Higgil sa mga “peace dialogue” ng 54th IB sa mga LGU ng Mountain Province
Sa kagustuhang mapilitan ang mga sibilyan na otoridad na lumahok sa kanilang madugong kampanya na “anti-insurgency,’ nagsagawa ang 54th IB ng AFP ng serye ng mga “peace dialogues” sa mga municipal LGUs. May naisagawa sa Sagada LGU noong Pebrero 19, at sa Bontoc LGU noong Pebrero 26. Moro-moro ang mga dialogue na ito, sapagkat ang mga ito ay buong buong nasa kontrol ng militar. Ang mga lokal na opisyal ay naghapag ng mga isyu tulad ng lantarang red-tagging at pananakot sa mga community organizer at people’s organizations, ngunit ang mga ito ay binalewala. Sa halip, ang ginawa lang ng 54th IB ay ang paghahapag ng mga pseudo-maka-mamamamayang programa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC), at ang kanilang mga nakahanda nang mga persona-non-grata declaration laban sa rebolusyonaryong kilusan. Pinigilan din ang mga kinatawan mula sa mga progresibong organisasyon na makilahok. Habang nagaganap ang mga lokal na dialogue sa antas munisipyo, hindi pinapansin ng 54th IB ang mga imbitasyon ng provincial LGU ng Mountain Province para sa isang dialogue.
Ang mga “peace dialogue” na ito na kontrolado ng militar ay isinagawa upang lalo pang patahimikin ang boses ng mamamayan, sapagkat walang mga isyung pambayan ang tinalakay. Hindi nito malulutas ang mga paglabag sa karapatang-tao na ginawa sa ating mga kakailyan. Hindi nito malulutas ang armadong pakikibaka at ligalig dito sa kanayunan. Ating ipinawagan sa lahat ng LGU ng Mountain Province mula antas barangay hanggang probinsya na manindigan para at kasama ng mamamayan, kundenahin ang mga paglabag ng 54th IB sa karapatang-tao, at manawagan sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Tinatawagan lahat ng iMontanyosa na manindigan laban sa okupasyong militar sa ating mga baryo, ipagtanggol ang ating mga kakailyan na nireredtag at tinatakot ng AFP at PNP, at patuloy na ilaban ang ating mga demokratikong karapatan at interes.#