Hinggil sa Kasinungalingan ni Parlade kaugnay sa nagdaang eleksyon
Malaking kalokohan at kahangalan ang pahayag ng deputy chief-of-staff ng AFP para sa civil-military operations na si Antonio Parlade na diumano’y nangibabaw ang kagustuhan ng taumbayan sa nakaraang eleksyon. Si Parlade ang mukha ng isang pasistang propagandista ni Duterte tulad ni Joseph Goebbels kay Adolf Hitler sa ilalim ng Nazi Germany. Paano masasabing kagustuhan ng mamamayan ang nangibabaw gayong punum-puno ng kabuktutan, anomalya at panggigipit ng mersenaryong AFP ang nagdaang halalan?
Ngunit sa kabila ng lansakang intimidasyon at demonisasyon ng buong makinarya ng estado, hindi nito napigilan at nasupil ang pangingibabaw ng kagustuhan ng mamamayang ihalal ang mga progresibong partylist na tunay na kumakatawan sa kanilang interes. At kung hindi dahil sa malawakang manipulasyon ng mga boto pabor sa mga kandidato ng kampo ni Duterte, nakatitiyak na ilalampaso ang mga ito sapagkat natipon sa Hugpong ng mga Ulupong ang mga kawatan, bulok at tiwaling mga kandidato. Bukod sa manipulasyon sa automated election, naging lansakan at laganap ang malawakang pamimili ng boto, pananakot, pandrahas at lantarang pamumulitika maging ng mga elemento ng AFP-PNP upang hindi manalo ang mga progresibo. Ang pinagmamalaking nanalo ng hangal na si Parlade ay mga tuta ng rehimen na mga kurap. tiwali, druglords at protektor ng mga sindikatong kriminal at magnanakaw sa kaban ng bayan.
Malinaw ang kapalpakan at sabwatan ng COMELEC at Smartmatic sa rehimeng Duterte upang sistematikong dayain ang resulta ng halalan. Ang maramihang pagkasira ng SD cards, VCM glitches, mabagal na transmittal ng election returns at kung anu-anong teknikal na terminong hindi naman nauunawaan ng karaniwang mamamayan ay patunay na may hokus pokus na nangyari. Inakala ng bulaan at diumanong psywar master na si Parlade na matatakpan nila ang katotohanan sa mamamayan hinggil sa nakaraang eleksyon.
Pinatunayan na ng komunidad ng information technology ang kapalpakan ng Comelec at Smartmatic at ng buong sistema ng automated election na naganap sa bansa mula pa noong 2010. Lumilinaw na sa mamamayan ang walang kaparis na kahungkagan, kabulukan at pandaraya sa nakaraang eleksyon. Pilit na ipinalulunok sa taumbayan ang mapait na pildoras ng kasinungalingan upang palitawing nagtatagumpay ang rehimen na puksain ang rebolusyonaryong kilusan na ang kabalintunaan nito’y ang takot na amining patuloy silang bigo sa kanilang layuning talunin, puksain, pahinain at nyutralisahin ang mga progresibo at mga kritiko ng rehimen. Kabaligtaran ito ng nais palabasin ni Parlade na diumano’y nagising na ang mamamayan sa katotohanan kaya dumanas ng pagkatalo ang mga nasa oposisyon sa nakalipas na halalan.
Ginawa ni Duterte ang lahat upang makontrol ang mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso upang matiyak na mailusot niya ang mga anti-mamamayang mga batas at palisiya. Magsisilbi ang lahat ng ito bilang preparasyon sa 2022 eleksyon sakaling hindi magtagumpay na makapaghari ng lagapas sa kanyang termino. Nahihintatakutan na si Duterte sa paniningil ng sambayanan sa mga krimen niya — ang paglapastangan sa karapatan at kagalingan ng mamamayan at ang kawalan ng hustisya. Sa tabing ng hibang na gera laban sa droga, pinatay nito ang aabot na sa 20,000 katao sa anyo ng mga extra-judicial killings na kagagawan ng AFP-PNP at Duterte Death Squads (DDS). Ipinatupad ng pasistang rehimen ang kamuhi-muhing Martial Law sa Mindanao at pinulbos ang Marawi sa nilikha nitong isterya laban sa Maute. Samantala ang all-out war ng tiranikong rehimen sa ilalim ng Oplan Kapayapaan at ngayon ay Oplan Kapanatagan ay patuloy na pumipinsala sa mga pambansang minorya, magsasaka, manggagawa at sa iba’t ibang uri at sektor.
Walang kahihiyan ang rehimeng Duterte at AFP-PNP sa garapalang pag-abuso nito sa panghihimasok ng mga kroni at ahente ng AFP-PNP sa nakaraang eleksyon. Nilabag ng reaksyunaryong gubyerno ang sarili nitong mga batas, panuntunan at patakaran. Maging ang mga mersenaryong AFP-PNP na nagpapanggap na non-partisan o walang kinikilingan ay lantaran ang atake at pangangampanya pabor sa mga kandidato ng Hugpong ng mga Ulupong ni Sara Duterte at sa kabilang banda ay di magkamayaw sa pag-imbento ng mga paninira sa mga progresibo at oposisyon.
Ang walang tigil na pagpuputak at paghahabi ng kasinungalingan ng Malakanyang at AFP-PNP ay patunay sa kanilang tuluy-tuloy na nilalasap na pagkatalo. At sa kabilang banda, patuloy na umaani ng suporta ang CPP-NPA-NDF sa mamamayang api at pinagsasamantalahan sa kanayunan at kalunsuran. Higit na determinado ang sambayanang isulong ang pambansa-demokatikong pagbabago na makakamit lamang sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyon ng bayan at sa pagbabagsak sa rehimeng US-Duterte at ng buong malakolonyal at malapyudal na sistema. Napatunayan sa mamamayan na tanging rebolusyon ang tunay na kasagutan sa lumalalang krisis at kahirapan sa bansa.###