Hinggil sa Novel Coronavirus
Mariing kinokondena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ang pasistang rehimeng US-Duterte sa pagiging makupad, inutil at kawalan ng mapagpasyang hakbangin paano haharapin at maiwasang makapasok sa bansa ang nakamamatay na novel coronavirus (nCov). Ngayong kumpirmado nang nakapasok sa bansa ang kinakatakutang nCov, walang ibang dapat sisihin ang taumbayan kundi ang rehimeng Duterte dahil sa pagbabantulot nitong magpatupad ng mga drastikong hakbangin upang maiwasang makapasok sa bansa ang nCov. Maige lamang ang gubyernong Duterte sa pagyayabang at pagpapakitang-gilas subalit kapos at ampaw ang mga programa pagdating sa pagbibigay proteksyon at pagtugon sa kagalingan at pangangailangan ng taumbayan.
Sa pangyayaring ito, muling nalantad ang kriminal na kapabayaan at kainutilan ng gubyernong Duterte na harapin ang krisis sa pampublikong kalusugan ng mga Pilipino mula sa banta na maging lubos na epidemya ang nakamamatay na nCov na naunang sumiklap sa bansang China. Ang kawalan ng maagap, maingat at episyenteng sistema ng gubyernong Duterte sa pagmonitor, kontrol at pagkwarantina sa mga posibleng nagdadala ng nCov ang pangunahing dahilan kung bakit nakapasok sa bansa ang kinakatakutang nCov.
At ngayon, hilong talilong naman ang gubyerno sa kahahanap ng paraan kung paano maiiwasan ang posibleng pagkalat ng nakamamatay na virus sa iba pang Pilipino matapos madala ito sa bansa ng isang 38 taong gulang na turistang Chino na nanggaling sa Wuhan City. Ayon sa ulat ng Department of Health (DOH) mayroong 31 pasyente ang kasalukuyang sumasailalim sa pagsusuri sa posibilidad na nahawahan sila ng nCov.
Sa pagkapasok sa bansa ng nCov, pinatunayan muli ang walang kaparis na kainutilan at pagiging bangkarote ng gubyernong Duterte tulad sa mabagal at nakakadismayang pagtugon nito sa pangangailangan ng mga naging biktima ng mga sakuna at kalamidad dulot ng bagyo at lindol sa nakaraan at sa nangyaring pagputok ng bulkang Taal kamakailan.
Mariing kinokondena din ng NDFP-ST ang higit na pagpapahalaga ng rehimen sa ispesyal na relasyong umiiral sa pagitan ng gubyernong Duterte at ng gubyernong Chino kaysa sa kapakanan ng mga Pilipino sa panahong may nagbabadyang krisis sa pampublikong kalusugan sa bansa. Ang ispesyal na relasyong ito ay pangita hindi lamang sa tahasang pagkakaloob ni Duterte ng mga proyekto na makaisang-panig at pabor sa interes ng mga malalaking negosyong Chino kundi maging sa pagharap at pagtrato ni Duterte sa isyu ng nCov na mula sa China.
Palibhasa’y takot na maantagonisa, mabahiran ng mantsa at masira ang “ispesyal” na relasyong mayroon si Duterte sa gubyernong China, bantulot, maingat at umiiwas na magpatupad ang rehimeng Duterte ng mga drastikong hakbang na maaaring makasira sa nabuong relasyon nito sa gubyernong China—dahilan para makapasok sa bansa ang nCov.
Sa katunayan, kahit matindi na ang balita sa dumaraming kaso ng mga namamatay at tinatamaan ng nCov sa probinsya ng Hubei, lalo na sa kapitolyo nitong Wuhan, patuloy pa rin ang pagpasok sa bansa ng mga turistang Chino na hindi mahigpit na nasasala at nasasansala sa mga paliparan at daungan ng bansa kahit ang mga ito’y nanggaling sa Hubei. Saka lamang gumawa ng hakbang ang gubyernong Duterte kung kailan may isang turistang Chino na nakapasok sa bansa na nakumpirmang may nakamamatay na nCov.
Tulak ng lumalaking presyur ng taumbayan, saka lamang naobliga si Duterte na ipag-utos ang pagpapatupad ng travel ban at pansamantalang pagsasara ng bansa sa pagpasok ng mga Chino at iba pang dayuhan na nagmula sa Hubei na pinagsimulan at naging sentro ng epidemya ng nakamamatay na virus. Subalit taliwas pa din ito sa panawagan ng taumbayan na ipagbawal na muna ang pagpasok sa bansa ng mga Chino at iba pang dayuhan mula sa iba pang panig ng bansang China na may mataas na insidente ng nCov infection at hindi na lamang mula sa probinsya ng Hubei.
Sa kasalukuyan, ayon sa mga balita, mahigit sa 250 ang namatay na sa nCov at nasa mahigit sa 11,600 ang tinamaan nito sa Wuhan City, iba pang panig ng probinsya ng Hubei at maging sa iba pang syudad sa China. Mahigit sa 9,800 naman ang kumpirmadong infected ng nCov sa 23 na bansa sa mundo kabilang ang Pilipinas. Nagdeklara na rin ang World Health Organization (WHO) ng global health emergency dahil sa mabilis na paglaganap ng nCov sa iba pang mga bansa. Nagsimula na ring ilikas ng mga gubyerno ang kanilang mga mamamayan na nasa probinsya ng Hubei, ang sentro ng epidemya, para iligtas na mahawaan ng nCov.
Samantala, ang gubyernong Duterte ay wala pang planong agarang ilikas ang 300 Pilipino na nasa probinsya ng Hubei kung saan 150 ang nasa Wuhan City na pinagsimulan ng novel coronavirus. Sa susunod na linggo pa binabalak ng gubyernong Duterte na ilikas at pabalikin sa bansa ang unang pangkat (batch) ng mga kababayan natin na naruon sa kabila na mayroong 50 nating kababayan ang gusto ng bumalik sa bansa.
Dapat kondenahin ng taumbayan ang mabagal at mababang pagtrato ng gubyernong Duterte sa banta ng nCov na siyang dahilan kung bakit nakapasok ito sa bansa. Dapat mariing tuligsain ng taumbayan ang gubyernong Duterte na mas inuuna pang protektahan at pangalagaan ang umiiral na “ispesyal” na relasyon nito sa gubyernong China kaysa ang kaligtasan at kapakanan ng mamamayang Pilipino. Inilagay ni Duterte ang sambayanang Pilipino sa mapanganib na kalagayan na maging epidemya ang pagkalat ng nakamamatay na nCov dahil sa ispesyal na pagtrato at pakikitungo nito sa gubyernong China.
Pinaalalahanan ng NDFP-ST ang taumbayan na huwag maging mapanlait at iwasang gumawa ng mga aksyon na nagdidiskrimina sa mga Chino na nasa bansa at maging sa ibang pang mga lahi na dumating sa bansa na nanggaling sa China. Wala silang kasalanan at hindi nila kagustuhan sakali man na maging carrier sila ng nakamamatay na nCov.
May matibay na dahilan para kumilos at manawagan ang sambayanang Pilipino sa pagpapatalsik sa pwesto kay Duterte. Ito ay isang makabayan at patriyotikong tungkulin ng sambayanang Pilipino laban sa inutil, traydor, korap, pasista at mamamatay taong si Duterte. Walang ibang dapat gawin ang mamamayang Pilipino kundi ang ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte dahil sa kainutilan at kawalang malasakit nito sa bayan. Dapat lang itong patalsikin sa pwesto at palitan ng pinunong mayroong malasakit sa kapakanan ng taumbayan at handang ipagtanggol ang pambansang soberenya at teritoryal na integridad ng bansa mula sa imperyalistang panghihimasok at imposisyon.
Hanggang nasa katungkulan si Duterte patuloy na mababaon sa kumunoy ng kahirapan ang mamamayang Pilipino at makakaranas ito ng matinding kalupitan mula sa kanyang pasistang paghahari. Si Duterte ang pinakamalaking trahedya na dumating sa bansa na kailangang wakasan ng sambayanang Pilipino.###