Hinggil sa Pagbabanta ni Duterte ng “shoot to kill” sa mamamayang nagugutom — NDF-ST
Mariing kinokondena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ang garapalan at matinding pagbabanta ni Duterte na kanyang ipapabaril sa pulisya at militar ang sinuman na mag-iinstiga ng pagkilos na hahantong sa “kaguluhan” at “maglalagay sa panganib” sa mga kapulisan at kasundaluhan. Ito ang agarang naging tugon ni Duterte sa nangyaring insidente kung saan hinuli at ikinulong ng mga pulis ng Quezon City ang 20 residente ng Sityo San Roque, Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City na nagsagawa ng rali sa EDSA nuong Abril 1, 2020.
Kung tutuusin makatarungan at lehitimo ang ginawang pagkilos ng ilang residente ng Sityo San Roque at hindi kailangan na sila’y hulihin at kasuhan. Ang tanging hangad lamang nila ay maiparating sa kinauukulan ang kanilang karaingan sa pagkain na hindi nakararating sa kanila simula nang ipatupad ang lockdown tatlong linggo na ang nakararaan. Ginawa nila ang pagtungo at pagtitipon sa EDSA para kalampagin ang gubyerno nang sa gayon ay mabilis na makarating sa kanila ang tulong na pagkain. Labis ang kanilang dinaranas na matinding kagutuman laluna ng mga bata at matatandang miyembro ng kanilang pamilya.
Subalit, imbes na alamin ni Duterte ang sitwasyon sa ibaba, kastiguhin at utusan ang mga ahensya ng gubyerno na bilis-bilisan ang paghahatid ng tulong sa mga nagugutom nating kababayan epekto ng lockdown, masasakit na salita at matinding pagbabanta pa ang ipinukol ni Duterte sa mga kapos-palad nating mga kababayan. Palibhasa’y hindi nakaramdam si Duterte sa tanang buhay niya na kumalam ang sikmura, magutom at makitang nag-iiyakan ang mga anak dahil sa gutom, walang maramdamang anumang bahid ng pag-aalala at kakagyatan ang panig ni Duterte. Garapalan pa niyang pinagsabihan ang taumbayan na mag-antay at magtiis-tiis muna sa gutom at wala namang namamatay sa gutom.
Minsan pang pinatunayan kung gaano kapusakal at kawalang puso ng gubyernong Duterte sa harap ng mga hinaing ng taumbayan para sa agarang tulong ng gubyerno sa pang-araw araw nilang pangangailangan lalo na sa pagkain. Dahil sa pagpapatupad ng kamay-na-bakal na lockdown, obligasyon ng gubyernong hatiran ng mga batayang pangangailangan ang taumbayan sa pagkain, sapat na proteksyon laban sa Covid-19 at iba pang serbisyong medikal. Dapat kondenahin ng sambayanang Pilipino ang wala sa lugar na pagbabanta ni Duterte na ipababaril niya sa pulis at militar ang sinumang kikilos kahit ito man ay lehitimo at makatarungan. Sa panahon ng malawakang kagutuman, mangyayari at mangyayari ang ispontanyong pagkilos ng mamamayan para humanap ng makakain. Makikipagsapalaran ito at kakapit kahit sa patalim para lamang mapakain ang nagugutom nilang pamilya. Sa pinakadulo, hindi malayong humantong ito sa mga food riots at malawakang nakawan (looting).
Sa ganito wala sa lugar ang pagbibigay babala ni Duterte sa mga “makakaliwang grupo” na huwag samantalahin ang sitwasyon at mag-instiga ng “kaguluhan”. Dapat malaman ni Duterte na anumang oras, may mga “kaliwa” man o wala, may mga progresibong organisasyon at kritiko man o wala ay magaganap ang ispontanyong pagkilos ng mamamayan para humanap ng pagkukunan nila ng makakain. Hindi nila kasalanan ang magutom at humanap ng paraan para maibsan ang kagutumang ito. Ang gubyerno ang higit na nasa pusisyon na alisin ang mga kundisyon upang hindi maganap ang mga food riots at malawakang nakawan (looting) sa Luzon at sa iba pang lugar ng bansa. Ang tanging paraan upang maiwasan itong mangyari ay pangunahan ng gubyerno ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga kapos-palad at labis nating naghihirap na mga kababayan sa pamamagitan ng isang maagap at supisyenteng tulong mula sa gubyerno. Sa kawalan nito, ang mga pribadong indibidwal na pilantropo at mga NGOs ang pumupuno at bumabalikat sa mga kakulangan at pagiging inutil ng gubyerno.
Hindi palalagpasin ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyong Timog Katagalugan ang marahas at madugong pagharap ng gubyernong Duterte sa mga lehitimong karaingan ng taumbayan sa gubyerno upang kalampagin at kunin ang atensyon nito. Sisingilin at papapanagutin ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ang gubyernong Duterte sa bawat patak ng dugo mula sa masa ng sambayanan dahil sa kanyang labis na kalupitan bilang diktador at pasistang pinuno.
Higit kailanman, ngayon kailangan ang mahigpit na pagkakaisa ng sambayanang Pilipino upang patalsikin sa pwesto ang walang kakayahan, inutil, korap at pabayang pasistang rehimeng US-Duterte. Ang alam lang ng gubyernong ito ay magmura, mambastos ng mga kababaihan, pumatay sa walang kalaban-laban, magpayaman sa pamamagitan ng pangungurakot sa kaban ng bayan, magpatupad ng mga anti-mamamayan at anti-demokratikong mga patakaran at polisiya at sumunod at manikluhod sa mga dikta ng imperyalistang US at China.
Sa mahigit ding apat (4) na taon nitong panunungkulan, saksi ang sambayanang Pilipino sa kapabayaan at mabagal na pagtugon ng gubyernong Duterte sa mga naging biktima ng mga sakuna at kalamidad na dumarating sa bansa tulad sa nangyaring pagputok ng bulkang Taal nuong Enero 2020. Dapat nang tapusin ang kanyang paghahari. Habang siya’y nasa kapangyarihan, mahihirapan ang taumbayan na mabuhay, hindi lamang sa pagharap at paglaban sa Covid-19 kundi sa kanyang abusadong pamamalakad sa gubyerno na pawang kagutuman, kahirapan at pang-aapi ang hatid sa taumbayan.
Mapanlikhang gumawa tayo ng iba’t ibang porma at anyo ng pagkilos, kahit nasa panahon ng lockdown upang malakas na maiparating ang ating kimkim na galit at mariing kagustuhang patalsikin sa pwesto si Duterte.
Tama na! Sobra na! Sambayanang Pilipino Magkaisa! Patalsikin ang pasistang rehimeng US-Duterte!
#####