Hingil sa Nangyaring Ambush sa Rescue 165
Nang makarating sa kaalaman ng pamunuan ng Bienvenido Vallever Command (BVC) ang nangyaring ambus sa Rescue 165, kaagad na naglabas ng kautusan ito upang imbestigahan kung sangkot ang anumang yunit ng NPA-Palawan sa insidente.
Kaalinsabay, mahigpit na tatalima ang BVC sa direktiba ng Melito Glor Command bilang pinakamataas na otoridad ng NPA sa rehiyong Timog Katagalugan na magkaroon ng puspusan at malalimang imbestigasyon sa insidente at imbestigahan kung may nasangkot na yunit nito sa pangyayari.
Tinitiyak ng BVC sa publiko, sa pamilya, sa mga kaibigan at alyado na gagawin nito ang patas na imbestigasyon alinsunod sa mga proseso ng rebolusyonaryong sistema ng hustisya ng Demokratikong Gubyernong Bayan at Alituntunin ng NPA. Kung mapatunayang may yunit ng BVC na imbuwelto ay nakahanda itong magbigay ng indemnipikasyon sa mga napinsala at nasaktan.
Ang mahabang rekord ng NPA ang magsasalita na laging nasa unahang kunsiderasyon ng bawat yunit ang pagtiyak na walang madamay na sibilyan sa mga inilulunsad nitong taktikal na opensiba. Ang diwa ng taus-pusong paglilingkod sa sambayanan ang prinsipyong nasa likod at gumagabay sa bawat Pulang mandirigma at kumander na tiyaking hindi mapipinsala ang mga sibilyan at kanilang ariarian sa mga aksyong militar ng NPA. Gayunman, hinaharap nito ang responsibilidad sa mga kaso ng pagkakamali na maaaring lumitaw sa proseso ng pagpapatupad ng kanyang tungkulin militar.
###