Haras sa Manito, Albay, Dagdag Bigwas ng NPA-Albay sa Operasyong RCSP na Ilinulunsad ng Joint Task Force Bicolandia at Rehimeng US-Duterte sa Prubinsya

,

Pinagpupugayan ng masang Albayano ang operasyong haras na isinagawa ng mga yunit ng Santos Binamera Command -NPA Albay sa mga elemento ng pulis na nagkokondukta ng security patrol sa Purok 6, Brgy. Cawayan, bayan ng Manito. Sugatan sa naturang aksyon sina PSSgt. Roger Dajac at PSSgt. Melchor Guban habang ligtas na nakamaniobra ang mga Pulang mandirigma.

Totoo ang sinasabi ni Albay Police Provincial Office Director Col. Primitivo Bayungan at ng buong PNP Regional Office V: patuloy na hahadlangan ng NPA ang RCSP tulad ng pagtutol at paglaban dito ng libu-libong masang Albayano. Sa katunayan, ang naturang haras ay isa lamang sa mga tugon ng SBC-BHB Albay sa lumalawak na panawagan ng mamamayang Albayano na itigil na ang militarisasyong dala-dala ng mapanalasang Retooled Community Support Program sa kanilang komunidad. Ito rin ay gawad babala sa mga pulis munisipyo na huwag magpagamit sa mga operasyong militar at RCSP ng 9th Infantry Division-Phil. Army-PNP sa ilalim ng Joint Campaign Plan Kapanatagan. Sa pangunguna ng mga Chief of Police ng munisipyo ginagawa ang pag-aresto sa mga sibilyang nakatala sa inaatas sa kanila ng Phil. Army na hulihin buhay man o i-ejk ang kanilang pinaghihinalaang nakatala sa pamamagitan ng “warrant of arrest” at walang “due process”.

Perwisyo, hindi serbisyo, karahasan, hindi kaunlaran ang hatid ng RCSP sa mamamayang Albayano. Ang RCSP ay ang pagpapatupad ng EO 70, NTF-ELCAC at batas militar ni Duterte sa mga komunidad. Nilalaman ng RCSP ang okupasyong militar sa mga baryo, kampanyang pagpapasurender, mga pakitang-taong proyekto at serbisyo, pang-aagaw ng lupa at pagkontrol ng militar sa LGU. Gagamitin din ang mga operasyong ito sa pagpapatupad ng Anti-Terror Law. Target nitong wasakin ang pagkakaisa at supilin ang paglaban ng taumbaryo, buwagin ang kanilang mga organisasyon at paghariin ang takot sa mga komunidad.

Tinataglay ng operasyong RCSP at ECLIP ang lahat ng sangkap ng paghaharing pasistang teror ni Duterte. Sa mga bayan ng Guinobatan, Pioduran, Jovellar at Ligao na sinasaklaw ng RCSP, araw-araw na dinaranas ng masa ang matitinding paglabag sa karapatang pantao. Kinokontrol at minamanmanan ang kilos ng taumbaryo tulad ng iligal na pagcensus, pagkuha sa cellphone number ng mga residente at wiretapping sa mga kabahayan ng pinaghihinalaang suportador ng NPA. Malawakan din ang pandarahas, Red-tagging at pagpapasurender tulad ng pagbabanta ng pagpatay sa umano’y “listahan ng simpatisador ng NPA”. Masahol pa sa kriminal ang pagpiga ng impormasyon at pagtortyur sa mga residente. Buo-buong baryo ang pinapasuko kapalit ng umano’y mga proyekto. Winawasak ang mga organisasyon, samahan at pagtutulungang masa. Gumagamit ng menor-de-edad sa mga operasyon. Nagbabase sa mga eskwelahan, simbahan at barangay hall. Linalabag ang sibilyang otoridad tulad ng panghihimasok sa mga barangay council session at assembly. Iligal na inaaresto ang mga sibilyang pinalalabas na NPA tulad ng kaso ni Baltazar Naparato sa Brgy. Mamlad, Pioduran. Nililimitahan ang pagsasaka at kabuhayan. Maging ang mga kamotehang proyekto ni Cong. Fernando Cabredo ay inakusahang pula at pinagwawawasak ng militar. Inaagaw ang lupa ng mga magsasaka.

Lahat ng karahasang ito ng RCSP ay sinapit ng baryo nina Punong Brgy. Luzviminda Dayandante at Treas. Orlina. Pinatay sila ng militar dahil tinutulan nila ang RCSP sa kanilang barangay.

Walang ibang dinala ang RCSP kundi patung-patong na pasistang krimen. Masahol, wala ni isang metro o galon ng mga pakitaong-taong kalsada at patubig ang tinamasa ng mga komunidad. PNP na rin ang nagsabi, ginagawa lamang nila ang community support upang kuhain ang loob ng taumbayan at gawing isang malaking intel asset ang buong komunidad laban sa NPA. Magmula sa mga programang pangserbisyo na taglay ng SOT, RSOT, PDT at ngayon ay RCSP sa Clear-Hold-Consolidate-Develop nilang konsepto ay walang makatuturang kaunlarang idinulot ang mga suportang proyekto ng militar sa kanayunan. Mapanlinlang na panabing lamang ang mga ito sa karahasan at terorismong pakay ng militar sa kontra-insurhensyang pananalakay sa taong-baryo at hukbong bayan. Anong makabuluhang serbisyo ang aasahan ng taumbayan sa programang nakabatay sa presensya ng NPA, at hindi sa tunay na panlipunang pag-unlad?

Kung mayroon mang lumilikha ng kaguluhan, iyan ay ang mga operasyong militar sa ilalim ng RCSP. Upang pagtakpan ito, sadyang pinalabas ng PNP Albay na overkill ang naturang haras upang bigyang-matwid ang papatinding pang-aatake ng Joint Task Force Bicolandia (JTFB) gamit ang deklarasyong heightened alert ng PNP RO V. Isinabay pa nila ang masaker sa mga sibilyan sa Mandaon, Masbate na pinalabas bilang mga NPA na napatay umano sa engkwentro upang ipagdiinan ang pakanang deklarasyon ng alerto.

Sa ganitong diwa, nanawagan ang SBC-BHB Albay sa mga pulis munisipyo na huwag nang dagdagan ang pananagutan ng PNP Region V sa Oplan Tokhang sa paglahok pa sa mga mapanalasang operasyong RCSP. Ginagamit lamang kayo ng 9th IDPA bilang pamain na instrumento ng kanilang kampanyang pandarahas at panunupil. Hindi nila nirerespeto ang inyong independyenteng mandato. Kung totoong kinikilala ng militar ang otoridad ng pulis, bakit sila nagpakana ng gawa-gawang pagtugis sa Brgy. Oma-oma (pagpapaputok na kunwa’y enkwentro), syudad ng Ligao laban sa umano’y mga pumatay sa dalawang lingkod-barangay ng Batbat nang hindi pa nga natatapos ang imbestigasyon ng PNP Guinobatan sa naturang insidente? Patunay na nais ilihis at pagtakpan ang kanilang krimen na malinaw ang motibo sa kanilang panig.

Kung mayroon mang dapat manawagan ng heightened alert, iyan ay ang masang Albayano laban sa papatinding pang-aatake sa kanila ng militar at pulis. Hindi papayag ang masa na magtagal pa ang RCSP at iba pang pakana ng JTFB para panatilihin ang batas militar sa Kabikulan. Kailangan nila ang Bagong Hukbong Bayan Albay sa labang ito.

Hindi titigil ang mga Pulang mandirigma sa prubinsya na ipagtanggol ang masang Albayano laban sa teroristang karahasan ng AFP-PNP-CAFGU at kanilang punong kumander na si Duterte. #

Haras sa Manito, Albay, Dagdag Bigwas ng NPA-Albay sa Operasyong RCSP na Ilinulunsad ng Joint Task Force Bicolandia at Rehimeng US-Duterte sa Prubinsya