Hinggil sa paghugas-kamay ng rehimeng US-Duterte sa mapaminsalang kumpanya ng quarry sa Rizal
Ang matagumpay na pamamarusa at pagwasak sa mga kagamitan na nagkakahalaga humigit-kumulang sa P100 milyon ng Monte Rock Corporation, isang malaking kumpanya sa quarry ay nagdudulot ng malaking pinsala sa kabuhayan ng mamamayan at kapaligiran ng San Mateo ay dapat magsilbing babala sa lahat ng mapaminsalang pagmimina sa rehiyong Timog Katagalugan at buong bansa.
Inilunsad ang pamamarusa sa Monte Rock Corporation ng NPA-Rizal bilang tugon sa karaingan at matinding kahilingan ng mamamayan laban sa quarry operation. Ilang taon na itong nag-ooperayt nang walang ginagawang hakbangin ang lokal at pambansang reaksyunaryong gubyerno sa hinaing ng mga apektadong taumbayan. Walang ginawang hakbangin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pangunguna ni Gen. Roy Cimatu sa kabila ng walang habas na pagwasak sa kabundukan ng San Mateo. Lubhang naapektuhan ang mga bayan ng Montalban at siyudad ng Marikina sa pagbaha tuwing sasapit ang tagulan. Napinsala ang kabuhayan at ari-arian ng maraming mamamayan bunga ng mapanirang quarry operation. Balot din ng sobra-sobrang pangamba ang mamamayan sa panganib na dulot ng pagpapasabog sa kabundukan at takot na matabunan ang bahay nila ng mga natibag o gumuhong bato at lupa sa tuwing may pagsabog. Nito lamang matapos maparusahan ang Monte Rock Corporation pakitang-tao na nagpahayag si Sec. Gen. Roy Cimatu ng DENR na isususpindi ang mga quarry operation sa buong bayan.
Ang Bagong Hukbong Bayan bilang tagapagtanggol ng kalikasan ay patuloy na mamamarusa sa mga kumpanya ng pagmimina na sumisira sa kalikasan at sa mga hindi sumusunod sa mga patakaran ng demokratikong gobyernong bayan sa pangangalaga sa kalikasan at pagtataguyod sa interes ng mamamayan.
Kaugnay nito, muling inililinaw ng MGC NPA-ST ang paninindigan ng buong rebolusyunaryong kilusan sa pagtatanggol sa kalikasan laban sa mga mapanirang kumpanya sa pagmimina tulad ng open pit mining at quarry mining. Mananatiling matapat at determinado ang NPA sa pagtugon at pagtatanggol sa interes ng mamamayan laban sa sumisira at nangwawasak ng mga kabundukan at mga lupaing sakahan sa rehiyon.###
Press Statement
August 15, 2018
Reference Person: Jaime “Ka Diego” Padilla, Tagapagsalita,
Melito Glor Command, New People’s Army – Southern Tagalog