Hinggil sa Red-Tagging ng Rehimeng US-Duterte sa mga Progresibong NGOs
Walang katotohanan ang paratang ng rehimeng US-Duterte at mga alipures nito laban sa mga progresibo at sibilyang organisasyon. Hindi ginagamit ng CPP-NPA-NDFP, sa Kabikulan at sa buong bansa, ang anumang non-government organization, sa loob at labas ng bansa, upang makakuha ng suporta para sa rebolusyonaryong aktibidad. Mga lehitimong organisasyong tumitindig para sa demokratikong interes ng mamamayan ang pinararatangan ng pasistang rehimen na may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan. Kabilang dito ang Kilusang Mayo Uno, isang organisasyon ng mga manggagawa; Karapatan, organisasyong tagapagtaguyod ng karapatang-tao; at Ibon Foundation, isang prestihiyosong insitusyong pananaliksik.
Ang malawakang red-tagging sa mga guro, kabataan-estudyante, kagawad ng midya, abugado, tagapagtaguyod ng karapatang-tao, taong-simbahan, propesyunal, manggagawa at magsasaka ay desperadong taktika ng lahat ng mga papet na rehimeng nagpapakana ng tirano, awtokratiko at diktador na paghahari sa pamamagitan ng pasismo. Noong 2017, 600 pangalan ng mga kilalang personalidad, kabilang na ang ilang upisyales ng United Nations, ang binansagang terorista ni Duterte. Noong Oktubre 2018 naman, ipinakalat ni Duterte at ng kanyang mga alipures ang sabwatan umano ng ilang mga organisasyon at ng rebolusyonaryong kilusan upang pabagsakin ang kanyang rehimen. Katawa-tawang maging ang Jollibee Food Corp. ay kasabay sa listahan ng mga ‘destabilizers’ na ilinabas ng kanyang anak na si Paolo Duterte.
Ang masahol pa, ang pambabansag na ito ay ginagawang tuntungan ng militar at pulis upang maghasik ng sukdulang pasismo at atakehin ang mamamayan. Sa paglakas ng kilusang pagpapatalsik laban kay Duterte, lalo siyang nag-uulol sa pagwawasiwas ng marahas na armadong panunupil laban sa mga makabayang organisasyon at kritiko ng kanyang pasistang gubyerno upang takutin ang malawak na hanay ng mamamayan at pigilan ang tuluy-tuloy na paglalantad at paniningil sa mga krimen ng kasalukuyang rehimen. Sa Negros, ipinatupad ang mapandumog na Oplan Sauron na tumarget sa mga lider ng organisasyong masa at kanilang mga kapamilya. Umabot sa pito ang biktima ng ala-Tokhang na estilong ‘pinatay dahil nanlaban’.
Marka ang pasismo ng reaksyunaryong estadong patuloy na nabibigo sa pag-apula ng makabayan at rebolusyonaryong sentimyento ng mamamayan. Sa Kabikulan, bigo pa rin ang 9th IDPA na durugin ang rebolusyonaryong armadong pwersa kung kaya nagkakasya na lamang sila sa pag-atake sa sibilyang populasyon. Sa kabila ng pagpapakalat ng mga gawa-gawang balita ng labanan, pagpaparada ng mga pekeng surrenderees at paglikha ng mga kaganapang magbibigay-matwid sa pinatinding militarisasyon, wala kahit isang larangang gerilya ang napadapa ng mga berdugong militar. Tuluy-tuloy na nakapaglulunsad ang mga yunit ng NPA ng mga batayang taktikal na opensiba at koordinadong aksyong yumayanig sa hanay ng AFP, PNP at kanilang mga ahente.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayang Bikolano na labanan ang red-tagging, pananakot, panggigipit at malawakang pagtugis ng rehimeng US-Duterte sa mga lehitimong organisasyon ng iba’t ibang sektor. Labanan ang ala-Martial Law na pagsikil sa karapatan ng mamamayang mag-organisa at magpahayag ng pagtuligsa sa mga neoliberal, anti-demokratiko at maka-imperyalistang patakaran ng rehimen. Singilin ang rehimeng US-Duterte sa patung-patong na krimen nito laban sa sambayanan at labanan ang kontra-mamamayang gera.