Hinggil sa panandaliang pagpapatigil ng importasyon ng bigas

 

Utos ni Duterte na pagsuspinde sa importasyon ng bigas—isang panggogoyo at pakitang-tao upang pakalmahin ang galit ng mga magsasaka at taumbayan sa Rice Tariffication Law (RTL) at iba pang anti-magsasaka at anti-mamayang patakaran ng pasistang rehimen.

Inutil at walang bisa ang kautusan ni Duterte sa Department of Agriculture na pansamantalang isuspinde ang pag-aangkat ng bigas ng bansa. Huli na ang kautusan at isa lamang itong panibagong panggogoyo ni Duterte na mag-astang nakikinig at agarang umaaksyon sa hinaing ng mamamayan, sa patikular na kaso, ng mga magsasakang tuwirang naapektuhan ng RTL.

Nagawa nang makapag-ipon ng malaking bolyum ng imported na bigas ang mga malalaking trader at negosyante na siyang pangunahing nakinabang simula ng maisabatas ang RA 11203 o Rice Tarification Law nuong Pebrero 2019. Higit sa doble ng pangangailangan ng bansa sa bigas ang nagawa nang mai-angkat ng mga malalaking negosyante at trader sa bigas ngayong taong 2019. Ayon sa inilabas na datos ng Department of Agriculture ng bansang Estados Unidos, aabot sa 3 milyong metriko tonelada ang kabuuang i-aangkat na bigas ng bansa sa pagtatapos ng 2019. Mas malaki ito sa 2.5 milyong tonelada na inaangkat na bigas ng China sa kaparehong panahon na may mahigit sa 1 bilyong populasyon kumpara sa 110 milyong populasyon ng Pilipinas.

Wala pa sa kwenta ang mga pumasok na imported na bigas sa pamamagitan ng talamak na ismagling sa bansa kung saan imbwelto ang mga kapamilya at kaalyado ni Duterte.

Lalong nabaon sa utang ang mga magsasaka sa palayan bunga ng patuloy na tumataas na halaga ng kanilang gastos sa produksyon at sa pagkalugi naman sa bentahan ng kanilang inaning palay dahil sa napakababang halaga nito sa farmgate na ang abereyds ay nasa P10-P12 kada kilo. Sa ilang bayan sa Tarlac at Nueva Ecija umabot pa ito sa pinakamasahol na halaga na P7 kada kilo ng palay. Samantala, sa Mindoro Occidental, sinasamantala ng mga buwayang komersyante-usurero ang pagtama ng bagyong Kiel upang ibagsak ang presyo ng palay sa P4 kada kilo. Ayon naman sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies na inilabas ng Business Mirror, umabot na sa 61.77B pesos ang nalugi sa mga magsasaka sa palayan sa buong bansa dahil sa pagbulusok ng presyo ng palay dulot ng RTL.

Hindi kayang tumbasan ng pakitang-taong paghingi ng paumanhin ni Duterte sa delubyong tumama sa mga magsasaka dahil malaon na nilang sinabi sa gubyerno ang kanilang mariing pagtutol sa RTL bilang anti-magsasaka at anti-mamamayang batas.

Samantala napakaliit ang pondo na inilalaan ng gubyerno sa pagbili ng palay mula sa mga magsasaka. Wala pang 10% ng total na produksyon ng palay sa bansa ang nabibili ng NFA sa halagang P17 kada kilo. Mga malalaking trader at negosyante pa rin ang may monopolyo sa pagbili ng malaking bolyum ng palay sa mga magsasaka alinsunod sa kung ano ang kanilang tinatakdang presyo ng palay sa farmgate. Sa katunayan, nagamit pa ng mga malalaking trader at negosyante ang RTL para lalo pang baratin ang presyo ng palay na kanilang nabibili sa mga magsasaka.

Wala ding saysay ang pag-uutos ni Duterte sa kongreso na hanapan ng paraan na makalikom ng pondo ang gubyerno upang ipambili ng palay ng mga magsasaka. Tulad ng iba pang mga patakaran ng reaksyunaryong gubyerno, ang ganitong hakbang ay mga panakip-butas lamang at hindi tunay na lumulutas sa problema ng mga magsasaka sa kawalan at kakulangan ng lupang masasaka, sa patuloy na pag-iral at pagtindi ng iba’t ibang uri ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala na lalong pinasahol ng matinding mga operasyong militar ng AFP at PNP sa kanayunan.

Bagama’t wasto at nararapat ang panawagan ng mga magsasaka na ibasura ang RA 11203 o RTL, hindi ito makasasapat para magkaroon ng tunay na pagbabago sa kanilang kalunos-lunos na kalagayan. Kailangang patuloy at puspusang makibaka ang mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa at sa pambansang industralisasyon. Kailangang isanib ng kilusang magsasaka ang kanilang lakas sa iba pang kilusan ng masang anakpawis na tulad nila ay naghahangad ng radikal na pagbabago sa buhay ng sambayanang Pilipino at makawala sa paglukob ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyong Timog Katagalugan ay mahigpit na nakikiisa at sumusuporta sa mga pakikibaka ng mga magsasaka at iba pang inaapi’t pinagsasamantalang uri para sa pambansang demokrasya.

Lagi ding bukas ang pinto ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa pagtanggap sa mga mamamayang Pilipino na nagpasyang tahakin ang landas ng armadong pakikibaka, sumapi sa New People’s Army (NPA) at magsulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan (DRB) sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan (MTB). Ang DRB ay ang tanging daan para makamit ng mga magsasaka at taumbayan ang tunay na katubusan, kalayaan, demokrasya at kasaganaan na hindi kailanman maipagkakaloob ng bulok na gubyerno ng malalaking burgesya komprador, panginoong maylupa, mga burukrata kapitalista at ng kanilang among imperyalistang Amerikano at Tsino. ###

Hinggil sa panandaliang pagpapatigil ng importasyon ng bigas