Hinggil sa mga pakulong kilos-protesta laban sa rebolusyonaryong kilusan
Walang anumang halaga ang pagsasagawa ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC), sa pamumuno ng mga nangungunang berdugo sa rehiyon, ng isang kilos-protesta sa Naga City sabay sa pagdiriwang ng ika-51 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Walang kabuluhan ang kanilang pagtatangkang siraan ang rebolusyonaryong kilusan at palabasing hindi na nagtatamasa ng suporta ang demokratikong rebolusyong bayan. Kung may isang bagay na pinapatunayan ang ganitong mga pakulo ng RTF, iyan ay ang hindi matatawarang lakas na inabot ng rebolusyong Pilipino sa loob ng lampas limang dekada na pilit namang ikinukubli ng reasksyunaryong pwersa. Ito ang dapat tandaan ng kaaway – lubos na yinayakap ng masa ang CPP-NPA-NDFP dahil ito ang tanging Partidong tunay na nagdadala ng kanilang interes at nagpapatupad ng makauring pamumuno para sa sambayanang inaapi at pinagsasamantalahan.
Hindi nakapagtatakang kinakailangan ng kaaway magsagawa ng ganitong mga hakbangin sa harap ng kanilang malinaw na pagkabigong durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa Kabikulan at buong bansa. Walang ni isang larangang gerilya sa rehiyon ang nabuwag ng pananalasa ng mga operasyon ng militar. Hindi ba’t makailang ulit na ngang inusog ng militar at ng kanilang among rehimeng US-Duterte ang palugit nila sa sinasabi nilang paggapi sa CPP-NPA-NDFP? Hindi ba’t mula sa tigas-mukhang pahayag nila na kaya nilang ubusin ang mga rebolusyonaryo noon pang 2018 ay pumihit sila sa desperadong paglulunsad ng isa sa pinakamararahas na gera laban sa mamamayan – may kaugnayan man o wala sa rebolusyonaryong kilusan.
Hindi nila maitangging nananatiling higit na matimbang at kongkreto para sa masa ang katotohanang tanging sa kanilang pagsusulong ng rebolusyon mareresolba ang papasidhing kagutuman, kahirapan at kawalang-katarungang dinaranas nila ngayon sa ilalim ng papet at pasistang rehimeng US-Duterte. Anumang pakulo ang ipangalandakan ng RTF-ELCAC, nagpapatuloy ang mainit na pagyakap ng masang Bikolano sa rebolusyonaryong kilusan. Patuloy na dumarami ang masang tumatanggap, sumusuporta at lumalahok sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.
Hinahamon ng NDF-Bikol ang RTF-ELCAC na sukatin ang inaabot ng kanilang kampanyang kontra-rebolusyonaryo hindi sa mga pakulong kilos-protesta at mga sapilitang ipinaparadang mga masang natulungan umano nila kung hindi sa lakas ng armadong pakikibaka, paglawak ng baseng masa at pagtaas ng antas ng rebolusyong agraryo sa rehiyon.
Sa huli, patuloy na ipagdiriwang ng masa at mga kasama ang mga inabot ng rebolusyong Pilipino sa ilalim ng absolutong pamumuno ng PKP. Nasa mainam na pusisyon ang buong rebolusyonaryong kilusang patuloy na itaguyod ang interes ng masang api at pinagsasamantalahan. Habang nagpapakalango sa kung anu-anong palabas ang rehimeng US-Duterte, nagpapatuloy ang paglakas, paglawak at paglalim ng inaabot ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon at buong bansa.