Hindi nagbibigay ng “permit to win” ang CPP-NPA-NDF
Kinukundena ng NDFP-Southern Tagalog ang panibagong kasinungalingang ikinakalat ng rehimeng Duterte laban sa CPP-NPA-NDFP sa diumano’y pagbibigay nito ng “permit to win”. Inilabas ito sa pahayag ng COMELEC kung saan nagbanta ang komisyon na ididiskwalipika ang mga kandidatong nagbabayad umano ng “permit to win” sa CPP-NPA-NDFP. Ang COMELEC ang nag-aastang boses ng NTF-ELCAC sa bantang ito na walang iba kundi ang paglikha lamang ng sariling multo at gawa-gawang kwento upang bahiran ang imahen ng CPP-NPA-NDFP. Litaw na litaw ang papel ng pasistang NTF-ELCAC at AFP sa pagpapalaganap ng kasinungalingang ito.
Naglilinaw ang NDFP-ST na hindi ito lumalahok sa reaksyunaryong eleksyon at lalong hindi ito nagbibigay ng “permit to win” para siguruhin ang pagpapanalo ng isang kandidato. Nais palabasin at ipahiwatig ng itim na propagandang ito ng NTF ELCAC at ng COMELEC na sinasagkaan nito ang kagustuhan at ang karapatan ng mamamayang pumili ng nais nilang ihalal na kandidato dahil sa ipapataw lamang ng rebolusyonaryong kilusan sa mamamayan kung sino kandidatong binigyan nito diumano ng “permit to win”. Pawang mga inimbentong kasinungalingan lamang ito ng mga alagad ng rehimeng Duterte.
Sa kasalukuyang yugto ng digmang bayan kung kailan umiiral pa ang dalawang gubyerno sa bansa, ang totoong ipinatutupad ng DGB na patakaran sa reaksyunaryong eleksyon ay ang pagpapataw ng permit to campaign (PTC) at campaign access fee (CAF). Inoobliga ng PTC ang lahat ng mga kandidato na kumuha ng permiso sa DGB, sa pamamagitan ng iba’t ibang kumand ng NPA kung nais nitong malayang makapangampanya sa saklaw na mga teritoryo ng gubyernong bayan at sa mga sona at larangang gerilya ng CPP-NPA.
Ang PTC ay garantiya at proteksyon sa mamamayang hindi magagamit ng sinumang kandidato ang pangangampanya para dahasin at pwersahin sila. Nilalaman nito ang mga kundisyong dapat sundin ng mga kandidato habang nasa hurisdiksyon ng DGB tulad ng hindi pagdadala ng mga armas ng kanilang mga badigard at kasamahan habang nangangampanya; absolutong pagbabawal sa pagsama ng mga armadong tropa ng AFP at PNP bilang eskort; at pinakamahalaga sa lahat ay mapatigil ang mga pananakot, pandaraya at pandarahas sa masa ng mga pulitiko at kandidatong hindi makakuha ng mainit na pagtanggap mula sa masa. Matagal nang kinikilala at sinusunod ng mga reaksyunaryong pulitiko ang PTC bilang lehitimong pag-ehersisyo ng kapangyarihang pampulitika ng DGB.
Samantala, ang CAF ay makatarungang anyo ng pagbubuwis na ipinapataw ng DGB at bahagi ng mga kundisyon sa pag-iisyu ng PTC. Karapatan at tungkulin na DGB ang pagkuha ng CAF at PTC bilang isang gubyerno. Hindi pinagkakalooban ng PTC ang mga kandidatong sagadsaring kontra-rebolusyonaryo at may mga utang na dugo sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan kahit pa handa silang magbayad ng CAF.
Labis na malisyoso ang nais na ipahiwatig ng GRP sa pagtawag nitong “permit to win” ang pagkakaloob ng PTC sa ilang mga kandidato. Sa pahayag ng COMELEC, inihahalintulad ang katawagan nitong “permit to win” sa pagbili ng boto. Malisyoso at pinabababa ng mga reaksyunaryo ang integridad ng rebolusyonaryong gubyerno na mula’t sapul pa ay hindi nito kinikilala bilang lehitimo ang lahat ng eleksyong idinadaos sa ilalim ng mapagsamantala at mapang-aping sistema sa bansa.
Ngunit sino bang maniniwala sa kahangalang ito?
Ang tunay na nagluluto ng mga pakanang manipulahin ang eleksyon ay ang naghaharing pangkating Duterte, hindi ang CPP-NPA-NDFP. Maaga pa’y naihanda na ng rehimeng Duterte ang makinarya nito para itakda ang resulta ng halalan sa pamamagitan ng malawakang pandaraya ng sistemang de kompyuter na pagbibilang. Ipinasok nito ang masusugid na alipures sa COMELEC at tiniyak na mapunta sa kamay ng kanyang kroni na si Dennis Uy ang kontrata sa pag-aasikaso sa lohistika’t kagamitang pang-eleksyon. Basta’t gustuhin ng rehimeng Duterte ay madali lamang ulitin ang 7-hour glitch noong eleksyong 2019 at nauna nang prinogramang pagbibilang ng boto na tumungo sa pagkapanalo ng mga kandidatong panig sa administrasyon. Lumalaki ang posibilidad na ito lalo ngayong lumalakas ang kampanya ng kandidato ng oposisyon na si Leni Robredo.
Simula’t sapul ay hindi lumalahok ang rebolusyonaryong kilusan sa reaksyunaryong halalan, at sa buong kasaysayan ay hindi rin nito ginawang makialam sa resulta ng eleksyon. Tapat ang rebolusyonaryong kilusan sa paggalang sa demokratikong karapatan ng mga mamamayang Pilipino na iehersisyo ang karapatan nilang pumili ng mamumuno sa bansa at lumahok sa halalan.
Kaya naman, dapat mahigpit na bantayan ng sambayanan ang paparating na eleksyon ngayong Mayo 9 at sa susunod na mga linggo matapos ito. Paghandaan ang maruming maniobra ng rehimeng Duterte para baguhin ang resulta ng halalan pabor sa pangkating BBM-Sara bago ito tuluyang bumaba sa pwesto sa Hunyo. Hindi imposibleng ibuga ni Duterte ang pinakamatinding banat sa nakikibakang mamamayan para mapanatili ang sarili sa poder. Tulad ng ginawa ni Marcos Sr. sa pagbomba sa Plaza Miranda para likhain ang sinaryong nilulukuban na ng CPP-NPA-NDF ang bansa, ideklara ang Martial Law at failure of election para pawalambisa ang resulta ng halalan. Kailangang gawin ng mga demokratikong pwersa ang lahat ng kanilang makakaya upang hadlangan ang maiitim na balak ng ganid-sa-kapangyarihang rehimeng Duterte at pamunuan ang pakikibaka ng sambayanan.###