Higit pang panunupil at pagsasamantala ang mensahe ni Duterte at ng Bicol RTF-ELCAC sa Bicol RPOC at RDC
Desperado si Duterte na makapanatili sa poder. Nagmamakaawa siyang makuhang muli ang suporta at isalba ng imperyalistang US at mga lokal nitong ahente sa kanyang napipintong pagbagsak. Naglalaway siyang lamunin ang bilyun-bilyongkurakot mula sa pondo ng taumbayan. Hindi kataka-taka sa gayon ang pagkukumahog ng rehimen na ipatupad ang mga nangungunang adyenda ng kanyang amo: ang pagdurog sa rebolusyonaryong kilusan, pagsusulong ng pagbabago ng Konstitusyon o Charter Change (Cha-Cha) at pagpapabilis ng programang imprastruktura na Build Build Build (BBB). Walang ibang pamamaraan para makamit ang mga ito kundi ang pinatindi at mas madugong kampanyang panunupil ng militar at pulis sa ilalim ng E.O 70-National Task Force.
Para pagtakapan ang mas malupit na pandarahas, sunud-sunod na kampanyang disimpormasyon ang isinasagawa ng rehimen. Sa Bikol, pinangunahan ni DILG Sec. Eduardo Ano, DILG Usec. Jonathan Malaya at si Presidential Adviser for Bicol Affairs at Regional Task Force-ELCAC Chair USec. Marvel Clavecilla ang pagtutulak ang EO 70-NTF, Cha-Cha at BBB. Dumulo ito noong Marso 5-6 sa magkasunod na pagtitipon ng Regional Peace and Order Council (RPOC) na inupuan ni Ano at ng Regional Development Council (RDC). Gaya ng dati, ipinagyayabang nilang nagtatagumpay at suportado ng taumbayan ang gera laban sa NPA. Patunay ang umano’y tuluy-tuloy napagsulong ng lokalisadong usapang pangkapayapaan at libu-libong nagbalik-loob. Ipinagpasalamat nila ang mga operasyong militar sa ilalim ng Retooled Community Support Pogram (RCSP) na siya umano ngayong naghahatid ng kaunlaran at proyekto sa mga komunidad.
Patuloy na hindi hinaharap ang tunay na ugat ng sigalot: ang kahirapan at kawalang tunay na kaunlaran bunga ng pyudal/malapyudal na kalagayan dahil sa kawalan ng lupa ng magsasaka at pagkaatrasado ng agrikultura at ang pagkabansot ng lokal na industrya sa paghahari ng dayuhang kapital na siyang layunin ng peace talks sa pagitan ng GRP at NDFP.
Masyado nang pinalabnaw ng millyun-milyong kurakot mula sa programang surrender na ECLIP ang mga upisyal na ito para talasan pa ang kanilang istilo ng panloloko. Paano nila ipapaliwanag ang kaunlaran sa daan-daang masang Bikolanong pinalayas ng militar sa kanilang mga lupang sakahan at pangisdaan? Paano nila ipapaliwanag ang mga bakanteng halfway houses sa kabila ng libu-libo umanong surenderi? Kung sinsero ang serbisyo, bakit kailangang sumuko? Sa halip na magbigay ng kongkretong larawan para patunayan ang kanilang kahambugan, ipinusta na lang ni Sec. Ano ang kanyang ilang-milyong retirement pay.
Isama pa ni Ano maging ang bayad-retiro ng kanyang among si Duterte, hindi nila malilinlang ang masang Bikolano. “Whole-of-nation-approach” at buong pagsuporta umano ng bansa, subalit ang totoo’y isang ‘di-deklaradong batas militar gamit ang pinatinding kampanyang panunupil, pandarahas at panloloko ng AFP-PNP-CAFGU. Gera umano laban sa BHB, subalit ang tunay na pakay ay panunupil at pang-aagaw ng lupa sa masang anakpawis kapalit ang pagpasok ng malalaking dayuhan at lokal na proyekto.
Walang ibang kahulugan ang atas ni Duterte na pagpapabilis ng pagkukumpleto ng mga proyektong BBB sa rehiyon kundi ang paspasan pang pangangamkam ng libu-libong ektarya ng lupang agrikultural at pangisdaan mula sa masang Bikolano. Libong ektarya ng sakahan ang kinamkam ng Empark na pag-aari ni Huang Rulon sa Masbate. Si Huang Rulun na kaibigan ni Duterte ang bilyonaryong Tsino na nagdonar ng isang bilyon para sa pasilidad sa rehabilitasyon ng mga nagdroga at may kaso ng kurapsyon sa bansang Tsina. Kalakhan ng mga operasyong RCSP ay nakapakat sa mga prubinsya ng Camarines Norte, Masbate, Sorsogon at sa una at ikalawang distrito ng Camarines Sur, kung saan konsentrado ang ilang mga prayoridad na proyekto ng RDC.
Balot sa takot at nanganganib na mapalayas ang daan-daang mga komunidad na ito. Paanong hindi dadami ang sumurender kung buo-buong mga barangay ang ginawang iligal matapos akusahang suportador ng NPA at pagbantaang tatanggalin sa 4Ps? Kung hindi man, mga manipuladong larawan ng masa tulad ng nangyari sa Masbate City noong Disyembre 2019. Hindi rin iilang mga upisyal ng LGU ang dumulog at nagpaabot na tinatrato silang CAFGU ng militar-pwersahang ipinapain para pangunahan ang pagpapatupad ng EO 70 at ECLIP? Reporma umano ni Duterte sa lupa, subalit hakbang-hakbang na pangungumpiska ng militar sa mga lupang sakahan. Serbisyo bang maituturing ang pagpapasabong, pag-iinom at pagbabawal sa masa na magproduksyon?
Higit sa lahat, alam at damang-dama ng masa na walang interes ang rehimen na tugunan ang kanilang paghihirap. Sa halip, lalo lamang itong pinalulubha ni Duterte at ng AFP-PNP-CAFGU. Matapos ipasa sa Kongreso ang panukalang Anti-Terorismo at Public Service Act, higit walang inasahan ang masa sa tunay na surrenderree sa Tsina at US na si Duterte. Inamin ni Ano na imposible ang panawagan ng taumbayan para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon dahil wala umano ito sa Konstitusyon. Baka nakalimutan ni Ano na ang mga ito’y batayang karapatang desperadong tinatanggal ng kanyang amo sa Saligang Batas upang ganap na isuko ang ekonomya ng bansa sa dayuhang kontrol at pagmamay-ari. Kulang pa ang pagsuko ng soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Hindi mapagtatakpan ng anumang kampanyang disimpormasyon at pagpapabango ng rehimeng US-Duterte ang lumalakas na kilusang masa para pataksikin ang isa sa mga pinakapahirap, pinakakorap, pinakaabusado, pinakabrutal at pinakatuta na rehimen sa kasaysayan. Sa harap ng labis na pagsasamantala’t pang-aapi, alam ng masang anakpawis na tanging sa paglahok at pagsuporta sa rebolusyonaryong kilusan makakamtan ang tunay nilang inaasam na pagbabago. Pabagsak na ang rehimeng US-Duterte subalit patuloy pa ang paglakas ng rebolusyonaryong kilusan at sambayanang nakikibaka.