Higit na Paghihirap at Pasismo ang dulot ng planong Naval Base sa Catanduanes
Hindi pa nga nakakarekober sa hagupit ng sunud-sunod na bagyo noong 2020, heto’t nakaamba sa mga mamamayan ng Catanduanes ang mas matinding delubyong hatid ng militarisasyon. Malawakang pagpapalayas sa kabuhayan at komunidad ng mangingisda at malulupit na operasyong militar sa mga apektadong bayan ang tiyak na idudulot ng planong pagtatayo ng base nabal sa bayan ng Bagamanoc.
Kahungkagan ang palabas ng papalipas na’t tumutuka pang si Lt. Gen. Antonio Parlade na ang naturang baseng nabal ay proteksyon umano para sa Benham Rise, isa sa mga soberanong teritoryo ng Pilipinas na nais kamkamin ng Tsina. Sa katunayan, mula sa abusong militar pa nga dapat maprotektahan ang mamamayan. Basa pa ang kanilang mga kamay sa dugo ng mga masang Catanduanon, kabilang na ang mga pinaslang ninang sibilyang sina Christopher Abraham, Lito Aguilar at magkapatid na alyas ‘Greg’ at ‘Uno’ na pinalabas na mga NPA na napatay sa mga gawa-gawang engkwentro.
Isa pa, ano ang kakayahan ng reaksyunaryong gubyernong protektahan ang masa? Naprotektahan ba nila ang taumbayan mula sa pandemya? Ni wala silang ginawa upang maprotektahan ang mga maliliit na prodyuser ng baboy laban sa pagkalat ng African Swine Flu. Ni hindi nga nila nabigyang-ayuda ang mga komunidad na naroroon nang humagupit ang bagyo.
Dapat tutulan ng masang Catanduanon ang naturang plano. Hindi dapat hayaang madagdagan pa ng walang katuturang baseng nabal at kaakibat nitong operasyong militar ang pinapasan nilang paghihirap dulot ng pagkadapa ng industriya ng abaka, epekto ng todong importasyon ng karneng baboy at mga kontramamamayang proyekto sa prubinsya. Sa halip, dapat nilang singilin ang rehimeng US-Duterte sa nagpapatuloy nitong pagpapabaya at pagkakait ng makabuluhang suporta at ayuda upang palakasin ang kapasidad ng prubinsya sa pagharap sa mga natural at likhang-taong kalamidad at sakunang palagiang humahagupit sa kanila.