Hindi komunista si Isko Moreno, isa siyang mataas na burukrata kapitalista
Isang walang-kahihiyang kasinungalingan ng mga ahenteng propagandista ng mga kalaban nya ang bintang laban kay Isko Moreno na siya daw ay komunista. Dehado at agrabyado dito si Isko na nagsabing hindi raw sya komunista. Dehado at agrabyado din ang Partido Komunista ng Pilipinas na may mataas na pamantayang pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon para maging kasapi.
Di naging komunista si Isko dahil may photo-op siyang kasama ako sa mga usapang pangkapayaan ng gobyerno at NDFP. Meron din akong photo-op kasama ang ibang opisyal ng gobyerno. Kapag may photo-op si Duterte kasama si Mocha Uson, hindi naman masasabi na may relasyon sila lalo pa at alam naman natin na nahihirapan nang tumindig si Duterte.
Respetuhin natin ang deklarasyon ni Isko na hindi siya komunista, pero dahil mula’t sapul naman ay di siya kwalipikadong maging komunista. Dapat siyang tingnan bilang isang mataas na burukrata-kapitalista na nais palawigin ang sistemang maka-dayuhan at laban sa demokrasya at naglilingkod sa interes ng mga dayuhang monopolyo, malalaking komprador at panginoong maylupa, maliban na lang kung maliwanagan sya at patunayan ang sarili siya.
Sa ngayon, napakalayo ni Isko sa integridad, kalibre at dignidad ng mga dakilang anti-imperyalistang makabayan at demokrata gaya nina Claro M. Recto, Lorenzo Tanada at Jose W. Diokno na tumindig para sa mga prinsipyong makabayan at progresibo, nang di nangailangan na atakehin ang Partido Komunista para patunayang hindi siłą komunista.
Di isyu ngayon są Pilipinas ang komunismo, maski ang sosyalismo. Hindi pa maaaring maging sosyalista ang Pilipinas dahil hindi pa nakakamit ng mga Pilipino ang lubos na pambansang kasarinlan at demokrasya laban sa dayuhang monopolyo kapitalismo, katutubong pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Masusukat ang kalidad ng mga kandidato para sa pagkapangulo kung paano nila ilalantad at lalabanan ang mga krimen ng rehimeng Duterte: kataksilan, tiraniya, terorismo ng estado, malawakang pagpatay at pandarambong; at ang mabilis na lumulubha at lumalalang krisis na sosyo-ekonomiko, pulitikal at pangkalusugan dulot ng maling patakaran, burukratikong korupsyon, labis-labis na paggastos ng militar, at iba pang kasalanan.
Dapat na ipakita ng mga kandidato sa pagkapangulo ang programa nila sa paggugubyerno. Nananawagan ang malawak na masa ng mamamayan ng lubos na pambansang kasarinlan, tunay na demokrasya, hustisyang panlipunan, pang-ekonomiyang kaunlaran sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, pagpapalawak ng serbisyong panlipunan, kulturang pambansa, siyentipiko at pangmasa, at nagsasariling patakarang panlabas.
Hindi maibabaling ng Red-tagging laban sa mga progresibo at makabayang organisasyon at indibidwal ang atensyon ng bayan sa mga matitinding krimen at mga anti-mamamayang patakaran ng rehimeng Duterte. Tinutulak ang kampanyang Red-tagging at iba pang mas masahol na anyo ng anti-komunismo at terorismo ng estado para paganahin ang pandaraya ng tiranong si Duterte sa eleksyong 2022 o ipagpaliban ito gaya ng ginawa ni Marcos noong 1972 nang ipataw nya ang batas militar.
Anu’t anuman, makabubuti sa mamamayan kung may mabisang malapad na nagkakaisang prente ng mga legal at demokratikong pwersa na lalaban sa imbing pakana ng rehimeng Duterte na dugasin ang eleksyong 2022 o ipagpaliban ito. Kung mandaraya o mandarahas ang rehimen sa eleksyon o ipagpapaliban ito, mabilis na titindig ang mamamayan at magtatagumpay nang higit kaysa dati.
Sawa na ang mamamayang Pilipino sa malulubhang krimen ng rehimeng Duterte, sa militarisasyon ng mga ahensya at katungkulang sibilyan, sa pagka-bangkarote ng gobyerno at ekonomiya, sa pagtaas ng bilang ng walang trabaho, sa malawakang kahirapan at pagtaas ng presyo. Sabik sila para sa rebolusyonaryong pagbabago.
Makakaasa ang mga Pilipino sa mga rebolusyonaryong pwersa, sa rebolusyonaryong partido ng proletaryado, sa hukbong bayan, sa mga rebolusyonaryong pangmasang organisasyon, sa mga alyansa at sa lokal na organo ng kapangrihang pampulitika na bumubuo ng demokratikong gobyernong bayan. ###