Hinggil sa pagpuna ni Año sa pakulo ni Parlade
Lantarang ipinahiya ni DILG Secretary Eduardo Año si dating heneral Antonio Parlade Jr. kahapon bunsod ng isinagawang nitong “protesta” sa People Power Monument noong Marso 15 para ipanawagan ang pagtatatag ng isang “revolutionary government”. Ito ay matapos makailang-ulit na inilantad ni Parlade ang korapsyon sa loob ng Commission on Elections kaugnay sa sistema ng pagbabayad umano ng P2 milyon sa ahensya para lamang mapahintulutang tumakbo sa pagka-presidente, maisama ang pangalan sa balota at di maituring na nuisance candidate. Pinuna at kinundena ni Año ang pahayag ni Parlade at tinawag itong iresponsable, bulagsak at padaskul-daskol. Kagyat na inihiwalay din ni Año ang DILG, PNP, BFP at BJMP kay Parlade at ipinanawagan sa mga LGU na huwag nang pansinin ang naturang pahayag. Bago pa ito, kagyat ding nagpahayag si DND Sec. Delfin Lorenzana ng pagkundena sa ginawa ni Parlade. Palatandaan ito ng hidwaan ng mga namumunong heneral at kaguluhan sa loob ng pasistang AFP.
Obligadong dumistansya si Año kay Parlade dahil kailangan niyang apulahin ang apoy na sinimulan nito. Nais niyang palabasing nyutral ang kanyang ahensya at ang AFP-PNP lalo ngayong nalalapit na ang eleksyon. Taliwas dito, malaon nang batid ng sambayanan ang papel ng AFP-PNP sa marumi at madugong eleksyon sa Pilipinas. Mahaba ang rekord ng mga mersenaryong tropa sa kasaysayan ng eleksyon sa bansa kung saan sila’y kinukuhang pribadong goons para sa pandaraya, pananakot at pamimili ng mga boto. Nagsisilbi rin silang tagatugis sa mga karibal sa pulitika ng mga patron nilang pulitiko.
Samantala, ang pakulo ni Parlade ay desperadong hakbang upang makakuha ng atensyon sa harap ng disgustong tinatamasa ng administrasyong Duterte at mga manok nito sa eleksyon. Nais ikintal ng aksyong ginagawa ni Parlade ang senaryong “no elections” bilang kalutasan na nagkukubli sa dahilan ng diumanong korapsyon sa loob ng COMELEC. Nahihintatakutan ang buong paksyong Duterte sa dumaraming suporta na nakukuha ng oposisyon at ang lumalawak na pagkundena sa kanyang rehimen dulot ng palpak at inutil nitong pagtugon sa lumalalang krisis pang-ekonomya ng bansa.
Lalong inilalantad ng mga kahalintulad na pakana ni Parlade ang tumitinding krisis pampulitika sa bansa at ang labis na pagkakahiwalay ng rehimeng Duterte na nagtutulak sa kanya at sa mga alipures niyang maglunsad ng mga desperadong hakbang alang-alang sa pagpapanatili sa kanya sa kapangyarihan. Marapat na biguin ang pakana ng paksyong Duterte at Marcos at mga kasabwat nito sa AFP-PNP na mailuklok ang sarili sa pamamagitan ng pandaraya sa eleksyon o paglulusot ng senaryong “no elections” para makapanatili sa kapangyarihan. Ilantad at iwaksi ang mga pakana ng namumunong paksyong Duterte na magpalawig ng kanyang diktadura at ang panunumbalik ng mga Marcos sa Malakanyang.
Dapat pag-ibayuhin ng mamamayan ang pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon na tanging solusyon sa kasalukuyang krisis na dinaranas ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Itayo ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa mga kanayunan na nagsisilbing tunay na gubyerno na magtataguyod sa interes ng malawak na mamamayan.###