Hinggil sa Paggamit ng Rebolusyonaryong Dahas (Revolutionary and Just Violence) at ang Pagkakaiba nito sa Pandarahas ng Estado (State Violence)
Malaon nang ginagawa ng masa ang lahat ng mapayapang pamamaraan upang igiit ang kanilang mga demokratikong interes at mga sosyoekonomikong reporma. Ngunit ano ang tugon dito ng estado? Paglulunsad ng brutal at todo-largang gera laban sa mamamayan. Pinapatay ang masang magsasaka at minoryang ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa lupa. Pinatatahimik ang mga demokratikong pwersa, maging ang midya upang pigilan itong ipahayag ang kanilang karapatan sa malayang pamamahayag. Sa halip na humarap sa usapang pangkapayapaan, disimpormasyon sa mamamayan at pang-aatake sa rebolusyonaryong kilusan ang isinagawa ng rehimen. Sinong hindi maitutulak sa pagtangan ng armas kung kahit sa mapayapang pamamaraan ay pagpatay pa rin ang tugon? Kung kaya, makatwiran lamang na ilunsad ng sambayanan ang digmang bayang magtatanggol sa kanilang mga karapatan at magtataguyod ng kanilang interes.
Ngayon, hinahamon ng NDF-Bikol ang rehimeng US-Duterte na itigil ang tripleng gera at harapin ang panawagan ng mamamayan na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan. Upang patunayan ang kanyang katapatan at ang kanyang pahayag na tinuturing niyang ‘kaibigan’ ang rebolusyonaryong kilusan, dapat ihinto ng gubyernong Duterte ang pagpapanukala ng lokalisadong usapan at pagpapakalat ng mga hakbang upang itulak sa kapitulasyon at pasipikasyon ang pulang hukbo. Hanggat hindi nakakamit ang mamamayan ang kanilang mga sosyo-ekonoming kahingian at demokratikong interes, patuloy nilang ilulunsad ang makatwirang digma.
Karaniwang mamamayan ang naglulunsad ng makatwirang digmang ito. Ang Bagong Hukbong Bayan ay hukbong binuo mismo ng mamamayang biktima ng pagsasamantala at karahasan ng estado. Hindi terorismo ang mamulat at tumindig laban sa pagsasamantala ng rekasyunaryong gobyerno. Natutong tumangan ng armas ang mamamayan dahil ito ang tanging paraan upang igiit ang panlipunang pagbabago.
Malaki ang pagkakaiba ng rebolusyonaryong dahas (revolutionary and just violence) sa karahasan ng estado (state violence) at iba pang porma ng karahasan. Ang rebolusyonaryong dahas ay nakatuntong sa interes ng masa at nagsisilbing sandata ng mamamayan laban sa higit na malupit at walang pakundangang dahas ng estado. Kailanman, hindi ginamit ng CPP-NPA-NDFP ang rebolusyonaryong dahas laban sa masa.
Kung kaya, tumatalima ang Bagong Hukbong Bayan sa mahigpit na mga pamantayang ginagabayan ng mga prinsipyong nagtataguyod at nagtatanggol sa buhay at karapatan ng sibilyan. Higit na matimbang para sa CPP-NPA-NDF ang kapakanan ng mamamayan kaysa ganansyang militar. Hindi kailanman isasangkalan ng pulang hukbo ang karapatan ng masa sa kurso ng pagbigwas sa kaaway. Ang lahat ng taktikal na opensiba ng anumang yunit ng NPA ay ilinulunsad laban sa mga lehitimong target at may kaakibat na masinsin at maingat na pagpaplano upang hindi malagay sa alanganin ang ari-arian, kabuhayan at buhay ng mamamayan. Tumatalima ang rebolusyonaryong kilusan sa lahat ng batas hinggil sa karapatang-tao at nagsasagawa ng mga opensiba alinsunod sa mga ito (READ: Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law [CARHRIHL], Protocol II of the Geneva Conventions, BHB Primer, NDF Primer on Human Rights).
Narito ang tala ng mga lehitimong target ng taktikal na opensiba ng NPA:
- mga elemento ng AFP-PNP- mga para-militar katulad ng CAFGU na aktibong lumalahok sa mga operasyong mapanupil laban sa masa at pulang hukbo
- mga espiya at impormer
- warlord, pribadong armadong grupo ng mga burukrata at malalaking korporasyon batay sa kapasyahan ng kaukulang organo ng Partido at kumand ng NPA
- mga entidad na mapanira sa kapaligiran, kabuhayan, pamumuhay at kalusugan ng masa: malalaking dayuhang minahan, komersyal na pagtotroso, malalaking dayuhang plantasyong agrikultural at pang-export, atbp.
- mga kumpanya at korporasyong ayaw tumupad sa responsibilidad na magbayad ng takdang rebolusyonaryong buwis sa gubyernong bayan
- mga pasimuno at tauhan ng mga anti-sosyal na aktibidad: iligal na droga at malalaking pasugalan, malalaking usurero, vigilantes, despotikong PML.
Sa ganitong balangkas, malinaw na lehitimong target ng NPA ang anumang yunit o sinumang elemento ng AFP-PNP-CAFGU at mga pwersang paramilitar na aktibong nasa serbisyo at kumikilos batay sa pangkalahatang plano ng kanilang institusyon halimbawa ay yaong mga elemento ng kapulisan at kasundaluhang tinarget ng mga ambush sa Dumagmang, Camarines Norte at Lupi, Camarines Sur nitong nakaraan.
Ikalawa, liban sa may tiyak na target, ang lahat ng armas (kabilang na rito ang mga command detonated explosives) ng NPA ay sumusunod sa internasyunal na kasunduan hinggil sa mga lehitimong armas sa pakikidigma (Read: Ottawa Treaty, CDX: Mapanlikhang Armas ng Mamamayan-Pahayag ng NDF-Bikol). Muli naming bibigyang diin na ang mga eksplosibo ng NPA ay command detonated. Ibig sabihin, walang posibilidad na bigla o aksidente itong pumutok nang walang hudyat ng itinakdang bomber mula sa hanay ng mga sinanay na pulang mandirigma. Hindi ito basta sasabog kapag maapakan, madiinan o maibagsak. Sasabog lamang ito sa oras na pindutin ng itinakdang bomber ang trigger na nakakunekta rito. Sa ambush sa Lupi, malinaw na hindi gumamit ng labis sa kinakailangan na pwersa ang NPA sa pag-atake dahil wala ni anumang galos ang mga sibilyang lulan ng sasakyan tulad ni FDA Dir. Gen. Nela Charade Puno.
Samantala, ang pandarahas ng militar ay bahagi ng malawak na makinarya ng estado upang supilin ang mamamayang dapat ay pinaglulungkuran nito. Ang gubyerno at ang mga batas na ginagawa at ipinapatupad nito, ang Kongreso at Hudikatura, ang pondo ng mamamayan, ang kanyang armadong pwersa–na dapat ay nagsisilbi sa mamamayan ang mismong ginagamit ng estado para supilin ang masa. Hindi simpleng biro ang pag-amin ni Duterte na siya ay pumapatay–ito ay isang patakarang malugod na pinapatupad ng kanyang mga reaksyunaryong tropa. Ang terorismo ay ang sistematikong paggamit ng armas para dahasin ang mga sibilyan. Sa pagpatay ng humigit-kumulang 13,000 katao sa ilalim ng anti-mamamayan at anti-demokratikong “gyera kontra droga”, malinaw na si Duterte at ang kanyang mga pasistang kasapakat ang mga tunay na terorista. Sa Kabikulan, patung-patong na ang pasistang krimen ng 9th IDPA laban sa masang Bikolano. Tuluy-tuloy ang crackdown sa kalunsuran habang laganap ang militarisasyon sa kanayunan na sumisira sa kabuhayan ng masa. Sa lahat ng prubinsya ng rehiyon, walang habas na pinapaslang ang mga sibilyan.
Kaugnay nito, hinihimok ng NDF-Bikol ang Commission on Human Rights (CHR) na higit na marapat nilang imbestigahan ang mga paglabag ng estado sa karapatang-tao laban sa mamamayang Pilpino, partikular sa masang Bikolano. Matitingkad nitong halimbawa ay ang mga magsasakang ilinibing ng buhay ng tropa ng 9th IDPA sa Ragay, Camarines Sur at ang kaso ng pagpaslang kay Alfredo Merilos at Luz Ocampo ng mga militar at kapulisan. Si Alfredo “Ka Bendoy” Merilos ay isang hors de combat o walang kakayanang lumaban at nasa pagpapagamot ngunit walang-awa pa ring pinaslang ng mga ahente ng estado. Hinihikayat din ang mga kagawad ng midya na lumahok sa mga fact-finding missions.
Gayundin, nananawagan ang NDF-Bikol sa kapulisan at kasundaluhan na magbaba ng armas at umalis na sa serbisyo. Patuloy lamang silang gagamitin ng mga naghaharing-uri bilang mga bayarang mamamatay-tao. Pumanig sa sambayanan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! Ilunsad ang makatwirang digma upang makamit ang pangmatagalan at makatarungang kapayapaan!