Hinggil sa napipintong maging ganap na batas ang Anti-Terrorism Act of 2020
Ang National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ay mahigpit na kaisa ng sambayanang Pilipino sa mariing pagtutol at paglaban upang ibasura ang Anti-Terrorism Act of 2020 (ATA 2020) na ngayon ay naghihintay na lamang ng pirma ng pasista at kriminal na si Duterte para maging isang ganap na batas matapos pirmahan ito at isumite sa Malacañang ng kapwa mga pasistang lider ng Kongreso at Senado na sina Alan Peter Cayetano at Vicente “Tito” Sotto.
Kapag ganap na naisabatas, ilalagay ng batas na ito ang Pilipinas sa permanenteng kundisyon ng paghaharing militar nang di na kailangan ng pormal na deklarasyon ng batas militar.
Nananawagan ang NDFP-ST, lalo na sa mga mamamayan ng rehiyong Timog Katagalugan, na patuloy at huwag maglubay sa paglaban na maging ganap na batas ang isang higit na mapanupil, kakila-kilabot at marahas na Anti-Terrorism Act of 2020. Gumawa tayo ng iba’t ibang paraan na angkop at pinapahintulot ng sitwasyon para i-rehistro ang ating mariing pagtutol sa batas. Nasa poder na ng Malacañang ang panukalang batas kaya dapat lang kay Duterte nakatutok ang ating laban para hamunin siyang i-veto ang panukalang Anti-Terrorism Act of 2020 bagama’t siniterpekahan niya itong “urgent bill” na ang nais pakahulugan ay kanya itong iniendorsong panukalang batas. Huwag nating pahintulutan si Duterte na lalong salaulain at labagin ang ating mga batayang karapatan at makapaghari siya ng mas masahol pa sa ipinataw na batas militar sa bansa ng dating diktador na si Ferdinand E. Marcos.
Sa pagsusumite ng panukalang batas sa opisina ng Presidente ng Pilipinas, tahasang isinantabi nina Cayetano at Sotto ang malakas at malawakang pagtutol ng taumbayan laban sa Anti-Terrorism Act of 2020 upang tuparin ang matagal nang hangarin ni Duterte na mabigyan ng ligal na bihis ang kanyang kamay na bakal na paghahari sa bansa kahit walang pormal na deklarasyon ng batas militar. Binalewala din ni Cayetano ang pagbawi ng mga bumotong “yes” tungong “no” at “abstention” sa panukalang batas ng marami-raming bilang ng mga kongresista resulta ng tinamo nilang batikos at presyur mula sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Ang hakbang na ito nina Cayetano at Sotto ay patunay na isang rubber stamp at sunod-sunuran ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa kapritso ng Malacañang. Inilantad din nila ang Kongreso bilang kasabwat at instrumento ng pasismo at terorismo ng burukratiko-militar na estado ng malalaking burgesya kumprador, panginoong maylupa at burukrata kapitalista.
Makatuwiran at may batayan ang mga kaliwa’t kanang pagtutol ng sambayanang Pilipino sa Anti-Terrorism Act of 2020 dahil sa mga anti-mamamayan at anti-demokratikong mga probisyon nito na magdudulot ng malawakang paglabag sa karapatang pantao at yuyurak sa mga pundamental na karapatan ng mamamayang Pilipino na nakatadhana sa burges na Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987.
Ang ATA 2020 ay magsisilbing panibagong dagdag na sandata na magagamit ng pasistang rehimeng Duterte para takutin, supilin at pigilan ang anumang mga pagtutol ng sambayanang Pilipino sa mga katiwalian at kainutilan ng kanyang administrasyon lalo na sa palyadong pagharap at pagsugpo sa pandemic na Covid-19.
Sa Anti-Terrorism Act of 2020, inangkin at kinamkam na ng ehukatibo ang kapangyarihang hudisyal sa pagtitiyak ng probable cause hanggang sa paglalabas ng Warrant of Arrest (WOA) laban sa mga pinaghihinalaan nilang terorista at maging sa mga nagbabalak pa lang na gumawa ng “terorismo” na ekslusibong nakalaan sa Hudikadura bilang bahagi ng check and balance sa tatlong sangay ng gubyerno.
Sa ilalim ng ATA 2020, bubuuin ang Anti-Terrorism Council (ATC) na siyang magsisilbing pangunahing tagapagpatupad ng bagong batas. Ang ATC ay may kapangyarihang magtakda sa sinumang indibidwal, grupo ng mga indibidwal, organisasyon o asosasyon, sa loob at labas ng bansa, bilang mga terorista, batay sa makikitang probable cause laban sa indibidwal, grupo ng mga indibidawal, organisasyon o asosayon na nagsagawa, nagtangkang magsagawa o nakipagkutsabahan sa paggawa ng “terorismo”. Ang ATC ay binubuo ng mga gabinete ni Duterte kabilang ang prominente at masusugid na mga anti-komunista, pasista at mga pusakal na lumalabag sa karapatang pantao tulad nina Lorenzana ng DND, Año ng DILG at Esperon na Presidential Security Adviser (kabilang din sa mga bubuo ng ATC ang Executive Secretary, bilang Chairman, Kalihim ng DOJ bilang Vice Chairman at mga Kalihim ng DOF at DFA bilang mga myembro). Maraming beses nang nagpahayag sa publiko ang 3 dating mga Heneral sa AFP na mga terorista at prente ng CPP-NPA-NDFP ang mga progresibong grupo na aktibong lumalalaban sa mga anti-mamamayan at anti-demokratikong mga batas at patakaran sa bansa. Hindi malayong mangyari na gamitin nila ang ATC para sa paghahabol at pagpapakulong sa mga lider at aktibista mula sa mga progresibong grupo, mga organisasyon at indibidwal, iba pang mga kritiko at oposisyon na hayagang bumabatikos sa mga katiwalian at kapalpakan ng gubyernong Duterte.
Pinahihintulutan din ng ATA of 2020 ang 14 na araw at dagdag pang 10 araw na pagpapalawig sa pagbinbin sa isang indibidwal o grupo na kanilang dinakip bilang pinaghihinalaang “terorista” o mga “terorista” kahit wala pang kasong naisasampa sa Korte. Taliwas ito sa tinatadhana ng burges na Saligang Batas ng 1987 na hanggang 36 oras lamang ang pinapahintulot na palugit sa mga “alagad ng batas” para sampahan ng kaso sa Korte ang sinuman na kanilang dinakip. Obligadong pakawalan ng mga “alagad ng batas” ang kanilang hinuling suspek at mga suspek sakaling lumagpas na sa 36 na oras ang pagkakabinbin sa kanila.
Sa pamamagitan ng ATA 2020, hawak ngayon ng pasistang rehimeng US-Duterte ang leeg ng sambayanang Pilipino at anumang oras ay maaari niyang pilipitin ang leeg ng sinumang susuway sa kanyang mga kagustuhan at magpapatuloy sa pagtutol at pagtuligsa sa kanyang paghahari. Gustong mangyari ni Duterte na magsawalang kibo at maging sunod-sunuran na lamang ang taumbayan sa kanyang otoridad at tiranikong paraan ng paghahari kahit sa gitna ng malaganap na kagutuman at kawalan ng hustisya na nararanasan ng sambayanang Pilipino.
Kasama ni Rodrigo Roa Duterte, sisingilin at pananagutin ng taumbayan at ng rebolusyonaryong kilusan, sa akmang panahon, sina Alan Peter Cayetano, Vicente Tito Sotto at maging ang mga mambabatas na nag-endorso at pumirma sa Anti-Terrorism Act of 2020 (ATA 2020). Sisingilin at pananagutin sila sa bawat paglabag sa karapatang pantao at dugong papatak mula sa mga magiging biktima ng kanilang ginawang mapanupil at marahas na batas. Maraming paraan na magagamit at mapagpipilian ang taumbayan para singilin at papanagutin ang mga taong nagdulot sa kanila ng dagdag na pagpahihirap at pagpapasakit. Habang hindi pa napipirmahan ni Duterte ang ATA 2020, may panahon pa kayo na makinig at pumanig sa malawak na kahilingan ng taumbayan at bawiin ang inyong pag-endorsyo at pagsang-ayon sa ATA 2020.
Ngayong darating na paggunita sa huwad na kalayaan sa bansa sa Hunyo 12, 2020, dapat na ibuhos at itutok ng bayan ang namumuong galit sa pasistang rehimeng US-Duterte. Itambol ang malakas na tinig ng pagtutol sa Anti-Terrorism Act of 2020 na higit ang bangis at teror na yuyurak sa mga pundamental na karapatan ng mamamayan at lalong magbibigay ng impyunidad sa AFP at PNP na makapaghasik ng karahasan at terorismo sa sambayanang Pilipino.
Buong lakas ding ipagsigawan at iparating sa publiko na hangga’t umiiral ang malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan sa bansa, hindi kailanman mararanasan ng sambayanang Pilipino ang tunay na kalayaan at demokrasya sa bansa. Kailangan munang ibagsak ng sambayanang Pilipino ang umiiral at naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal nang sa gayon matamasa nito ang tunay na kalayaan, demokrasya at kasaganaan.
Magkaisa at Labanan ang Anti-Terrorism Act of 2020!
Isulong ang Tunay na Kalayaan at Demokrasya!
Ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte!
###