Hinggil sa panawagang pagpapasuko ni Duterte sa NPA dahil sa COVID-19
Imbes na pagtuunan ang pagbibigay ng libre at accessible na serbisyong medikal sa mamamayan, garapalang nanawagan si Duterte ng pagpapasuko sa NPA dahil sa COVID-19. Ipinagmayabang pa niyang hindi kayang gamutin ng rebolusyonaryong kilusan ang sakit na ito sa harap ng kainutilan ng kanyang administrasyon na resolbahin ang kasalukuyang krisis sa kalusugan buhat sa epidemya ng COVID-19.
Ang panghahamak niya sa rebolusyonaryong kilusan ay walang kwentang bulalas ng isang desperadong tirano na patuloy na umaasam na hawakan ang kapangyarihan ng estado. Wala ni isang kasapi ng NPA ang tutugon sa kanyang mga buladas.
Pakana lamang ito ni Duterte para pagtakpan ang kanyang kapalpakan sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan sa serbisyong pangkalusugan. Isa itong iskema upang ilayo sa tunay na usapin ng kanyang administrasyon — ang kawalang kahandaan ng rehimen sa pagharap sa pandemic na sakit, kakulangan sa COVID-19 testing kits at pagkakaloob ng serbisyong medikal at ang magulo at militaristang hakbanging lockdown.
Sinamantala ni Duterte ang paglaganap ng COVID-19 para ipataw ang lockdown sa buong Luzon. Walang saysay ang inilulunsad na lockdown ng rehimeng US-Duterte dahil hindi mga checkpoint ang kailangan ng mamamayan kundi dagdag na mga pasilidad at testing center para sa maagap na pag-alam ng impeksyon. Ang kinakailangang naka-istasyon ay mga manggangawang pangkalusugan at hindi ang AFP-PNP. Higit sa lahat, ang kailangang humawak ng kampanya sa pagpupuksa ng COVID-19 ay ang DOH at hindi ang iba pang ahensyang pinangunguluhan ng mga retiradong heneral ng AFP-PNP.
Lumilitaw na ang lockdown ay nasa balangkas pa rin ng EO 70 at NTF-ELCAC. Isa itong atake sa mamamayan kung saan binibigyang laya nito ang AFP-PNP na dakpin ang kahit sino sa ngalan ng paglabag sa mga patakarang itinakda sa community quarantine. Dahil dito, higit na kailangang magkaisa ang mamamayan para igiit at ipanawagan ang kanilang karapatan sa tunay na serbisyong medikal, at hindi ang lockdown.
Samantala, inaatasan ng Melito Glor Command – NPA Southern Tagalog ang lahat ng yunit ng NPA sa ilalim nito na maglunsad ng kampanyang edukasyon at mobilisahin ang mamamayan laban sa COVID-19. Maaaring gabayan ng NPA ang pagpaplano ng mga lokal ng komite sa kalusugan para maiwasan ang COVID-19 at magawan ng kongkretong hakbangin para sa kolektibong pagreresolba sa sakit. Tuwangan ng mga Pulang mandirigma ang mga barrio medical group sa sanitasyon at kampanyang kalinisan sa mga eryang saklaw ng larangang gerilya. ###