Hinggil sa atas ni Gapay na lipulin ang mga larangang gerilya sa katapusan ng 2021
Nangangarap nang gising ang paretirong AFP Chief of Staff na si General Gilbert Gapay na mawawasak nila ang lahat ng mga larangang gerilya sa katapusan ng 2021. Nahihibang si Gapay kung inaakala niyang humihina ang NPA at iilan na lang ang mga nasasaklaw nitong mga larangan. Tulad ng mga nauna sa kanyang hepe ng AFP, mabibigo siya at mapupunta rin sa basurahan ng kasaysayan.
Suntok sa buwan ang panibagong atas ni Gapay sa AFP. Desperado ang heneral na matupad ang target ng rehimen na wasakin ang CPP-NPA-NDFP bago matapos ang termino ni Duterte. Wala nang mukhang maihaharap si Gapay sa kanyang pagyayabang. Heto’t magreretiro na lamang subalit buhay na buhay at patuloy na lumalakas ang armadong pakikibaka sa buong bayan.
Ipinagyayabang ni Gapay na dahil nakakuha sila ng mga bagong armas-pandigma at sandatang panghimpapawid ay makakamit ng AFP ang kanyang atas. Subalit inutil ang mga kagamitan at modernong sandatang ito sa harap ng determinadong pakikidigmang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan. Patitindihin lamang nito ang terorismo ng estado at higit na itutulak ang mamamayan palapit sa armadong pakikibaka. Kasingkahulugan ng anunsyo ni Gapay ang walang habas na paninibasib ng AFP sa mga sona at larangang gerilya ng NPA.
Sa Southern Tagalog pa lamang, naitala ang aabot sa 3,270 iba’t ibang kaso ng paglabag ng AFP-PNP sa karapatang tao noong 2020. Karamihan sa mga kasong ito ay naitala sa gitna ng matitinding focused military operations (FMO) at retooled community support program operations (RCSPO) sa rehiyon.
Taliwas sa inaakala ni Gapay, patuloy na tinatamasa ng rebolusyonaryong kilusan ang malawak na suporta ng mamamayan. Hindi papahina ang CPP-NPA-NDFP, bagkus, higit pang lalakas sa gitna ng pinaigting na pandarahas ng rehimen. Ang NPA ang tanging nasasaligan ng mamamayan, laluna sa kanayunan, upang ipagtanggol sila sa terorismong inihahasik ng estado. Hindi kailanman papanig ang mamamayan sa berdugong AFP na walang ibang idinulot kundi takot at ligalig.
Makaaasa ang mamamayan ng Southern Tagalog na nakahanda ang lahat ng mga yunit sa ilalim ng MGC-NPA ST na labanan ang papasidhing pasismo ng estado. Tutupdin ng NPA sa rehiyon ang tungkulin nitong depensahan ang mamamayan at labanan ang teroristang AFP-PNP na naglulunsad ng walang habas na FMO at RCSPO. Samantala, ilulunsad ng NPA ang paparaming mga taktikal na opensiba upang pinsalain at biguin ang mga pwersa sa FMO at RCSPO ng AFP-PNP. Hindi nasisindak ang MGC-NPA ST sa mga bagong armas ng AFP. Isang patunay dito ang pag-ambus ng NPA Mindoro sa bagong Black Hawk helicopter ng SOLCOM nitong Enero.
Kailangang patuloy na patibayin ang bigkis ng mamamayan at NPA para labanan ang rehimeng US-Duterte at AFP-PNP. Ang pagkakaisa ng sambayanang Pilipino at NPA ang bibigo sa mga pakana ng rehimen at siyang magbabagsak sa teroristang rehimeng US-Duterte. ###