Hinggil sa Pagbubuo ng RTF sa Bikol
Marapat lamang na salubungin ng matinding protesta at paglaban ang pormal na pagbubuo sa Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) sa Agosto 19-20. Bumisita na sina DILG Sec. Eduardo Año at DICT Sec. Gregorio Honasan noong nakaraang lingo para sa paghahanda nang naturang aktibidad at malamang bumalik muli upang pulungin ang humigit-kumulang 400 upisyal ng Regional Peace and Order Council (RPOC), Regional Development Council (RDC) at Joint Task Force Bicolandia (JTFB). Ang pagbubuo ng RTF ay katumbas ng higit na masaklaw na pagkubabaw ng militar sa lahat ng aspeto ng sibilyang burukrasya at higit na mararahas at agresibong operasyong militar sa kanayunan at kalunsuran. Kinukumpleto ng RTF ang makinarya ng rehiyon para sa puspusang pagpapatupad ng EO 70 alinsunod sa estratehiyang Whole-of-Nation Approach (WONA) ng pasistang rehimeng US-Duterte.
Ang RTF, JTFB at iba pang makinaryang nagpapatupad at nagtitiyak ng EO 70 sa rehiyon ay malinaw na tumatarget, hindi lamang sa rebolusyonaryong kilusan, kundi higit sa masa. Umabot na sa 43 ang sibilyang biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang mula nang mabuo ang JTFB noong Hunyo 11, 2018. Kabilang dito ang siyam na kabataan, pitong nakatatanda, tatlong kapitan at tatlong kagawad. Nito lamang Hunyo, anim na katao ang pinaslang sa loob ng isang linggo. Kabilang dito sina Ryan Hubilla, isang senior high school student at Nelly Bagasala, isang senior citizen. Ang dalawa ay kapwa kilalang tagapagtaguyod ng karapatang-tao at kasapi ng Karapatan-Sorsogon. Si Hubilla ay tatayo sanang testigo para sa Writ of Amparo case na isinampa ng grupong Karapatan laban sa AFP.
Tuluy-tuloy din ang pambabraso sa mga upisyal ng lokal na yunit ng gubyerno na pumirma sa mga Memorandum of Understanding (MOU) na nagpapahintulot sa presensya ng militar sa mga baryo at iba pang sibilyang istruktura sa loob ng mga komunidad. Kasabay ng pinatinding abusong militar tulad ng hamletting, pagpapataw ng curfew, sapilitang pagtitipon sa mga taumbaryo, pambabanta, paniniktik at iligal na kondukta ng sensus at survey, nagpapalaganap ang 9th IDPA at JTFB ng mga orkestradong engkwentro upang pagtakpan ang kanilang mga pasistang krimen. Nitong Agosto 13, sa gitna umano ng isang engkwentro, binomba mula sa ere at pinaulanan ng bala ng isang kumpanya ng 83rd IBPA ang isang lugar na malapit sa komunidad ng Brgy. Lidong, Caramoan na nagresulta sa sapilitang paglikas at pagkagambala ng humigit-kumulang 200 pamilya. Dagdag pa rito ang humigit-kumulang 30 pamilya sa kalapit na Sityo Kamansi sa Brgy Toytoy, Garchitorena. Wala ang yunit ng NPA sa naturang lugar na tinarget ng anim na bomba at machine gun ng dalawang combat helicopter.
Sa kalunsuran, pinatindi ang red-tagging at pagtugis sa mga lider masa at kasapi ng mga progresibo at makabayang organisasyon. Matapos ang isang araw mula nang paslangin sina Hubilla at Bagasala sa Sorsogon, pinatay din ng mga elemento ng death squad ng 9th IDPA si Nephtali Morada, dating Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Regional Campaign Coordinator, habang lulan ng motorsiklo sa Naga City. Isang buwan lamang matapos nito, idinawit sa isa umanong labanan sa Payak, Bato at sinampahan ng gawa-gawang kaso ang pitong aktibista kabilang ang isang senior citizen. Ang naturang labanan ay isang misengkwentro sa pagitan ng mga pwersa ng Police Mobile Force Camarines Sur at 83rd IBPA.
Dapat manindigan ang masang Bikolano laban sa kontra-mamamayang gera ng rehimeng US-Duterte. Ang pinakabulnerableng biktima sa pinakamasasahol na atake ng rehimen ay ang sibilyang populasyon. Ginagamit ng rehimeng US-Duterte ang kampanyang kontra-insurhensya upang iwasiwas ang isa sa mga pinakamatitinding kampanyang panunupil laban sa mamamayan sa kasaysayan ng bansa. Sa pamamagitan ng pag-apula sa makabayang diwa ng masang inaapi at pinagsasamantalahan at pagpapairal ng de-facto Batas Militar, tinatanggal ng pangkating Duterte ang lahat ng hadlang para sa pagbabago ng Konstitusyon at lubusang panghihimasok ng imperyalistang US sa ekonomya, pulitika at militar ng Pilipinas. Dapat ubos-kayang biguin ng masang Bikolano ang pagpapatupad ng Oplan Kapanatagan, MO 32 at EO 70 sa rehiyon. Dapat magpunyagi sa tuluyang pagpapabagsak sa taksil, papet, pasista at teroristang rehimeng US-Duterte!
Labanan ang RTF-ELCAC! Biguin ang MO 32 at EO 70!
Ibagsak ang Papet at Pasistang Rehimeng US-Duterte!