Hinggil sa talumpati ni Ferdinand Marcos Jr (Marcos II)
Lubhang nahihiwalay at hindi nauunawaan ng bagong rehimeng Marcos-II ang tunay na kalagayan at ang krisis na kinakaharap ng sambayanang Pilipino.
Sa higit isang oras na talumpati ni Marcos, tiniyak niya na mamumulaklak ang Batasang Pambansa sa bawat salitang kanyang bibitawan sa harap ng madla. Pinaghehele niya ang mamamayan sa mga pangako at panaginip sa bawat numero at plano na nais nitong kamtin sa ‘Bagong Lipunan’.
Maraming dapat asahan sa kanyang mga plataporma, una, asahan na ng sambayanan na ibayo pang babagsak ang ating ekonomya.
Ang planong isang taong moratorium sa amortisasyon sa lupa ay isang limos at pangungutya sa lahat ng mga magsasaka na biktima ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Ginagamit niyang pakonswelo-de-bobo ang planong ito sa mangilan-ngilang benepisyaryo ng naturang batas sa harap ng hindi maampat na pagtaas ng presyo ng batayang bilihin at gasolina at tuloy-tuloy na pagbagsak ng mga produktong bukid sa bansa.
Sa lalawigan ng Quezon, libo-libong mamamayan sa bayan ng San Francisco, San Narciso, San Andres, Mulanay at Catanauan ang nawalan ng lupain at pinaasa na magkakaroon sila sa ilalim ng CARP. Ginagamit ding dahilan ang pekeng repormang agraryo para pag-away-awayin ang mga magsasaka sa kapirasong lupa na iginawad sa kanila ng DAR. Isa ring sampal sa uring magsasaka ang pagmamayabang ni Marcos-II na ilalaan niya ang 52,000 ektaryang lupa sa mga militar, pulis at mga beterano.
Ikalawa, nakakatawang isipin na kung kailan tayo nakakaranas ng sunod-sunod na krisis at nangangailangan na ibayo pang pasiglahin ang subsidyo at ayuda sa mga mahihirap ay nakapagtala pa ang DSWD ng 1 milyong ‘gradweyt’ sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ano ang ibig sabihin nito? Nabawasan na ang bilang ng mahihirap sa bansa?
Sadyang mahirap makita ang tunay na kalagayan ng mamamayan kung nagbubulag-bulagan. Ang malinaw sa kanyang iskripted na talumpati ay naghahangad siya ng pagbabago para sa interes ng kanyang mga ka-uri.
Ang hinaharap ng bansang Pilipinas ay isang lipunang lalong maglalayo ng agwat ng mahihirap at mayayaman. Isang lipunang higit na makikinabang ang mga dayuhan. At higit sa lahat, isang lipunang huhulmahin sa kasinungalingan at pambabaluktot sa kasaysayan. Samantala, habang nagpipista ang mga buhong sa Malakanyang, ang samabayanan ay nananatiling kumakalam ang sikmura, walang makamtang hustisya at walang tunay na pagkalinga mula sa guvyerno.
Ito ang inaasahan ng sambayanan sa kaibuturan ng Bagong Lipunan na nais ibangon ng rehimeng Marcos-II mula sa hukay ng kasaysayan. Isang bigong lipunan na lalong maglulugmok sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. ###