Hinggil sa Patuloy na Pakikibaka ng Mamamayang Pilipino Laban sa Kagutuman, Kahirapan at Pasismo


Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid – Bikol (PKM-Bikol)

Sa paggunita ng World Foodless Day, mariing kinukundena ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid – Bikol (PKM-Bikol) ang araw-araw na krisis sa kagutuman at kahirapang dinaranas ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Mahigpit na nakikiisa ang rebolusyonaryong kilusan sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa soberanya sa pagkain at tunay na reporma sa lupa. Sa umiigting na hambalos ng mga neoliberal at pasistang patakarang ipinapataw ng rehimeng US-Duterte, walang ibang masasandigan ang masa kung hindi ang kanilang pagkakaisa.

Kinakaharap ng mamamayang gutom ang walang lubay na pagpapataw ng mga maka-imperyalistang patakaran sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Nitong nakaraan, ipinahayag ng reaksyunaryong gubyernong mayroong kakulangan sa suplay ng bigas kahit libu-libong sako ang natagpuang binubukbok sa pier ng Albay at sa ilang taguang warehouse ng malalaking negosyante upang maitulak ang ibayo pang liberalisasyon at deregulasyon sa bigas.

Sa halip na paunlarin ang lokal na agrikultura upang tugunan ang pambansang suplay ng pagkain, walang limitasyong pag-aangkat ng produkto ang pangunahing sagot ng rehimen sa kakulangan ng suplay ng pagkain. Sa halip na magbigay ng suporta sa lokal na produksyon at ayuda para hanay ng magsasaka, iginigiit ng reaksyunaryong gubyerno ang pagbili ng mga binhing genetically modified organisms (GMOs) at high-yielding varieties (HYVs) na ibinebenta ng mga dambulang kumpanyang multinasyunal kasabay ang mga komersyal na abono at pestesidyo nito.

Malalawak na mga lupain ang isinailalim sa land conversion upang pagtayuan ng mga imprastruktura at ecozones. Sa rehiyon, sa pinaplanong rehabilitasyon ng Philippine National Railways (PNR) magtatayo ng bagong linya ng riles mula Albay hanggang Matnog, Sorsogon. Ilang daang libong masang Bikolnon ang nakatakdang palayasin at ilang libong ektarya ng sakahan at taniman ang sasagasaan.

Hanggang sa kasalukuyan, walang napakinabangan ang masang magsasaka sa coco levy funds na galing sa kanilang mga kontribusyon. Ngayong taon, napirmahan na sa senado ang panukalang Coco Levy Privatization. Kapag naipatupad, isasapribado ng gubyerno ang coco levy funds at ang mga ari-arian mula sa pondong ito. Sa halip na ibalik sa mga magniniyog, muling nanakawin ang pondo ng maliliit na magniniyog at ipinapaubaya para pagkakitaan ng mga kapitalista. Umaabot sa P73 bilyon ang pondo ng mga magniniyog mula sa coco levy. Maliban dito, may mahigit P10 bilyong interes din mula sa mga sapi, at iba pang ari-arian mula sa naturang pondo. Nauna nang nagkaroon ng desisyong isapribado ang kumikitang bangko ng magniniyog na UCPB.

Walang maaasahang tunay na reporma sa lupa mula sa pasistang rehimeng sumasandig sa mga malalaking panginoong maylupa, burukrata kapitalista at sa amo nitong imperyalistang US. Nananatiling atrasado at nakakonsentra sa iilan ang pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon. Ibayong nababaon sa utang ang pinakamahirap na sektor sa lipunan dahil sa mas mataas na presyo ng mga gamit sa produksyon sa bisa ng huwad at anti-mamamayang batas sa pagbubuwis na Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN).

Ang mas masahol pa, iwinawasiwas ng rehimeng US-Duterte ang terorismo at pasismo upang pigilan ang paglaban ng masang anakpawis sa kanyang mga neoliberal na patakaran. Sa Bikol, umabot na sa 20 ang biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang sa loob lamang ng sampung buwan – kalakhan ay mula sa hanay ng mga magsasaka. Walang patumangga ang militarisasyon sa kanayunan sa ngalan ng kontra-insurhensyang Oplan Kapayapaan upang mapalayas ang mga magsasaka sa mga lupang sinasaka at bigyang-daan ang pagpasok ng mga negosyo at imprastruktura ng mga dambuhalang dayuhang namumuhunan.

Ngunit higit na matibay ang pagkakabigkis ng mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan. Matagal nang nakatanim ang binhi ng rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan. Sa rehiyon, ilang daang matatagumpay na kampanya sa rebolusyong agraryo na ang nakamit ng sama-samang pagkilos ng masang namulat sa kanilang kalagayan at nangahas bumalikwas. Pinapatunayan nitong makakamtan ang seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa. Inaasahang patuloy pang yayabong ang mga bungang ito. Dadaluyong ang mamamayan upang singilin at pananagutin ang rehimeng US-Duterte. Patuloy na titindig at lalaban ang masang anakpawis, kasama ang buong sambayanan, para sa kanilang mga demokratikong interes hanggang sa tuluyang mawasak ang mga tanikala ng pang-aapi at pagsasamantala.

Labanan ang neoliberal na atake ng rehimeng US-Duterte!
Isulong ang Tunay na Reporma sa Lupa!

*Ang PKM ay ang rebolusyonaryong organisasyon ng mga magsasaka at kaalyadong organisasyon ng NDFP.

Hinggil sa Patuloy na Pakikibaka ng Mamamayang Pilipino Laban sa Kagutuman, Kahirapan at Pasismo