Hinggil sa Fake list ng target parusahan ng NPA
Mariing kinokondena ng Apolonio Mendoza Command-New People’s Army ang kasinungalingan, panlilinlang, at teror na inihahasik ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa mga sibilyan.
Nitong ika-29 ng Agosto, nagpakalat ng mga polyeto sa San Narciso, Quezon na naglalaman ng mga pangalan na target diumano ng pamamarusa ng NPA.
Sa naturang polyeto na may lagda ng “AMC-NPA”, binibigyang babala ang diumano’y mga asset at informer ng pulis at sundalo na sina Auron, Avelardo Rebadulla, Efren Esguerra, Jaime Llanita, Ruel Llanita, Sherwin Oliva, at Whilno Oliva ng Sitio Tambo, at Gina Aureada ng Barangay Maligaya.
Inililinaw na hindi nanggaling sa AMC-NPA ang polyetong ito. Malinaw na kagagawan ito ng AFP-PNP.
Pawang inosenteng sibilyan ang mga nabanggit sa naturang polyeto. HINDI SILA TARGET ng anumang pamamarusa ng NPA.
Ang pagdadawit sa mga inosenteng sibiliyan ay desperadong hakbang ng AFP-PNP matapos ang matatagumpay na pamamarusa ng AMC-NPA sa kanilang mga tunay na asset at informer.
Kung may mangyaring masama sa mga inosenteng sibilyang ito, walang ibang maituturong salarin ang sambayanang Pilipino kundi ang berdugo at pasistang AFP-PNP ng rehimeng US-Duterte.#