Hinggil sa Pahayag ng AFP na Kasama ang ilang Pamantasan sa Pekeng Red October Plot
Kinukundena ng NDF-Bikol ang lantarang akusasyon ng AFP na balon ng rekrutment para sa NPA ang 18 pamantasan sa bansa. Ayon sa kanila, kasali sa pinaplanong Red October Ouster plot ang malaking bahagi ng akademya. Kaisa ng mga estudyante at mga nasa akademya ang NDF-Bikol sa pagkundena sa AFP sa kanilang mga padaskul-daskol na pahayag at walang obhetibong batayang mga akusasyon. Kahiya-hiya ang isang gubyernong sa sobrang takot na mapatalsik sa pwesto, inaatake na pati ang akademya. Mapanganib ang ganitong tipo ng panghaharas at pambabanta laban sa mga sibilyan laluna sa harap ng walang pangingiming pag-amin ni Duterte sa kanyang patakaran ng ekstrahudisyal na pagpaslang. Wala pa man ang upisyal na deklarasyon ng Batas Militar, todong paninindak at pandarahas na ang nararanasan ng mamamayan sa kamay ng berdugong AFP-PNP-CAFGU.
Nais sikilin ng rehimeng US-Duterte at kasundaluhan ang kritikal na panunuri ng akademya. Alam nilang malaki ang impluwensya ng akademya sa upinyon ng publiko. Banta sa kanilang tiranikong paghahari ang syentipiko at obhetibong pagtuligsa ng mga estudyante at propesor sa papalalang krisis sa ekonomya. Parami nang parami ang mga pamantasang kumukundena at naniningil sa walang habas na karahasan ng estado at ang kakambal nitong pagpapatupad ng mga neoliberal na patakaran. Mulat si Duterte na kung hindi nila mapatatahimik at makukontrol ang upinyon ng madla, matutulad siya sa mga rehimeng Estrada at Marcos na pinatalsik ng sama-samang pagkilos ng masa. Tiyak na tutunguhin ng rehimeng US-Duterte ang pagbagsak bunsod ng dumadagundong na kilusan ng kabataan-estudyante kaisa ng iba pang mga sektor ng lipunan.
Gayundin, nais ng AFP na magpalapad ng papel at bigyang-matwid ang pagpasok nito sa mga eskwelahan upang magtayo ng mga lambat-paniktik at paigtingin ang kontra-mamamayang gera. Sa Kabikulan, aktibong rinerekluta ng AFP ang mga estudyante sa mga Student Intelligence Network (SIN). Ikinakampanya rin ng kasundaluhan ang pagbabalik ng mapanupil na Reserve Officers Training Course (ROTC) na umani nang malawakang pagtuligsa mula sa masa dahil sa pananakit at pagpapahirap nila sa kanilang mga kadete. Sa ilalim ng Oplan Kapayapaan, nakapagtala ng sunud-sunod na kaso ng panhaharas sa mga lider-estudyante at mga kasapi ng konseho ng mag-aaral at pahayagan ng Bicol University at Ateneo de Naga University at mga estudyanteng kasapi ng College Editors’ Guild of the Philippines (CEGP)-Bicol. Matapos ang ginawang pambagbansag ng AFP, aasahan ng mga paaralan ang ibayo pang paglapastangan sa ‘academic freedom’, mga karapatan at kapakanan ng estudyante at kanilang mga karapatang-pantao.
Hindi nakapagtatakang idinawit ng AFP ang naturang mga pamantasan sa pekeng Red October Plot. Nagmamadali ang rehimeng US-Duterte na mabuo ang klima para sa pagpapataw ng pambansang Batas Militar. Sanay na sanay na ang berdugong AFP sa paglikha ng mga kasinungalingan upang linlangin ang mamamayan na malaon nang pumapasan ng krisis sa ekonomyang bunsod ng kainutilan at pagkapapet ng gubyerno.
Ang mga kabataang estudyanteng yumakap sa landas ng rebolusyon ay hindi nilinlang ng rebolusyonaryong kilusan. Nararanasan nila sa araw-araw ang bayo ng krisis sa kabuhayan at matinding atake sa kanilang mga karapatan. Nananatiling pribilehiyo ang edukasyon sa bansa. Sa pagpapatupad ng K-12 sa bansa, lalo lamang naging malayo mula sa karaniwang anakpawis ang pormal na edukasyon. Sa Bikol, mas marami ang mga pribadong eskwelahan kaysa sa mga pampublikong pamantasan. Ang mas masahol pa, maging sa mga pampublikong pamantasan, nananatiling mahal ang mga bayarin tulad ng matrikula at palagiang kapos ang pondong ilinalaan ng gubyerno. Sa panukalang Pambansang Badyet ngayong taon, isa ang Department of Education (DepEd) sa kakaltasan ng subsidyo.
Matalas na nasusuri at naiuugnay ng mga estudyante ang kanilang kalagayan sa pinagsasamantalahan at inaaping sambayanan. Alam nilang hindi hiwalay ang kanilang kinabukasan sa katayuan ng sistemang panglipunan at araw-araw na kaganapan dito. Natutunan nilang gawing mabisa ang lakas ng kabataan at estudyante sa pagkawing sa mga pakikibaka ng uring anakpawis upang lumikha ng papalaki at papalawak na kilusang protesta laban sa nabubulok na naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal.
Pinipili ng mga kabataan, estudyante at mga guro ang landas ng rebolusyon dahil sila ay mga anak ng bayan na namulat sa tunay na sanhi ng kasalatan, pagkaatrasado at pagkaalipin ng sambayanang Pilipino. Ang landas na ito ang naghahangad ng tunay na demokratikong pagbabago at pambansang kalayaan. Yinayakap nila ang armadong pakikibaka katuwang ang parlyamentaryong pakikibaka upang ibagsak ang reaksyunaryong estadong naghahasik ng pasismo at terorismo at palitan ito ng isang tunay na demokratikong gobyernong bayan. Lalo lamang lalakas ang kanilang panawagan upang makamit ang malaon nang minimithi ng sambayanan na lumaya mula sa tanikala ng kahirapan at makamit ang tunay na pagbabagong panlipunan.
Pinagpupugayan ng NDF-Bikol ang lahat ng kabataan at estudyante na aktibong lumililok para sa ganap na malayang bukas. Nananawagan ang buong rebolusyonaryong kilusan sa Kabikulan sa mga kabataan, estudyante at guro at mamamayan na higit magkaisa at mapangahas na ipagpatuloy ang makatwirang at makatarungang paglaban sa pagsasamantala at pasismo ng estado. Isulong ang digmang bayan hanggang sa ganap na tagumpay!