Hinggil sa matagumpay na ambush sa Libmanan
Binabati ng Romulo Jallores Command-BHB Bikol ang Norben Gruta Command – BHB West Camarines Sur (NGC-BHB) sa matagumpay na ambush na ilinunsad nito laban sa mga elemento ng 1st Provincial Police Mobile Force Company (PPMFC) at 9th IBPA. Naganap ang ambush sa Brgy. Mambulo Nuevo, Libmanan, Camarines Sur nitong Nobyembre 17, alas-kwatro y trenta ng hapon. Anim ang sugatan sa hanay ng kaaway sa naturang taktikal na opensiba habang ligtas na nakamaniobra ang mga kasama.
Taliwas sa nais palabasin ng kasundaluhan at kapulisan, may pagtatangi ang pulang hukbo sa target nito. Partikular sa insidente, tanging ang mga armadong pwersa lamang ng PPMFC at militar ang tinarget at walang nadamay na sibilyan sa kabila ng kanilang pahayag na mayroong mga doktor mula sa Bicol Medical Center na kasabay ng kanilang mga sasakyan. Lehitimong target ng taktikal na opensiba ng BHB ang mga elemento ng PPMFC at militar bilang bahagi ng Task Force Bikolandia na binuo upang gapiin ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon.
Ang totoo, ang sinasabing misyong medikal ay bahagi ng mapagkunwaring civil military at humanitarian missions ng militar upang pabanguhin ang kanilang pangalan habang ikinukubli ang sukdulang pandarahas nila sa mga komunidad. Kamakailan lang, pumutok sa balita ang pagtuligsa ng mga masa sa Libmanan laban sa presensya ng militar sa kanilang mga komunidad at ang bantang hatid nito sa kanilang kabuhayan at buhay.
Ang mga serbisyong medikal at iba pang kahalintulad na proyekto para sa masa na isinasagawa ng mga lehitimong ahensya ng gubyerno, ahensya sibil at non-government agencies ay pinahihintulutan at sinusuportahan ng rebolusyonaryong kilusan.
Sa disenyo ng US Counter-Insurgency Guide (COIN Guide) na siyang tinatalimaan ng Oplan Kapayapaan ng rehimeng US-Duterte, isinasagawa ng mga militar sa mga pinopokusan nilang erya ang mga operasyong TRIAD (civil military operations, intelligence operation at combat operation) upang maghasik ng panunupil sa mga taumbaryo sa pamamagitan ng karahasan at psywar at hadlangan ang pagkilos ng mga yunit ng pulang hukbo. Masinsing ilinalatag ng kaaway ang mga yunit ng mapagkunyaring Peace and Development Team (PDT). Bumababad ang mga ito sa mga komunidad upang kontrolin ang masa sa pamamagitan ng magkatambal na pamamaraang matigas at malambot, mapanindak at mapanlinlang at dumudulo pa sa tahasang pamamaslang at lahat ng uri ng lagim ng abusong militar.
Kabilang sa pamamaraang matigas ang tuluy-tuloy na panggagalugad sa mga sonang gerilya at kabit-kabit na mga operasyong kombat, interogasyon at paninindak, pagkontrol sa rekurso ng masa, hamletting o pagkontrol sa araw-araw na aktibidad ng masa, panonortyur, pagdukot at pagpatay. Samantala, ilan sa mga pamamaraang malambot ang pamumudmod ng cash transfer sa ilang pamilya sa mga komunidad kung saan malakas ang pagsasamahan ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa, paglulunsad ng mga proyektong pang-isports, sibilyang imprastruktura, misyong medikal, pana-panahong relief operations at iba pa. Mga proyekto at sosyo-ekonomikong aktibidad, na kung tutuusin, ay dapat ilinulunsad ng iba’t ibang ahensya ng gubyerno – hindi ng militar at kapulisan.
Sa pagpapaigting ng kontra-insurhensyang programa ng rehimeng US-Duterte, tinutungo ng militar at kapulisan ang pag-imbwelto at panghihimasok sa iba’t ibang mga aktibidad ng mga sangay at ahensya ng gubyerno, maging ang mga ahensya sibil at non-government organizations. Ikinakamada nila ang mga aktibidad ng mga ahensyang ito upang maglingkod sa kanilang mga operasyong militar at sa kanilang atake sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan.
Ngunit hindi palilinlang ang masa. Malinaw sa kanilang palamuti lamang ang pagkakawanggawa ng mga berdugong militar at kapulisang siyang salarin ng sunud-sunod na kaso ng pananakot, panonortyur, iligal na pag-aresto at pagpatay sa mga masa. Ang pahayag ng mga masa sa Libmanan laban sa presensya ng militar sa kanilang lugar ay hindi ang unang beses na nagpahayag ng pagkundena at pagtutol ang masang Bikolnon laban sa presensya ng militar. Patuloy na bumabaha sa mga lansangan ang nagbabalikwas na mamamayang lumalaban para sa kanilang karapatang mamuhay nang payapa nang walang anumang banta ng paglabag sa karapatang tao mula sa mga mersenaryong militar at kapulisan.
Kaugnay nito, hinihikayat din ng RJC-BHB Bikol ang mga kagawad ng midya na imbestigahan ang tumitinding pasismo ng militar laluna sa mga eryang sinasaklaw ng PDT. Dahil sa napakalaking pondong ibinubuhos sa kampanyang saywar ng kaaway, napakadali para sa mga militar na kagyat magpalabas ng sari-saring datos at kwentong pabor sa kanila at magkukubli sa tunay na naratibo. Kapos sa ganitong rekurso ang masang lumalaban. Gayunpaman, pinagsisikapan pa rin nilang mailabas ang kanilang mga hinaing at panawagan. Bilang mga tagapagtaguyod ng patas at balansyadong pagbabalita, marapat lamang na pagtuunan din ng pansin ng mga kagawad ng midya ang kwento sa likod ng mga pangyayari – ang panig ng mga masang apektado ng walang patumanggang paglabag sa karapatang tao at terorismo ng militar sa ilalim ng rehimeng US-Duterte.
Sa huli, mananatiling tapat ang buong rebolusyonaryong kilusan sa Kabikulan at sa buong bansa sa interes ng masang inaapi at pinagsasamantalahan.