Hambog at Pasista si Eleazar!
Hihingalin lamang si PNP Officer-in-Charge Guillermo Eleazar sa kasasalba sa prestihiyo at kredibilidad ng institusyong kanyang pinamumunuan. Hindi pa man humuhupa ang pagkundena sa kapalpakan ng mga operasyong kontra-droga at malawakang brutalidad ng Synchonized Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO) sa CALABARZON at Bikol, heto’t nagkukumahaog na naman siyang ilibing ang kanilang kapalpakan at pagkatalo dulot ng matagumpay na paglusob at pag-pindown ng Armando Catapia Command (ACC-BHB Camarines Norte) sa magkakahiwalay na pormasyon ng pulis at militar sa Brgy. Dumagmang, Labo, Camarines Norte.
Sa pagtatakip ng isyu, hinahatak ni Eleazar ang naratibo at palitan ng kuru-kuro ng mamamayan sa balangkas ng pormula ng ilusyon at paglilihis upang iligtas ang reaksyunaryong estado mula sa dagdag pang kahihiyan. Bagamat nasa kanyang karapatan bilang bahagi ng isang belligerent state, walang ipinapadalang sulat ang upisina ng NDF-Bikol sa kontratista ng kalsadang magdudugtong sa Tagkawayan, Quezon sa pusod ng Mt. Labo. Buo na ang mga usapan sa mga suhulan at hatian ng kikbak sa mga proyektong pang-imprastruktura sa pambansang antas. Mga impostor at lokal na ahente ng militar at pulis na hindi naambunan sa hatian ang gumagamit ng pangalan ng demokratikong gubyernong bayan para sa kanilang sariling ganansya.
Ngunit sa pagpapel mismo ni Eleazar, lalo lamang nahahatak ang atensyon ng buong bansa sa mga nais ikubli ng rehimen sa Camarines Norte. Kailangang si Eleazar mismo ang magpanatag sa nagbabantay na mga dayuhang kapitalista sa pagmimina tulad ng Mt. Labo Mining Exploration Corporation. Kailangang masiguro ng mga dayuhang kapitalista na sulit ang kanilang suhol sa pambansang antas at hindi sila mapaparusahan ng rebolusyonaryong kilusan at mapapatigil ang kanilang operasyon tulad ng nangyari sa El Dore Mining Corporation noong 2004. Kailangang kagyat na maitago ni Eleazar na natutulog lamang sa kangkungan ang mahigit dalawang kumpanyang militar at pulis na nakatalaga para sa seguridad sa lugar. Mula maagang bahagi ng 2018 pinupupog na ng bigwas ng mga operasyong militar at operasyong saywar ang lahat ng bayang nakapalibot sa Mt. Labo. Kailangang masiguro ng ipinakat na isang kumpanya ng pulis at isa ring kumpanya ng militar sa Brgy. Dumagmang, dagdag pang mga detatsment ng militar sa mga nakapalibot na mga barangay dito na magiging ligtas ang sentro ng dayuhang kumpanya sa pagmimina sa daluyong ng nag-uumapaw na galit ng kilusang masa sa laban sa mapanalasang pagmimina sa prubinsya.
Kasabay ng delubyo ng militarisayon, ilinalatag ang mga proyektong pang-imprastruktura. Subalit malinaw na hindi interes ng maralita at magsasaka ang nasa likod ng pag-ukit sa kabundukan ng Labo. Sa halip na para sa mga traktora at abot-kayang pampublikong transportasyon, nakadisensyo ang mga ito para madulas na makapasok ang mga bulldozer, backhoe, trak at iba pang makinaryang gagamitin ng mga dayuhang kumpanya sa todo largang open pit mining at mabilis na mailabas sa bansa ang makukuhang mga yamang mineral.
Kailanman, hindi maglulubay ang rebolusyonaryong kilusan na protektahan ang interes ng masang anakpawis at karapatan nila at ng mga susunod na henerasyon na makinabang sa mayamang rekurso ng kalikasan ng bansa. Hangga’t ginagawang kasangkapan ng reaksyunaryong estado ang pulis at militar sa pagkakait ng mamamayan ng kanilang karapatan at kagalingan, lagi’t laging ipagbubunyi ng sambayanan ang kanilang pagkatalo sa labanan. Buong tatag na haharapin at papapanagutin ng rebolusyonaryong kilusan ng Bikol si Eleazar at PNP sa pasistang atas nitong higit pang paigtingin ang pang-aatake sa mamamayang Bikolano.