang higit na nagpapakita sa kung gaanong makatarungan ang paglaban ng mga manggagawa. Dapat na magkaisa ang pinaraming bilang ng mga manggagawa sa higit na pagpapalakas ng kanilang pakikibaka. Dapat na maipakita ang kanilang lakas na bigwasan ang nais ng mapang-aping rehimeng US-Duterte na pormal nang ipataw ang di-makataong kundisyon ng 4-day work week. Dapat nilang ipanawagan ang pagpapahinto sa kontraktwalisasyon, flexi-rates, compressed work week at iba pang mala-aliping pagsasamantala sa kanilang hanay. Dapat nilang ipanawagan ang sapat at nakabubuhay na sahod. Sa Bikol, kung saan pinakamababa ang sahod sa buong bansa, lalong makatwiran para sa mga manggagawa na makibaka para sa makabuluhang umento. Dapat nilang ipagtanggol ang mga tagumpay ng demokratikong kilusang manggagawa!
Higit sa lahat, tumpak na lumahok ang mga manggagawa sa rebolusyon upang lubusang makahulagpos sa tanikala ng pagka-alipin. Sa pamamagitan nito, mas malakas na maipaglalaban ng mga manggagawa at mamamayan ang kanilang karapatan sa paggawa, hindi na para may pagkabundatan ang mga kapitalista, kung hindi para magsilbi sa pangangailangan ng bayan. Ang mahigpit na pagtangan ng mga manggagawa at mamamayan sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka ang kinakailangan upang tuluyang mapawi ang pag-iral ng lahat ng mukha ng pagsasamantala at upang maitindig ang bagong lipunang lilikhain ng mamamayan. Ito ay isang lipunang tunay na makatarungan, malaya at maunlad.