Hinihingi ng bayan sa mga kandidato na magkaroon ng malalim na pag-unawa sa mga ugat ng armadong tunggalian
Iniulat kahapon na sinabi ni Vice president Leni Robredo, kandidato sa pagkapangulo ng Liberal Party, na naniniwala siyang kailangan ng “lokalisadong usapang pangkapayapaan” bilang paraan ng pagtugon sa mga “ugat ng problema” na tinukoy niya bilang kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay. Nitong nakaraan, ibinalita rin ang sinabi ng kandidato sa pagkapangulo ng Aksyon Demokratiko na si Isko Moreno, ang paglalarawan nito sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) bilang mga taong “naligaw ng landas” na dapat kumbinsihin na “magbalik-loob” dahil “mayroon lamang isang gubyerno.”
Hindi pa nagbabahagi ng plano ang ibang mga kandidato sa pagkapangulo kung paano nilang isusulong ang usapang pangkapayapaan sa rebolusyonaryong armadong kilusan. Anupaman, sa puntong ito, dapat nating paalalahanan kapwa si Robredo at Moreno na ang pagkakamit ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan ay nangangailangan ng malalim na pag-unawa sa mga ugat ng armadong tunggalian, gayundin sa kasaysayan at proseso ng negosasyong pangkapayapaan.
Dapat lagpasan nila ang mababaw at makitid na pananaw na ang naglalagablab na digmaang sibil sa buong bansa ay resulta lamang ng mga “lokal” na usapin at hindi iniluwal ng sistematikong problema na malawak na nakaaapekto sa masang magsasaka, manggagawa at panggitang uri—laluna ang kawalan ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, na tinanggihang ipatupad ng mga nagdaang gubyerno bilang isang programa para kamtin ang katarungang panlipunan at ekonomyang nakatatayo sa sariling paa at maunlad.
Dapat paalalahanan si Robredo na mismong si Duterte ay nagtaguyod sa “lokal na usapang pangkapayapaan.” Matagal na rin itong itinataguyod ni Sara Duterte bilang alkalde ng Davao City kung saan napatunayang isa itong kabiguan. Imbes na magtaguyod ng kapayapaan, ang “lokal na usapang pangkapayapaan” ay katumbas sa “kampanyang pagpapasuko” ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung saan ang lokal na mga residente ay arbitraryong inaakusahan mga kasapi ng BHB at pinipilit na “sumumpa ng katapatan” sa AFP.
Ang kampanyang ito ay tinuwangan ng malawakang paglabag sa karapatang-tao kung saan ang masang magsasaka ay ipinaiilalim sa walang-puknat na pagmamanman at operasyong paniniktik, intimidasyon, di makatwirang pag-aresto batay sa mga gawa-gawang kaso at ekstrahudisyal na pagpaslang. Namamayani ang ala-batas militar na paghahari kung saan ang militar ang nagdidikta ng mga patakaran at programa sa ngalan ng kontra-insurhensya. Bilang dating abugado sa karapatang-tao, dapat silipin ni Robredo ang laganap na mga pag-abuso ng militar at pulis sa ilalim ng “lokal na usapang pangkapayapaan.”
Nagsilbi rin ang “lokal na usapang pangkapayapaan” bilang tabing para itago ang malawakang korapsyong kinasasangkutan ng ilandaang milyong piso ng pondo para sa mga programang “pangkabuhayan” at “balik-baril,” kung saan pinatitipon ang taumbaryo para tanggapin ang mga “subsidyo” at pinapipirma sa mga blangkong papel, na kalauna’y ginagamit bilang ebidensya ng kanilang “pagsuko.”
Batay sa inilahad na mga pananaw nila Robredo at Moreno, iniisip ng bayan kung ano ang magiging pagkakaiba ng itatakbo ng usapang pangkapayapaan sa ilalim ng rehimen pagkatapos ni Duterte kumpara sa paggamit dito ng tirano para lokohin ang mga rebolusyonaryong pwersa at lansihin lamang sila na sumuko?
Bukas ba ang mga kandidatong ito na baligtarin ang mga patakaran ni Duterte na anti-usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng pagpapawalang-bisa sa Proclmation 370 at 374, pagbubuwag sa National Task Force-ELCAC at pagbasura sa Anti-Terrorism Law (ATL) na mga dambuhalang balakid sa pagpapanumbalik sa usapang pangkapayapaan?
Nais rin naming ipaalala kay Robredo, Moreno at iba pang kandidato na ang ganitong mga pananaw sa usapang pangkapayapaan ay kilalang itinataguyod ng US at ng AFP sa kanilang masikhay na tangkang pigilan ang usapang pangkapayapaan.
Makikita pa lang kung ang mga kandidato sa pagkapangulo ay matatag na titindig laban sa patakarang “kill, kill, kill” ng rehimeng Duterte at gagawa ng tindig na sasalamin sa hangarin ng mga tagapagtaguyod ng kapayapaan at ng mamamayan na nais sumulong ang usapang pangkapayapaan lampas sa mga seremonya tuwing may bagong rehimen.