Hinggil sa Pag-aresto ng LdGC-NPA Mindoro sa mga kasangkapan ng AFP-PNP sa lokal na pamahalaan laban sa kilusan at mamamayan
Matagumpay na naaresto ng isang yunit ng New People’s Army (NPA) sa ilalim ng Lucio de Guzman Command sina Peter Delos Santos, kasalukuyang Kapitan ng barangay, Rocky Bueta, Hepe ng Barangay Police kapwa sa Brgy. Malu, Bansud, at si Remando Malupa, aktibong kagawad ng Citizen’s Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) sa kanilang barangay, ganap na ika-7 hanggang ika-8 ng gabi ng ika-5 ng Abril.
Ang tatlo ay inaresto dahil sa pagiging kasangkapan ng mga ito sa AFP-PNP sa mga gawaing kontra-rebolusyonaryo tulad ng pagsasagawa ng mga operasyong panghuhuli sa mga sibilyan na pinaghihinalaan nilang may kaugnayan sa CPP-NPA-NDF na pumapasok sa kanilang barangay at pagsasagawa ng operasyong paniktik laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan.
Nakumpiska sa kanila ang isa (1) caliber .45 pistola (arsmcor) na may isang magasin at 14 na bala at dalawang (2) tranceiver radio.
Matapos ang magdamag na pagproseso ng kanilang kaso sa pamamagitan ng imbestigasyon, pag-amin ng mga arestado sa kasong kanilang kinasangkutan at pangangako na magbabago, magbabayad ng danyos perwisyo sa kanilang mga biktima at iba pang probisyon kaakibat nito, pinalaya si Delos Santos at Bueta, habang patuloy na bininbin si Malupa upang ipasailalim sa hudisyal na proseso ng Demokratikong Gubyernong Bayan kaugnay ng kanyang mga kasong kontra-rebolusyonaryo bilang aktibong kagawad ng CAFGU. Ginagarantiyahan ng arresting unit ng NPA na iginagalang ang karapatan ni Malupa bilang arestado at itinuturing na Prisoner of War (POW).
Walang kinalaman sa kasalukuyang kampanyahan sa eleksyon ang ginawang pag-aresto sa tatlo tulad ng nais palabasin ng mga pahayag ng mga bulaang tagapagsalita ng AFP-PNP sa Mindoro.
Nananawagan kami sa lahat ng Local Government Unit (LGU) kabilang ang Sangguniang Baranggay, Sangguniang Bayan hanggang Sangguniang Panlalawigan na huwag maging kasangkapan sa AFP-PNP sa kanilang mga kampanya at operasyon laban sa mamamayan, NPA at rebolusyonaryong kilusan. Magpapatupad ng rebolusyonaryong hustisya ang rebolusyonaryong kilusan sa sinumang mapapatunayang may kontra-rebolusyon at kontra-mamamayang krimen tulad ng kaso ng tatlong inaresto.
Nanawagan din kami sa lahat ng mga kagawad ng CAFGU na umalis na sa serbisyo at tumigil na sa pagpapagamit sa AFP-PNP sa kapinsalaan ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Nauunawaan naming kawalan ng hanapbuhay ang pangunahing dahilan ng nakararami sa inyo kung bakit pumasok sa trabahong CAFGU. Ganoonman, mahalagang mailinaw na ginagamit lamang kayo upang ipagtanggol ang interes ng mga dayuhan at lokal na mga naghaharing uring malaking burgesya-kumprador, panginoong maylupa na naghahari sa Mindoro at sa bansang Pilipinas. Ang mga naghaharing ito ang nagpapakasasa sa walang hanggang kayamanan ng bayan kapalit ang kahirapan ng mga magsasaka, manggagawa at mamamayang Pilipino. Imbes na maging CAFGU, tinatawagan namin kayong sumapi sa NPA at kasama namin ay ipagtanggol ang pambansa-demokratikong interes ng uring magsasaka, manggagawa at iba pang inaaping uri at sektor sa lipunang Pilipino.###