Hinahanda na ng 9th ID ang entablado para sa higit na matinding gera laban sa mamamayan
Itinatakwil ng mamamayang Bikolano ang pagbabalik ng 49th IB sa Kabikulan. Notoryoso ang nasabing batalyon sa halos isang dekadang rekord ng krimen laban sa mamamayan. Kabilang dito ang panggagahasa, pamamaslang at terorismo sa mga komunidad na kanilang pinakatan. Hudyat ang kanilang pagbabalik sa mas malawak na paglalarga ng 9th ID ng atakeng ala-SEMPO sa rehiyon.
Dati nang naghasik ng teror ang 49th IB sa Albay, Sorsogon, Camarines Sur at Camarines Norte. Susi ang naging papel nito sa pagpapatupad ng Oplan Bantay Laya sa Albay noong 2009. Noong 2010, ilang beses na ginahasa ni Pfc. Hamandre Flores, tagapagpahayag ng g isang programa sa radyo ng 9th ID, ang 15 taong gulang na babae sa Juban, Sorsogon. Sa parehong taon, ginahasa rin ng mga elemento ng 49th IB at CAFGU ang isa pang 17 taong gulang na babae sa Sitio Tublijon, Brgy. Rizal, Gubat, Sorsogon. Karumal-dumal din nilang pinugutan ng ulo ang dalawang magniniyog sa Bulan, Sorsogon.
Nang mailipat sa Camarines Sur, isa sa mga tampok na krimen ng berdugong batalyon ang pagmasaker sa mag-aamang Mancera ng Sitio Mapatong, Purok 6, Brgy. Malaya, Labo, Camarines Norte. Pinaulanan nila ng bala ang bahay ng pamilya, kung saan pansamantalang nagpapahinga ang isang tim ng BHB. Dalawa sa tatlong napaslang sa insidente ay mga bata. Makalipas ang ilang buwan, pinaslang din ng 49th IB si Brgy. Capt. Merlyn Bermas at isa pang apat na taong gulang na bata. Pinanindigan ni Bermas na pawang mga magsasaka ang mga minasaker, mga elemento ng 49th IB ang may kagagawan nito at walang engkwentrong naganap sa pagitan ng mga armadong pwersa.
Ilang daang residente ng Ragay at Del Gallego ang tinakot, sapilitang kinuhaan ng litrato at ininteroga ng 49th IB bago ito pormal na mailipat sa Mindanao noong 2016. Nananatili ang pangamba ng mga residente sa kalupitan ng mersenaryong hukbo hanggang sa kasalukuyan.
Mahigpit na nananawagan ang NDF-Bikol sa masang Bikolano na salubungin ng matinding paglaban at tuluy-tuloy na pagkilos ang pagbabalik ng 49th IB at ang papatinding pasistang atake sa rehiyon. Maglabas ng mga talaan ng kanilang mga krimen sa mamamayan. Hikayating magsalita ang mga naging biktima at saksi hinggil sa mga naranasan nilang pandarahas. Bahain ang lahat ng daluyan ng mga panawagan ng katarungan para sa lahat ng biktima ng pang-aabuso ng 49th IB at iba pang yunit sa ilalim ng 9th ID.
Pasiglahin ang koordinasyon ng mga makinarya sa propaganda sa lunsod at kanayunan upang mabilis na maiangat ang mga pang-aabuso sa prubinsya sa antas rehiyunal, pambansa at internasyunal. Ilan sa mga pamamaraan ang pagkakaroon ng sentralisadong hotline para sa pag-uulat at koordinadong paglalabas ng mga alerto ng mga paglabag sa karapatang tao. Dapat maitaas din ang kapasidad ng masang anakpawis na makagawa ng sarili nilang reportahe, alerto o bidyu para sa mabilisang paglalantad ng karahasan ng militar.
Dapat paghusayin ng rebolusyonaryong kilusang lihim ang pagbibigay ng pampulitikang edukasyon, pag-oorganisa at malikhaing pagpapakilos. Dapat palakasin ang tulungan ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa at paganahin ang mga iba’t ibang komite ng mga rebolusyonaryong gubyernong bayan at iba’t ibang antas ng mga organisasyong masa upang maihanda ang kapasidad ng mamamayan na mapagpasyang harapin ang militarisasyon sa kanilang komunidad.
Labanan ang atakeng ala-SEMPO sa Kabikulan!
Ilantad ang mga krimen ng 49th IB! Pananagutin ang AFP-PNP-CAFGU sa kanilang mga krimen laban sa mamamayan!
Biguin ang batas militar ng rehimeng US-Duterte! Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan!