Hindi NPA ang tinaguriang #1 most wanted sa Donsol

,

Mariin naming kinukundena ang muling pag-atake ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) sa Donsol, Sorsogon nitong Hunyo 17. Taliwas sa sinasabi ng pulisya, hindi kailanman naging kasapi ng NPA ang dinakip nilang si Jesus Macenas na umano’y #1 wanted person sa Donsol at #8 wanted person sa rehiyon. Si Macenas ay isang magsasakang nagmamay-ari ng ilang ektarya ng lupain sa Donsol. Ang paghuli sa kanya ay bahagi ng sistematikong pang-aatake ng pulisya sa ilalim ng madugong kampanya ng NTF-ELCAC.

Ang kasong murder na kinasasangkutan ng mga Macenas ay 2015 pang idinulog sa reaksyunaryong korte ng isa ring sibilyang indibidwal. Ngayong taon,, makailang ulit nang nagtangka ang PNP na tamnan ng ebidensya at takutin ang mga kapamilya ni Macenas. Pebrero 25, 2021, bitbit ang isang search warrant, tinaniman ng mga pulis ng pekeng ebidensya ang bahay ng mag-anak. Matapos ang bogus at anomalosong panghahalughog, iprinisinta ng PNP ang kalibre .38 rebolber, anim na bala at isang granada. Mayo 18, 2021, hinaras ng mga pulis ang mag-anak at pinasok ang kanilang bakuran nang walang anumang papeles mula sa korte. At nito ngang Hunyo 17, ginamit ng mga pulis ang gasgas nang linyang “nanlaban” para barilin at hulihin si Macenas.

Gasgas na ang iskrip na ginagamit ng PNP para iugnay ang mga sibilyan, laluna ang mga magsasaka, sa rebolusyonaryong kilusan. Sa Donsol, nitong mga nagdaang buwan, pinaigting ang pang-aatake sa mga magsasaka. Biktima ng iligal na panghahaluglog ang mag-amang Melchor at Jayson Delos Santos sa Brgy. San Vicente noong Abril 19, 2021. Iligal na inaresto at tinaniman naman ng baril si Renie Morales ng Brgy. Gogon noong Mayo 1, 2021.

Pagbabanta sa mamamayan ang pahayag ni Police Major Arwin D. Destacamento, Chief of Police ng Donsol. Ang ipinagyayabang niyang kampanya laban sa rebolusyon ay walang itinatanging target makatupad lamang sa kota ng pekeng pag-aresto at pekeng pagpapasurender na maiuulat sa nakatataas na antas ng TF-ELCAC.

Nananawagan kami sa mamamayan ng Donsol na higit na pahigpitin ang kanilang pagkakaisa upang ipagtanggol at protektahan ang kanilang hanay laban sa pang-aabuso ng mga nasa poder. Hinahamon din namin ang upisyales ng lokal na reaksyunaryong gubyerno na tuparin ang kanilang mga ipinangako sa mga botante at bawiin ang kapangyarihang sibil mula sa kontrol ng militar at pulis.

Hindi NPA ang tinaguriang #1 most wanted sa Donsol