Hinggil sa hatol na magdala ang berdugong si Palparan

 

Ikinalugod ng rebolusyunaryong mamamayan ng Quezon ang hatol na ibinigay ng Bulacan Regional Trial Court sa kriminal at berdugong si Jovito Palparan, kahapon, September 17, 2018.

Kahima’t hindi nito matutumbasan ang rebolusyunaryong hustisya, nagpaluwag kahit papaano sa kalooban ng mga pamilya ng biktima ni Palparan ang hatol na siya ay maysala sa pagdukot at pagkawala nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño.

Si Palparan ay may utang na dugo rin sa pagkakapaslang kina Kasamang Eden Marcellana at Edi Gumanoy noong Abril 21, 2003 sa Oriental Mindoro. Si Ka Eden ay nagmula sa Barangay Malaya sa bayan ng General Luna at si Ka Edi ay naninirahan sa bayan ng Nakar nang maging aktibong kasapi ng kilusang magbubukid sa rehiyon.

Si Palparan din ang sangkot sa brutal na pamamaslang sa mag-asawang Expedito Albarillo. Ang panganay na anak nilang si Ka Arman Albarillo ay nag-NPA sa paghahanap ng katarungan para sa kanyang mga magulang. Naging martir ng larangan ng SQBP si Ka Arman nang magbuwis siya ng buhay noong June 30, 2012 sa isang labanan sa pagitan ng 74th IBPA at ng yunit ng NPA na kanyang pinamumunuan sa bayan ng San Narciso.

Kailangang patuloy na bantayan ng mamamayan ang pinakahuling pangyayaring ito, tiyakin na makakalaboso si Palparan na walang anumang tratong VIP, at hindi maganap ang maruming maniobra ng kanyang mga kasabwat para muling malibre ang berdugo sa kanyang mga pananagutan.

Kailangan pa ring patuloy na litisin si Palparan sa napakahabang listahan ng kanyang krimen sa mga mamamayan ng Southern Tagalog, Central Luzon at Kabisayaan.

Hindi rin dapat kumampante ang mamamayan. Ang hatol na maysala si Palparan ay hindi nangangahulugang may umiiral na hustisya sa bansa, lalong hindi dapat na ipagpasalamat at ibigay na tropeyo sa pasistang rehimen ni Digong Duterte.

Ang nakamit na tagumpay ng mamamayan sa reaksyunaryong korte ay dili’t resulta ng masikhay na pakikibaka nila sa pangunguna ng mga pamilya ng biktima ni Palparan.

Magmumukhang patakbuhing asong kalye si Palparan kapag ikinumpara sa bangis na ipinakita ng bang-aw na si Duterte sa nakaraang dalawang taon ng kanyang panunungkulan.

Anu’t-anuman, laging may takdang panahon para sa pagpapataw ng rebolusyunaryong hustisya sa mga may malulubhang krimen sa mamamayan.#

Hinggil sa hatol na magdala ang berdugong si Palparan