Hinggil sa matagumpay na ambush sa Lupi
Ka Ma. Roja Banua
Tagapagsalita, NDFP-Bikol
Matagumpay na nailunsad ng yunit ng Eduardo Olbarra Command-NPA Camarines Sur ang isang taktikal na opensiba laban sa mga elemento ng PNP Lupi at Provincial Police Mobile Company (PPMC) kahapon sa Brgy. Napolidan, Lupi, Camarines Sur. Tatlo ang nasawi habang tatlong pulis pa ang sugatan sa naturang insidente. Ang naganap na opensiba ay ambag ng EOC-NPA Camarines Sur sa mga aksyong militar na ilinulunsad ng iba pang mga yunit ng NPA sa bansa. Ito ang tugon ng CPP-NPA-NDFP sa tuluyang pagtalikod ng rehimeng US-Duterte sa usapang pangkapayapaan at sa pagwawasiwas nito ng todo-gerang kumitil na sa buhay ng ilang libong sibilyan sa buong kapuluan.
Matapos humingi ng ilang panahon upang pag-isipan umano ang nilalaman ng borador ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) na ihinanda ng GRP at NDFP panel, walang naging hakbang si Duterte kundi ang patraydor na pagpapatuloy at lubhang pagpapasahol ng pang-aatake laban sa masa at rebolusyonaryong kilusan. Sa halip na pagtuunan na ng pansin ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan, nagpakalat ang kampo nina Duterte ng disimpormasyon at naghasik ng matinding terorismo upang sindakin ang pagpaglaban ng mamamayang sinasalanta ng matinding kahirapan. Sadyang pinaputok sa balita ang hinggil sa pekeng Red October Ouster Plot na linuto ng rehimen upang ikundisyon ang isip ng mamamayan at bigyang matwid ang pinaplanong pagpapataw ng Batas Militar sa buong bansa.
Tama ang pahayag ng 9th IDPA na magkaugnay ang taktikal na opensiba sa Labo, Camarines Norte na hindi bababa sa sampu ang napatay at marami pang nasugatan na elemento ng 96th IB at ang ambush sa Camarines Sur. Bahagi ito ng koordinadong opensibang ilinulunsad ng pulang hukbo upang kundenahin ang walang patumanggang militarisasyon at pandarahas na nagaganap laluna sa mga Peace and Development Teams (PDT) areas sa Camarines Norte at unang distrito ng Camarines Sur. Ang naturang opensiba ay hakbang din laban sa Task Force Bikolandia na itinayo ng Southern Luzon Command (SOLCOM) na binubuo ng mga yunit ng AFP, PNP, Philippine Navy at iba pang kahalintulad na institusyon. Ito ay hakbang pamamarusa sa hanay ng kasundaluhan at kapulisang pangunahing tagapagtaguyod ng todo-gera ng rehimeng US-Duterte sa rehiyon. Mas malawakang operasyong militar sa rehiyon ang ilinulunsad ngayon ng Task Force Bicolandia bilang pagtugon sa patakarang pagpatay ni Duterte. Sa sunud-sunod na paglabas sa midya ng mga tagapagsalita ng AFP nitong nakaraan, hayagan nilang ipinahayag na papatayin ang lahat ng mga sumusuporta at susuporta sa rebolusyonaryong kilusan. Hindi rin nakaligtas sa panunugis at pananakot ng pasistang rehimen maging ang mga estudyante at ang kanilang mga eskwelahang pinapasukan. Hindi pa man direktang nagdedeklara si Duterte ng Batas Militar, ramdam na ng mamamayan ang walang kasingsahol na pagyurak sa kanilang mga karapatan at banta sa kanilang buhay.
Sa ilalim ng Oplan Kapayapaan, naitala sa Kabikulan ngayong taon ang humigit-kumulang 52 na kaso ng ekstrahudisyal na pagpaslang at ilang libong kaso ng paglabag sa karapatang tao. Kabilang dito ang mga kaso ng pambubugbog, pananakot at pambabanta, pamiminsala sa ari-arian at kabuhayan, iligal na pag-aresto’t panghahalughog, sapilitang pagbakwit, pamimilit sa mga sibilyang maging giya sa mga operasyong militar at pagpaparada sa masa bilang mga fake surrenderees. Talamak at nagpapatuloy din ang militarisasyon sa kanayunan at crackdown laban sa mga progresibo’t demokratikong pwersa sa kanayunan.
Taliwas sa nais palabasin ng kasundaluhan at kapulisan, masinsing pinipili ng pulang hukbo ang target nito. Lehitimo ang lahat ng tinatarget sa mga opensiba at hakbang pamamarusa. Partikular sa insidente, ang mga armadong elemento ng PPMC ang tinarget ng pagpapasabog ng command detonated explosives (CDX). Dahil kontrolado ang pagsabog at tukoy ang target, hindi isinabay sa mga tinarget ang sasakyang lulan si FDA Dir. Gen. Nela Charade Puno.
Nagpapasalamat ang Romulo Jallores Command-NPA Bikol sa hanay ng kapulisan kung saan nanggaling ang taktikal na impormasyong naging susi sa tagumpay ng mga naturang “tsambang” opensiba. Wasto si Gen. Albayalde sa pagsasabing naging kahinaan sa intelligence sa pagpaescort sa kanyang “VIP”. Gayundin, nananawagan ang RJC-NPA Bikol sa mga namumulat nang pulis na umalis na mula sa kanilang mga trabaho at pumanig sa mamamayan. Hanggat nasa serbisyo, patuloy silang magiging kasangkapan ng madugo at brutal na gera ng rehimeng US-Duterte laban sa mga kapwa nila magsasaka at masang anakpawis. Nananawagan ang RJC-Bikol sa mga kapamilya ng mga kasapi ng CAFGU, PNP at ilang sundalo na hikayatin ang kanilang mga kamag-anak na huminto na sa pagiging bayarang mamamatay-tao ng lasing sa karahasang rehimeng US-Duterte.
Sa huli, anumang oras ay handang ipagtanggol ng pulang hukbo ang masang kanilang pinagsisilbihan. Patuloy na aani ng matataginting na tagumpay ang rebolusyonaryong kilusan laban sa mapang-api at mapagsamantalang lipunang pinaghaharian ng iilang mga pasista at naghaharing-uri.
Narito ang ilan sa mga pinakabagong kaso ng AFP-PNP-CAFGU sa Kabikulan:
- Camarines Sur
- Pagpatay ng mga elemento ng 83rd IBPA at 22nd IBPA sa mag-asawang magsasakang sina Herminio Aragdon, 69 taong gulang at si Soledad Aragdon, 60 taong gulang sa Baryo Malabog, bayan ng Caramoan.
- Panonortyur at paglibing nang buhay sa mga magsasakang sina Robero Naris,30 anyos, Ronel Naris, 28 anyos at Antonio Bonagua, 19 anyos ng tropa ng 9th IDPA sa Ragay.
- Pamamaril sa mag-amang sina Danilo Abunin, Sr. at Daniel Abunin, Jr. sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Brgy. Veneracion, bayan ng Pamplona ng mga elemento ng MICO.
- Pagmasaker kina Ariel Madrilejos, Ricky Alejo, John Paul Cristobal, Dijie at Jeo Cabarles, kalakha’y mga kabataang estudyante, sa Brgy. Nabongsoran, Aroroy, Masbate;
- Pagpaslang kina Nonong Capellan, Johnel Dejucos, Pablo Dilao, Dominggito Deila, Maria Des Dilao Deinla, Dingdong Escorel at Ruel Nunez sa magkakahiwalay na insidente;
- Magkakasunod na pagpaslang sa mga magsasakang sina Ismael Morco, Roberto Montecalbo at Samuel Blaza sa bayan ng Camalig.
- Pagpatay sa kagawad ng Brgy. Lajong, Juban, Sorsogon na si Kgd. Emilio Guab.
- Pagpatay sa sibilyang si Allan Casulla, 51 taong gulang, matapos itong paghinalaang myembro ng NPA.