Hinggil sa “teroristang designasyon” ni Duterte sa NDFP

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Hinihimok ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang lahat ng patriyotiko at demokratikong pwersa at lahat ng nagtataguyod ng hustisya at kapayapaan kapwa sa loob at labas ng bansa na magkaisa at mahigpit na tuligsain ang rehimeng US-Duterte at kanyang “Anti-Terrorism Council” (ATC) sa ginawang “teroristang designasyon” nito sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa inilabas na Resolution No. 21 noong Hunyo 23.

1. Ang designasyon ng ATC sa NDFP ay isinagawa sa lantad na layuning ibayong isara ang lahat ng pintuan para sa usapang pangkapayapaan bilang paraan ng pagresolba sa ugat ng digmang sibil sa bansa. isa itong tusong tangka para ipawalambisa ang lahat ng mga tagumpay na naabot sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan kabilang ang mga pinrimahang kasunduang sumasaklaw sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.

Ang designasyon ng ATC, sa esensya, ay sampal sa mukha ng Royal Norweigian Government na matagal nang nagpupunong-abala bilang Third Party Facilitator sa pagsuporta nito suporta sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP).

Malinaw na sunud-sunuran lang ATC sa atas ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ni Duterte na lalo pang lumaki ang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagtatakda sa gerang kontra-insurhensya bilang sentrong patakaran ng rehimen.

Ibayong pinalakas ng resolusyon ng ATC ang kapangyarihan at kakayahan ng mga heneral ng militar at pulis na itakda ang direksyon sa hinaharap ng Pilipinas.

2. Ang designasyon ng ATC sa NDFP ay malinaw na bahagi ng mga iskema ni Duterte na mangunyapit sa kapangyarihan lagpas sa 2022 sa lahat ng paraan. Isinagawa ito matapos ang ilang buwan ng kaparehong designasyon ng ATC laban sa PKP at sa Bagong Hukbong Bayan (BHB), at laban sa 19 na indibidwal, na karamihan ay mga konsultant pangkapayapaan ng NDFP.

Ibayong paghahanda ito para sa isang pangkalahatang crackdown laban sa mga patriyotiko, progresibo at demorkatikong mga pwersa na malakas na lumalaban sa teroristang rehimeng Duterte at sa kanyang mga iskema para panatilihin ang sarili sa kapangyarihan.

Sa harap ng walang-tigil na red-baiting laban sa ligal na demokratikong mga pwersa ng mga upisyal ng ATC mismo, ilang panahon na lamang at itatalaga na rin ng ATC ang mga aktibistang panlipunan, nagsusulong ng kapayapaan at maging ang oposisyong pampulitika, bilang mga “terorista” o sangkot sa terorismo. Magkakaloob ito ng ligal na tabing para ibayong patindihin ng militar at pulis ang maramihang pagpaslang, maramihang pag-aresto at kagkukulong laban sa lahat ng mga tumututol, tulad nang ginagawa na sa nagdaang limang taon ni Duterte.

3. Layunin ng pagtatalaga sa NDFP at ibang patriyotiko at demokratikong pwersa bilang “terorista” na ilayo ang atensyon ng bayan sa mga krimen laban sa sangkatauhan ng rehimen at ang patakaran nito ng paninibasib sa mga sibilyan sa inilulunsad nitong maruming gerang kontra-insurhensya. Bilang numero unong terorista sa Pilipinas, walang kahit anong moral na awtoridad ang tiranong si Duterte na siraan ang pambansa-demokratikong adhikain ng mamamayan.

4. Ang “teroristang designasyon” ng ATC sa NDFP, gayundin ang naunang mga resolusyon laban sa PKP/BHB at laban sa mga konsultant pangkapayapaan at ibang indibidwal, ay ginawa nang walang batayan at may malinaw na layuning siraan at pintahan ng itim ang malalim na hangarin ng mamamayan na wakasan ang inhustisya at kamtin ang pambansa at panlipunang kalayaan. Ipinakikita nito kung paanong ang terminong “terorismo” ay walang-katwirang ginagamit bilang ligal na malapad na lambat laban sa pampulitikang paglaban at makatarungang rebolusyonaryong pagtutol.

Ibayong pinatutunayan lamang ng ATC kung bakit ang “Anti-Terrorism Law” ay hindi demokratiko at mabagsik na batas na ginagamit na instrumento ng pang-aapi sa bayan.

Hinggil sa "teroristang designasyon" ni Duterte sa NDFP