Hinggil sa bulaang ulat ng 85th IBPA sa naganap na labanan noong Hunyo 11, 2019
“Kung ang pinuno ay haling, mga basalyos pa ba ang gumaling”
Walang kahihiyan ang pagsisinungaling ng Southern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines sa inilabas nitong balita pagkatapos ng labanan sa pagitan ng NPA at AFP noong Hunyo 11 sa Sityo Bunga, Barangay Villa Nacaob sa bayan ng Lopez.
Ayon sa balita sa internet ng Philippine News Agency (Hunyo 12, 2019):
“A band of New People’s Army (NPA) rebels was reported to have suffered heavy casualties following a 10-minute skirmish with government troops Tuesday afternoon in the boundaries of Barangays Villa Nacaob and Binahian C, in Lopez, Quezon.
Reports reaching this camp (Camp Gen. Nakar in Tanay, Rizal) here on Wednesday said troops from the 21st Division Reconnaissance Company (DRC) came face to face with the rebels around 3:30 p.m., after soldiers responded to civilians’ tip about the presence of NPAs extorting rice and money from residents.”
Ang totoong pangyayari: Ang nakasagupa ng yunit ng NPA ay ang nag-ooperasyong sundalo na noong gabi pa ng Hunyo 7 namonitor na pumasok sa Barangay Camojaguin sa bayan ng Gumaca. Kinaumagahan pa lamang ay pinasubaybayan na ang 16 na elemento ng sundalo para birahin habang nasa loob ng pulang purok.
Noong hapon ng Hunyo 11, inabangan at maingat na kinomando ng mga NPA ang hinihimpilan ng mga sundalo na karamihan ay mga tulog sa duyan. Ilang metro lamang ang layo nang putukan ng mga pulang mandirigma ang nasorpresang sundalo.
Tumagal lamang ng limang minuto ang palitan ng putok na nagsimula ganap na 3:19 ng hapon. Pero umabot sa mahigit kalahating oras ang pamumutok ng mga sundalo kahit wala na silang tiyak na target.
Kinabukasan, sa ulat ng mga residente, nakasalubong nila ang mga napalabang sundalo na nakabihis sibilyan kasama ang isang sugatan na ayon sa mga sundalo ay NPA at dadalhin nila sa ospital. Hindi raw sila nanlaban dahil maraming sibilyan at bahayan sa lugar.
Ang totoo: Walang anumang galos ang mga operatiba ng NPA at dalawang daang metro ang agwat ng pinakamalapit na bahay sa pinangyarihan ng labanan.
Dagdag pang kuwento ng mga residente ay nakita nilang inilagay ng mga sundalo ang baril nila sa sako at ipinahakot sa motorsiklo habang sila ay naglakad palabas na nakabihis sibilyan.
May pumasok ding ulat, bagama’t hindi kumpirmado, na kinagabihan pagkatapos ng labanan ay may mga nauna nang inilabas na patay na sundalo sa Barangay Silang na ikinarga sa kanilang military truck.
Mas mabuti pa sanang nanahimik na lamang si Lt. Col. Arnold Gasalatan, commanding officer ng 85th IBPA sa halip na sinabi niyang “no one was hurt on the government side but bloodstains in the rebels’ position strongly indicate casualties on their side.”
Hindi man lamang binigyan ng anumang dignidad ni Gasalatan ang pakikipaglaban ng kanyang mga sundalo sa ginawa niyang pagbubulaan. Siguradong nahihirinan siya habang binibitiwan ang pahayag.
Pinagtatawanan sila ng taumbaryo nang marinig ang balitang ito.
Kuwentong-kutsero ito na kasinglaos na ng bangkaroteng rehimen. Katulad ito ng anggulong “nanlaban” sa ilalim ng Oplan Tokhang. Hindi ito dapat pinapatulan ng mga responsableng mamamahayag at media organization.
May matandang kawikaan na paboritong sabihin ng namayapang si Ka Roger — “Kung ang pinuno ay haling, mga basalyos pa ba ang gumaling.”
Kung gaano kasinungaling si Duterte ganundin ang kanyang mga tinyente.#