Huling Hingasing ng Berdugong si Parlade, Panibagong Hinagpis sa Sibilyan, Tutuldukan ng Paglaban!
Muling umarangkada ang FMO ng AFP-PNP mula Hunyo hanggang sa kasalukuyan. Ito na ang huling operasyon ng 203rd Brigade sa Mindoro sa ilalim ng berdugong si Hen Parlade bilang hepe ng SOLCOM. Nakatakdang magretiro ang heneral sa ika-26 ng Hulyo at nakatakdang palitan na siya ni Gen Bacarro.
Saklaw ng kasalukuyang FMO ang ilang barangay sa Bongabong hanggang sa bayan ng Bansud at Gloria, Oriental Mindoro bilang pangunahing pokus at sa bahaging Calintaan-Sablayan, Occidental Mindoro bilang sekundaryong pokus. Idineploy sa erya ang mahigit isang batalyon ng pinagkumbinang pwersa ng AFP-PNP.
Ang bagong siklo ng operasyon ay ang huling kikig ni Gen Parlade bilang hepe ng SOLCOM. Sa natitirang araw niya, kanyang ibinubuhos ang buong lakas na kaya niyang mobilisahin upang ipatupad ang binitiwan niyang salita noong Enero 2021 na Mindoro ang pokus ng kontra –insurhensya sa Timog Katagalugan sa taong ito.
Sa loob ng halos isang buwan, dalawang labanan ang naganap sa pagitan ng mga rebolusyonaryong pwersa at ng mga sundalo’t pulis – isang engkwentro sa So. Dayangdang, Brgy Conrazon, Bansud, Oriental Mindoro noong Hunyo 22 at isang kubkob sa So. Buscad, Brgy. Tuban, Sablayan, Occidental Mindoro noong ika-5 ng Hulyo, alas-2:40 ng madaling araw. Sa mga labanang ito, buong giting na nagdepensa ang mga yunit ng BHB at nakapagmaniobra sa harap ng mas malaking pwersa ng tumutugis na kaaway.
Naghahabol ng panalo si Hen. Parlade sa kanyang misyon na tapusin ang insurhensya hanggang sa kanyang mga huling araw sa serbisyo. Subalit ang huling arangkada ng FMO ay patunay na binigo ng mamamayang Mindoreno ang kanyang misyon na ito. Lalong bigo ang kanyang hibang na layuning ito kung titingnan sa buong Timog Katagalugan.
Taong 2017 nang buong yabang na idineklara ng nasabing heneral na tatapusin niya ang CPP-NPA-NDFP sa Mindoro sa loob ng dalawang taon. Hindi niya nagawa ito sa buong panahon ng kanyang panunungkulan bilang hepe ng 203rd Brigade mula 2015 hanggang 2018, kaya pa ba niyang gawin ito sa iilang araw na natitira bilang hepe ng SOLCOM? Patunay ang kasalukuyang umaarangkadang FMO ng kabiguan niya sa kanyang misyon. Mas unang matutuldukan ang kahambugan, kabangisan at kakitiran ng utak ni Hen. Parlade kaysa sa pagkalupig ng rebolusyonaryong kilusan. Hindi kinayang supilin ng buong pwersa, matataas na kalibreng sandata at modernong kagamitan ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Mindoreno at lalo na ng buong mamamayan ng Timog Katagalugan.
Sa kanyang pagretiro sa serbisyo, ihahatid siya ng naghuhumiyaw na galit ng mga biktima ng mararahas ng operasyong militar, ng palahaw ng mga batang nasindak sa walang habas na pambobomba at pagpapalayas sa kanilang mga pamayanan, ng kalam ng sikmura ng ginutom ng mga food blockade, ng hinagpis ng mga inosente at walang kalaban-laban na sibilyan at ngitngit ng mga biktima ng kanyang pangri–redtag.
Ilang oras bago naganap ang labanan sa So Buscad, Brgy Tuban, isang kulumpon ng bahayan ng magsasaka ang sinunog ng tropa ng 203rd Brigade at PNP- Occidental Mindoro sa kanilang operasyong search and destroy laban sa yunit ng LDGC. Matapos ang labanan, iligal na inaresto at ininteroga ang apat na magsasakang nakatira malapit sa pinaglabanan. Sa engkwentro naman sa So Dayangdang, Brgy Conrazon, ang dumog na pamaraan ng pursuit operation ay nagdulot ng panibagong ligalig sa mga katutubong Buhid at Bangon.
Halos himatayin ang isang katutubo nang dagukan sa sikmura ng nakasalubong sa daan ang nag-ooperasyong yunit ng 203rd Brigade sa So Lawaan, Brgy Lisap, Bongabong, OrMin noong ika-25 ng Hunyo dahil lamang sa walang maisagot kung nasaan ang hinahanap nilang mga NPA. Nais pigilan ng mga sundalo ang katutubo na papunta sa kaingin upang kumuha ng kanyang dadalhing kalakal sa tyanggean.
Lalong hinahamon ang rebolusyonaryong kilusan ng kalagayang ito upang pag-ibayuhin ang paglaban. Tanging sa pagpapataas ng rebolusyonaryong paglaban lamang makakamit ang katarungan ng mga biktima ng pasistang tropa ni Parlade. Dapat siyang papanagutin sa kanyang pagsalanta sa buhay, karapatan at kagalingan ng mga Mindoreno at ng buong sambayanang Pilipino.
Handa rin ang rebolusyonaryong kilusan na salubungin ang papalit na panibagong pasista na maghahabol ng panibagong takdang panahon ng pagtatapos ng rebolusyon sa Mindoro. Hindi mapapahintulutan ng mga rebolusyonaryong Mindoreno ang kanilang hibang na hangaring ito.
Tulad ni Palparan, sisingilin si Hen. Parlade sa kanyang kriminal na kasalanan laban sa sambayanan hanggang sa huling araw ng kanyang buhay upang manaig ang hustisya para sa sambayanang Pilipino.