Hinggil sa di-umanong rebolusyonaryong gubyerno na itinataguyod ni Bobby Brillante at ng MRRD-NECC
Si Bobby Brillante, isang kilalang tuta ni Duterte, ay nagsusulong ng isang “rebolusyonaryong kilusan” para hawanin ang diktadura ni Rodrigo Duterte — ang katuparan ng malaon nya nang pangarap na maging diktador sa wangis ni Ferdinang Marcos at Adolf Hitler.
Habang mabilis na itinatanggi ni Harry Roque, tagapagsalita ng Malakanyang, na may kinalaman si Duterte sa pakulo ng MRRD-NECC, at habang patay-malisyang dumidistansya ang AFP at PNP dito, malinaw pa sa sikat ng araw na si Duterte ang nasa likod ng katuparan ng kanyang buktot na hangarin na maging diktador sapul pa sa unang araw ng pagiging presidente.
Desperado si Duterte at kanyang mga kasapakat na gamitin ang pandemya at anti-terror na anggulo bilang opurtunidad para ipataw ang malupit na mga hakbangin laban sa mamamayan at mga demokratikong pwersa na humihiling ng makabuluhang pagbabago at pananagutan mula sa tiwali, inutil at kriminal na gang at mga buwitre ni Duterte, na nagtatago sa lahat ng sangay ng gubyerno.
Ang binaluktot na “rebolusyonaryong kilusan at rebolusyonaryong gubyerno” ni Brillante ay walang iba kundi isang pag-agaw sa kapangyarihan para itatag ang isang ligal na diktadurya sa pamamagitan ng pagbasura sa Konstitusyong 1987 sa anyo ng pederalismo at pagbabago ng saligang batas. Nagpapakana si Duterte, sa pamamagitan ng kanyang alter-ego sa MRRD-NECC, at kasapakat na militar na junta at mga kampon ng kasamaan sa loob ng NTF-ELCAC at IATF para ikutan ang mga konstitusyunal na hadlang at sa dulo itatag ang isang diktaduryang militar.
Ang di-umanong “rebolusyonaryong kilusan at rebolusyonaryong gubyerno” na pinaliliwanag ng alter-ego ni Duterte ay masamang kopya ng “rebolusyon mula sa gitna” at “konstitusyunal na diktadurya o awtoritaryanismo” ni Marcos at isang bulgar na istorikal na misrepresentasyon ng anti-diktadurang kilusan ng EDSA People Power I, gayundin ng anti-korupsyon na EDSA People Power II laban kay Estrada.
Nais ulitin ni Duterte at ng kanyang militar na junta ang pag-akyat sa kapangyarihan ng Nazi Party at ni Adolf Hitler sa Germany na pinadali ng pagpapasa ng Reichstag Fire Decree at ng Enabling Act ng 1933.
Sinuspinde ng Reichstag Fire Decree ang kalayaan sa pamamahayag at mga karapatan sa habeas corpus matapos ang pagsunog sa Reichstag (Mababang Kapulungan ng Lehislatura ng Republikang Weimar) na inilarawn ng mga Nazi na simula ng komunistang rebolusyon. Ginamit ni Hitler ang dikretong ito para salakayin ang mga opisina ng Partido Komunista at arestuhin ang kanilang mga kinatawan—at sa gayun, tinanggal sila bilang pwersa sa loob ng Reichstag. Samantala, ang Enabling Act ng 1933 ay isang amyenda sa Konstitusyong Weimar na nagbigay ng kapangyarihan sa Gabineteng Aleman—at kay Chancellor Adolf Hitler—na gumawa ng mga batas nang walang paglahok ng Reichstag. Ang pinagsamang epekto ng dalawang batas na ito ay ang pagtransporma sa gubyernong Hitler tungo sa isang ligal na diktadurya.
Makikita natin ngayon ang pagkakahalintulad ng pagsasabatas ni Duterte sa Anti-Terror Act of 2020 sa batayan ng anti-komunismo at ang kasalukuyang pakana na ikutan ang 1987 na mga konstitusyunal na balakid sa pamamagitan ng pederalismo at pagpapalit ng konstitusyon sa inilunsad na konstitusyunal na kudeta ni Marcos at Hitler—lahat itinulak ng malubhang krisis sa ekonomya at pulitika ng panahon kung saan ang lokal na mga naghaharing uri ay hindi na makapaghari sa lumang paraan ng burges-demokratikong mga palamuti at pagkukunwari.
Tinutulan ni Hitler at ng kanyang anti-Marxistang Nazi Party ang gubyerno ng Republikang Weimar at ang Tratado sa Versailles pagkatapos ng World War I at itinaguyod ang ultra-nasyunalismo at Pan-Germanismo na naglalayong pagkaisahin ang lahat ng Aleman at mga mamamayang nagsasalitang Aleman sa isang estadong bansa gayundin ang mapanganib na anti-Semitism na nagtataguyod ng kalupitan, paglait at diskriminasyon sa mga Hudyo. Ginamit nya ang Enabling Act ng 1933 nang buong kalupitan at pwersa para mag-ehersisyo ng diktatoryal na kapangyarihan nang walang ligal na paghamon.
Sa kaparehong hulma ni Hitler, ginamit ni Marcos ang Plaza Miranda Bombing bilang sangkalan para isuspinde ang writ of habeas corpus at pagkaraan ang mga kilusang protesta ng Sigwa ng Unang Kwarto para ideklara ang Batas Militar sa buong Pilipinas—lahat ay isinisi sa umano’y panganib ng Komunismo.
Dapat tutulan ng Partido, ng mamamayan at ng rebolusyon ang maitim na pakanang ito ni Duterte at kanyang mga kasapakat hanggang sa katapusan. Dapat tayong maging handa na biguin ang mabagsik na mga pag-atake laban sa mamamayan ng kanyang mga pasista at mersenaryong tagasunod sa AFP, PNP at lahat ng armadong ahente ng estado.
Isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas-Bagong Hukbong Bayan at National Democratic Front ng Pilipinas!
Buuin ang pinakamalawak na pagkakaisa ng lahat ng mga demokratiko at patriyotikong pwersa laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo!
Patalsikin si Duterte, Ngayon Na!