Hinggil sa Matagumpay na Taktikal na Opensiba ng Apolonio Mendoza Command – New People’s Army
Nagpupugay at nagbubunyi ang mga manggagawa sa ilalim Revolutionary Council of Trade Unions – National Democratic Front – Southern Tagalog sa matagumpay na taktikal na opensiba ng Apolonio Mendoza Command – NPA Quezon sa bayan ng San Narciso laban sa mersenaryo at berdugong elemento ng Philippine National Police noong ika-14 ng Pebrero.
Sa nasabing taktikal na opensiba, tatlong tropa ng kaaway ang patay (KIA) at 2 dito ang sugatan (WIA). Makatwiran ang nasabing aksyong militar dahil sa samu’t-saring paglabag ng PNP pangunahin sa karapatan ng mga magsasaka sa mga dulong bayan o Bondoc Peninsula ng Quezon. Kasangkapan sila ng mga panginoong maylupa sa lugar upang panatilihin ang kaaba-abang kalagayan ng mga magsasaka at magniniyog sa lugar. Kung kaya, sagot ang atake ng BHB sa lumalang militarisasyon hindi lang sa probinsya kundi sa lahat ng bahagi ng kanayunan at kalunsuran ng Timog Katagalugan.
Rebolusyunaryong hustisya din ito para sa manggagawa’t mamamayan na matagal ng hinahalihaw ng dayuhang monopolyo kapitalista at malalaking burgesya na siya ring mga panginoong may lupa sa mga kanayunan gamit ang bayarang AFP at PNP.
Sa kalunsuran, nagpapatuloy ang atake sa mga manggagawa hindi lamang sa kapitalista kundi pati na ang pagpasok at pakikipagtulungan sa AFP at PNP para sa red tagging at harassment sa mga lider manggagawa at unyonista.
Nagpapatuloy ang pagkakalat ng lagim ng PNP-CALABARZON ayon sa memorandum nitong idinidikit ang mga unyon sa CPP-NPA, at ang paglulunsad ng mga seminar na naglalaman ng mga anti-unyon at anti-komunistang propaganda at red tagging sa mga unyon hanggang sa harassment sa mga lider manggagawa.
Bahagi ito ng Executive Order (EO) 70 na nagbuo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ayon sa konsepto nitong “whole of nation approach”. Nagbabalatkayo ang EO 70 at NTF-ELCAC para sa mamamayan ngunit ang totoong layunin nito ay supilin ang lehitimo at makatarungang pakikibaka at kahilingan ng mamamayan sa pamamagitan ng dahas, pagsisinungaling at paglilinlang sa mamamayan. Sa halip na magtaguyod ng kapayapaan at lutasin ang problema sa kahirapan, mas matinding ligalig, at higit na paghihikahos ang dulot nito sa mamamayan.
Ang mga bigwas na ito ng ating mahal na hukbo, ang New Peoples Army, ay nagpapatunay lang na siya ang tunay na hukbo ng sambayanan. Sa halos 51 taong pag-iral nito, ang NPA lamang ang nagtataguyod sa tunay na interes ng sambayanang Pilipino para sa ganap na paglaya sa matinding siklo ng kahirapan at pagkadahop sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo upang itayo ang demokratikong gobyernong bayan.
MABUHAY ANG APOLONIO MENDOZA COMMAND – NEW PEOPLES ARMY!
NEW PEOPLES ARMY, TUNAY NA HUKBO NG SAMBAYANAN