Hinggil sa Pagbuwag ni Duterte sa GRP Peace Panel
Hindi maaaring hiwa-hiwalay ang pagpapatupad ng reporma sa lupa at paglutas ng suliranin ng mamamayan.
Anong kabulastugan itong ginawang pagbuwag ni Digong Duterte sa sarili niyang peace panel at pagsusulong ng lokal na usapang pangkapayapaan? Na sinuportahan naman ng kagaya ni Senator Panfilo Lacson dahil diumanoy hindi naman pambansa ang saklaw ng insurgency.
Pambansang kalayaan mula sa dominasyon ng dayuhang imperyalistang US at mga lokal na naghaharing uri ang hangad ng CPP-NPA para sa sambayanang Pilipino, kung gayon ay isinusulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa buong kapuluan.
Pambansa ang dominasyon at pang-aaping nagaganap. Dapat wasakin ang makinaryang burukratiko at militar ng estado sa pambansang saklaw, pati na ang malalaking kumprador at panginoong maylupa. Dapat parusahan ang mga pasistang kriminal at traydor sa buong bansa.
Dagdag pa ng dating pulis na si Lacson ay sapat nang lutasin sa antas ng munisipyo ang problema. Para sa kaalaman ni Lacson, ang pundamental na problemang pinag-uugatan ng armadong tunggalian ay kawalan ng tunay na reporma sa lupa sa buong bansa.
Nasa 75% ng 110 milyong populasyon ng bansa ang naghahangad na uring magsasaka para sa lupang mabubungkal. Sa pagpapatupad lamang ng libreng pamamahagi ng lupang matataniman saka malulutas ang ugat ng digmang magsasaka sa kanayunan ng bansa.
Kung gayon, hindi maaaring hiwa-hiwalay ang pagpapatupad ng reporma sa lupa at paglutas ng suliranin ng mamamayan kagaya ng ipinapanukala ng mangmang na si Duterte.
Mula sa maamong mukha ng rehimeng US-Duterte sa pagpasok nito sa usapang pangkapayapaan sa NDFP noong 2016, nahubad ang kanyang maskara bilang pasista-teroristang pangulo ng Pilipinas nang umatras siya sa peace talks noong maagang bahagi ng 2017.
Ang hakbanging pagbuwag sa sarili nitong peace panel ay nangangahulugan na wala nang balak ang rehimeng US-Duterte na makipag-usap sa NDFP upang solusyunan ang ugat ng armadong tunggalian sa Pilipinas. Lubos na pinapatunayan lamang ni Duterte ang kanyang pagiging adik sa gera at paggamit ng karahasan para patahimikin ang sinumang kalaban.
Ang alam na kapayapaan ni Digong Duterte ay ang katahimikan ng libingan. Subalit walang kapayapaang inihatid ang gera kontra-droga, gera kontra-Moro at gera laban sa CPP-NPA ni Duterte na ngayoy lampas na sa 20,000 ang naging biktima ng kanyang hibang na mga gera.
Limampung taon na ang New People Army ngayong Marso 29, 2019. Patuloy na tinatangkilik ng sambayanang Pilipino ang pambansa-demokratikong pakikibaka ng CPP-NPA-NDFP.
Habang kamamatayan na lamang ni Duterte ang pangangarap niyang mapupuksa ang CPP-NPA, handa naman ang rebolusyunaryong kilusan kahit ilampung taon pa para tiyakin na malutas ang ugat ng armadong tunggalian sa pambansang saklaw.