House to house na balak ng DILG at PNP sa Covid-19 positive, mala-tokhang at mala-gestapo na pamamaraan! — RCTU-ST
Kasama ng mamamayang Pilipino ang Revolutionary Council for Trade Union (RCTU-NDF-ST) sa pagkundena sa “OPLAN KALINGA” ng Department of Interior and Local Government (DILG), na pinamumunuan ng mamamatay taong si Sec. Eduardo Año, na magbahay-bahay para pwersahang dalhin sa government COVID-19 isolation/quarantine facilities ang mga positibo sa bayrus at naka-home quarantine.
Mariin din naming kinokondena ang kawalan ng kalinga sa mga maralita, habang kriminal na pinababayaan ni Duterte ang sambayanan, habang nais palawigin ang tiranikong paghahari-harian sa bansa. Atat na atat si Duterte at Año na manghalughog at manghuli kahit walang mandamyento, na isa sa mayor na tinututulang probisyon ng Anti-Terrorism Act of 2020 na magiging ganap na batas sa July 18.
Kaisa kami sa paninindigan ng mga ekspertong medikal na hinding-hindi masusugpo ang COVID-19 sa militaristang paraan at tanging sa pamamagitan lamang ng komprehensibo at siyentipikong aksyong medikal. Patunay dito ang pagbulwak ng bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 kahit na may apat na buwang militaristang lockdown o community quarantine nang hindi nito kayaning sugpuin ang mabilis na pagkalat ng bayrus sa bansa.
Napahiya ang Malacañang sa maagang pagdiriwang ni Sec. Roque noong Hunyo na nagtagumpay na tayo laban sa COVID-19 dahil natalo na ang prediksyon ng mga eksperto sa UP. Sa unang dalawang linggo pa lamang ng Hulyo, bumilis ang pagdami ng nagpositibo at namatay sa bayrus. Sa kasalukuyan, nasa 83,828 katao na ang na-test na positibo sa bayrus, habang 21,748 ang nakarekober at 1,660 ang namatay sa sakit.
Ngunit nadagdagan ang pagtataka ng publiko sa mga datos na ito ng DOH. Inulan ng puna ang lumalaking diperensya ng kumpirmadong mga kaso ng COVID-19 at sa kabuuang nagpositibo, na umaabot na sa lagpas 20,000. Mas matindi pa sa tambak sa basketbol ang kabagalan at kakulangan ng DOH sa sistema nito ng testing at beripikasyon ng mga kaso.
Sumambulat din ang napakatinding burukrasya na bumalot sa kamatayan ng isang 72-taong gulang na residente ng Cebu City. Kahit namatay na noong Mayo 30, binigyan pa rin ng City Health Department ang kanyang mga naiwang kamag-anak ng sertipikong naka-recover ang residente sa COVID-19. Lumabas sa pagsusuri na nai-swab lamang ang residente tatlong araw matapos mamatay nito.
Samantala, may mga sumusulpot ding kaso na hindi maayos ang rehistrasyon ng datos, isinusulat na positibo ang hindi, at kahit mga pwersa ng kapulisan ay nagsasagawa ng sariling paniniktik kahit sa mga hindi pasyente o positibo maski sa rapid antibody testing.
Kung mananatiling inutil, nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan ang rehimeng US-Duterte na sundin ang komprehensibo at siyentipikong aksyong medikal, walang aasahang paghupa sa mabilis na pagkalat ng bayrus. Napatunayan na sa ibang bansa gaya ng Cuba, Vietnam, at New Zealand na dapat epektibong harapin ang bayrus sa pamamagitan ng aksyong medikal at pakikiisa sa mamamayan bilang bahagi ng pagsugpo ng bayrus, at hindi para sila ay pwersahang ikulong sa kanilang mga komunidad at pagkaitan ng kabuhayan sa pamamagitan ng militaristang lockdown.
Lalong pinababagsak ng pandemya ang pinalugmok na ngang sistemang pangkalusugan sa bansa. Matagal nang kahingian ng mamamayan ang pagpapalakas sa sektor kalusugan, bigyan ng kinakailangang pondo para sa pananaliksik ng bagong gamot at kagamitan; pagtatayo ng mga pasilidad gaya ng laboratoryo, ospital para sa testing para sa mapanganib at mabilis na makahawang sakit, at quarantine facilities para sa isolation at paggamot ng mga nahawang pasyente.pagsasagawa ng sistematikong contact tracing at mabilis na paggagamot sa mga may sakit. Dito dapat ilagay ng gobyerno ang napakalaking kaban ng bayan; at hindi sa militar, na personal na pinakikinabangan ni Duterte at ng kanyang mga alipores.
Sa pahayag ni PNP Chief Archie Gamboa na tatratuhing kriminal ang mga positibo sa COVID-19 pati ang mga nakasalamuha ng mga suspetsadong may bayrus, malinaw na walang pinag-iba sa madugong Oplan Double Barrel at Oplan Tokhang ang plano nitong house-to-house, at maaring gamitin upang supilin ang karapatan ng mamamayan. Hindi nalalayong may mga mamatay rin dahil sa sinabing mga “nanlabang mga pasyenteng may COVID”.
Bukod sa maitim na balak ng DILG at PNP sa mga may bayrus, sinisikap pa rin nilang ipatanggap ang ATA2020. Inaasahan na nating gagawin nila ang mga pamamaraang ala-Makapili at Gestapo (secret police) hindi para lutasin ang paglaganap ng pandemyang COVID-19 kundi para maghasik ng napakatinding panunupil at pagpatay sa sambayanan.
Sa ganitong mga militar at pasistang aksyon napatutunayang nais ni Duterte na palawigin ang kanyang kapangyarihan lagpas sa mandatong anim na taong termino nito. Sa kasalukuyan, niluluto na rin ang opinyong publiko para sa pagpapatanggap naman ng mga amyenda sa Saligang Batas – na bukod sa term extension ay nakikitang behikulo rin para sa 100% pagmamay-aring dayuhan ng mga empresa sa bansa at ibayong mga restriksyon sa ating mga karapatan.
Kinasangkapan niya ang kanyang supermajority sa Kongreso na pinamumunuan ni Cong. Alan Peter Cayetano, isang oligarko sa Taguig; ni Cong. Paolo Duterte, na oligarko sa Davao; ni Cong. Boying Remulla, oligarko sa Cavite; at iba pang mga oligarkong kaalyado ni Duterte. Hindi malayong pakilusin muli ni Digong ang kanyang mga alipores sa Senado upang pagulungin ang Cha-Cha, na isandaang hakbang palayo sa hinihintay na solusyong medikal ng mamamayan.
Dahil dito, nananawagan ang RCTU-ST sa mamamayang Pilipino na palakasin at palawakin pa ang kilusang protesta para mapatalsik at mapabagsak ang isang pahirap, inutil, korap at tiranikong rehimeng US-Duterte. Kaisa kami, sampu ng aming mga alyadong organisasyon sa NDF, sa martsa ng bayan para sa katotohanan, demokrasya, katarungan, hanggang makamit natin ang tunay na hustisya at kasarinlan.
MABUHAY ANG RCTU-NDF-ST!
MABUHAY ANG CPP-NPA-NDF!!
MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!!!