Hinggil sa pagdalaw ni Badoy sa Bikol: NTF-ELCAC, makinarya ng pasismo at pyesa sa tangkang pananatili ng tiraniyang Duterte
Read in: English
Panahon na naman ng eleksyon. Naglabasan na sa kanilang mga lungga ang mga burukrata kapitalistang natutulog sa kangkungan para magpaulan ng mga pangako at mabubulaklak na salita. Nangunguna sa kanilang lahat ang pangkating Duterte – mula sa pagpapalipana ng libu-libong troll farms sa social media hanggang sa paggamit sa lahat ng mga ahensya ng sibilyang burukrasya para ilako ang diktador. Sa rehiyon, sunud-sunod na naman ang pagdalaw at pagpaparamdam ng mga alagad ni Duterte gaya nina NSA Adviser Hermogenes Esperon, DOTr Sec. Arthur Tugade, PNP Chief Eleazar at, ngayon naman, si NTF-ELCAC Spokesperson Lorraine Badoy. Iisa ang kanilang layunin: tangkaing baguhin ang pampublikong upinyon sa kontramamamayang gera ni Duterte, bilhin ang katapatan ng kanilang mga kasapakat na pulitiko at ipagpilitan ang tiranikong paghahari para sa susunod na halalan.
Alam ng madlang binuo ang NTF-ELCAC at lahat ng mga lokal na katumbas nito upang magsilbi sa tiraniya ni Duterte. Tiniyak ang pagbubuhos dito ng bilyun-bilyong pondo hindi lamang upang iwasiwas ang walang kapantay na pasismo kundi upang maging balon ng kurakot para kay Duterte, matatapat niyang upisyal-militar at inaalagaang pulitiko. Wala itong ipinag-iba sa mga ahensyang gaya ng DOH, DENR at iba pa na pinatatakbo ng mga pinakamasusugid na tauhan ni Duterte nang sang-ayon sa kanyang pansariling interes. Bilyun-bilyong pondo ang nawawala, anomalyosong ginamit at kinurakot mula sa mga ahensyang ito ang napunta sa bulsa ni Duterte at kanyang mga kroni. Ngayong panahon ng deliberasyon sa pambansang badyet, nagkakandarapa na naman ang mga ahensyang ito para sa kani-kanilang tipak ng pondong makukurakot at masasarili.
Para sa susunod na taon, nangangampanya ang NTF ng karagdagang P47 bilyon para sa Barangay Development Program (BDP). Sa unang bahagi pa lamang ng naturang programa, lumustay na ang gubyerno ng P16.4 bilyon mula sa kaban ng bayan. Ipinapain nila ang nakalululang halagang ito kapalit ng garantiya ng suporta mula sa mga lokal na yunit ng gubyerno at burukrata kapitalista sa Bikol at buong bansa.
Ngunit hindi lamang pera ng taumbayan ang kapalit ng sabwatan ng NTF-ELCAC at mga pulitikong tumatangkilik sa tiraniya ni Duterte kundi, higit sa lahat, buhay at kapakanan ng mamamayan. Dahil sa mga hungkag na proyektong pantabing lamang sa korupsyon at sumusuhay sa interes ng mga kapitalista ang pinagtutuunan ng pansin ng rehimen, lalong nalubog sa kahirapan ang Bikol. Walang lupang masaka ang mga magsasaka, mababa ang halaga ng kanilang mga produkto habang napakataas naman ng presyo ng mga farm inputs. Hindi tumataas ang sahod ng mga manggagawa at patuloy na lumolobo ang bilang ng mga walang trabaho at underemployed. Butas na ang bulsa ng masang Bikolano sa taas ng presyo ng mga bilihin, yutilidad at iba pang serbisyong dapat sana’y libre nilang natatamasa. Pinakamasahol sa lahat, walang patlang silang inaabuso, pinapaslang at minamasaker.
Hindi dapat palampasin ang harap-harapang paglapastangan at panloloko ng NTF-ELCAC at ng buong pangkating Duterte sa masang Bikolano at buong sambayanan. Hindi sila dapat mapahintulutang gamitin ang perang nanggaling sa dugo’t pawis ng publiko para sa kanilang mga personal na interes at sa lalo pang pagpapahirap sa mamamayan. Hindi rin dapat hayaan ang tigas-mukha nilang paglalako sa tiraniya ni Duterte bilang katugunan sa mga kahingian ng masa. Malinaw na walang ibang idinulot ang kontramamamayang gera at whole of nation approach ni Duterte kundi ang pangingibabaw ng militar at ang walang kapantay na kaapihan, kaguluhan at karahasan.