Hindi Totoo ang “Permit to Win”

Mahigpit na pinabubulaanan at kinukundena ng NDF-Bikol ang panibagong serye ng mga desperadong pahayag at paninira ni Maj. Gen. Jesus Mananquil at ng 9th IDPA sa rebolusyonaryong kilusan. Nagkasya na lamang ang kasundaluhan sa maruming propaganda at pekeng balita sa harap ng kanilang kabiguang ubusin ang rebolusyonaryong pwersa sa pagtatapos ng 2018 at sa papatinding demoralisasyon sa kanilang hanay.

UNANG KASINUNGALINGAN: PANININGIL NG NPA SA MGA PULITIKO KAPALIT NG ‘PERMIT TO WIN’

Walang ipinapamigay na ‘permit to win’ ang kahit na anong yunit ng NPA sa rehiyon at sa buong bansa. Ang pagpapakalat ng ganitong kasinungalingan ay bahagi lamang ng saywar ng AFP upang siraIn ang prestihiyo ng rebolusyonaryong pwersa at palabasing nakikibahagi at nakikinabang ang CPP-NPA-NDFP sa korupsyong namamayagpag laluna sa panahon ng marumi at hungkag na reaksyunaryong eleksyon.

Tigas-mukha ang AFP sa pagkundena umano ng mga tinatawag nilang ‘permit to win’ gayong ang militar, kapulisan at mga bayarang paramilitar ng gubyerno ang may mahaba nang kasaysayan sa pagiging tagapagtaguyod at protektor ng korupsyon at dayaan sa eleksyon. Sa katunayan, madalas silang nagsisilbing mga pribadong escort ng mga pulitiko sa pamumudmod ng pondo ng bayan sa iba’t ibang dako ng bansa upang makabili ng boto.

Sa kabilang banda, lehitimong karapatan ng demokratikong gubyernong bayan ang kapangyarihang magpataw ng buwis. Nakabatay ito sa lakas ng pampulitikang kapangyarihang inaabot ng rebolusyonaryong kilusan sa paglulunsad ng digmang bayan. Ang rebolusyonaryong buwis ay ang makatwirang kabayaran sa ilang konsesyon o pribilehiyong ipinagkakaloob ng demokratikong gubyernong bayan. Ilan sa pinapatawan ng rebolusyonaryong buwis ng gubyernong bayan, sa pamamagitan ng NPA, ay ang mga dambuhalang dayuhan at lokal na kumpanya, mga ari-arian at negosyo ng malalaking panginoong may-lupa, mga kontrata at proyekto ng reaksyunaryong gubyerno. Ang paniningil ng makatwirang halaga mula sa mga kandidatong nais mangampanya sa loob ng mga sonang gerilya kapalit ng mga Permit to Campaign (PTC) ay isang porma ng naturang karapatan sa pagbubuwis.

Ang mga pulitikong pagkakalooban ng PTC ay kinakailangang sumunod sa mga patakarang itatakda ng rebolusyonaryong kilusan tulad ng pagbabawal sa panunuhol, pagbili ng boto at iba pang anyo ng maruming pamumulitika. Dagdag pa, bago ipagkaloob ang PTC sa isang pulitiko, tinitiyak na dadalhin niya sa kanyang plataporma ang mga kahingian at panawagan ng masa.

IKALAWANG KASINUNGALINGAN: ANG MGA TAKTIKAL NA OPENSIBA NG NPA SA KABIKULAN AY PAGHAHANDA PARA SA ‘EXTORTION’ SA PANAHON NG ELEKSYON

Nananatiling matatag ang paninindigan ng rebolusyonaryong kilusan sa kabulukan ng reaksyunaryong eleksyon. Wala itong pagnanais na makipagsabayan sa mga pulitiko at sa kanilang mga alipures sa pagbabangayan at pag-aagawan para sa perang makukurakot at maibubulsa. Ang mga taktikal na opensiba ng NPA ay hindi ilinulunsad para sa pera. Isinasagawa ito ng mga yunit ng NPA upang ipakita ang walang kaparis na paglakas ng rebolusyonaryong kilusan, mag-ambag sa paniningil ng taumbayan sa mga krimen ng reaksyunaryong gubyerno at magpataw ng rebolusyonaryong hustisya laban sa mga kaaway ng sambayanan.

Hindi na bago ang paninirang ginagawa ng GRP sa mga lehitimong aksyon ng pulang hukbo upang maisantabi ang mga substantibong adyenda ng usapang pangkapayapaan at upang bigyang-matwid ang paghahasik ng terorismo ng kasundaluhan. Nagkukumahog sina Maj. Gen. Mananquil sa panlilibak sa mga matatagumpay at sunud-sunod na taktikal na opensiba ng NPA dahil malaking sampal ito sa kanila matapos ang kanilang hambog na mga pahayag na wala nang sapat na lakas ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon. Gaanuman kabihasa sa pananalita ang kanilang mga tagapagpahayag at upisyales, hindi maitatangging bigo sila sa sinasabi nilang tuluyan na nilang mauubos ang NPA bago matapos ang taong 2018.

Naninindigan ang rebolusyonaryong kilusan sa kawastuhan ng pambansang panawagang pasiklabin ang mga opensiba laban sa mga militar at iba pang kaaway ng mamamayan. Nakabatay ito sa walang lubay na gerang ilinulunsad ng rehimeng US-Duterte laban sa mamamayan. Ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba sa rehiyon ay pagiging tapat lamang ng NPA sa papel nito bilang tunay na hukbo ng bayang magtatanggol sa karapatan ng mamamayan.

IKATLONG KASINUNGALINGAN: DAPAT NANG SUMUKO ANG NPA SA PAMAHALAAN O HINDI KAYA AY PUMASOK NA LAMANG SA LOKALISADONG USAPANG PANGKAPAYAPAAN

Gaano man kaganda ang mga terminong gamitin nina Maj. Gen. Mananquil, hindi magtatagumpay ang pagtatangka nilang hatiin ang kilusan sa pamamagitan ng hiwa-hiwalay na peacetalks. Nananatiling matatag at buo ang pamunuan at kasapian ng CPP-NPA-NDFP sa buong bansa. Walang anumang yunit ng NPA sa Kabikulan ang papasok sa lokalisadong usapang pangkapayapaan ng militar na hiwalay pa sa negosasyon ng NDFP sa GRP. Kinikilala ng lahat ng yunit ng hukbo ang kakayahan ng NDFP bilang kinatawan ng mamamayan na dalhin sa usapan ang mga sosyo-ekonomikong repormang magsisilbi sa karamihan.

Gayundin, mangako man ng limpak-limpak na salapi ang reaksyunaryong gubyerno, hindi nito maitutulak ang NPA sa pagsasalong ng armas at pagsuko. Taos-pusong iniaalay ng bawat pulang mandirigma ang kanilang talino, lakas, panahon at buhay para sa pagsusulong ng digmang bayan. Mulat silang tanging sa pagtatagumpay ng pagbabalikwas ng mamamayan makakamit ang matagalang solusyon sa kahirapan at kawalang katarungan sa lipunan. Hindi tulad ng bayarang tropa ng gubyerno, hindi naghahangad ng anumang kapalit ang mga rebolusyonaryo.

Dapat maghinay-hinay ang reaksyunaryong gubyerno sa paghahabi ng kasinungalingan. Sila mismo ay natatalisod sa sarili nilang mga salita. Sinasabi nilang mahina na ang rebolusyonaryong kilusan ngunit desperado silang nag-aalok ng malaking halaga kapalit ng kapitulasyon. Sa gitna ng krisis sa ekonomyang dinaranas ng mamamayan, may lakas ng loob silang mag-alok ng P450,000 sa bawat susuko umanong mandirigma. Walang pondo para sa mga serbisyong panlipunan ngunit mayroong ipinagyayabang na pondo para sa kontra-insurhensya. Kung totoo man, higit na makabubuting ilaan na lamang ng reaksyunaryong gubyerno ang sinasabi nitong pondo para sa Enhanced Comprehensive Livelihood Integration Program (ECLIP) sa mga makabuluhang proyektong papakinabangan ng mamamayan. Kung tapat ang gubyerno sa pagnanais nitong resolbahin ang ugat ng armadong sigalot sa bansa, marapat na bawiin nito ang Proclamation 360 at muling humarap sa usapang pangkapayapaan nang walang mga pre-kundisyong itinatakda.

Hindi Totoo ang "Permit to Win"