Hustisya para kay Atty. Benjie Ramos
Nakikiisa ang NDF-Bikol sa pagdadalamhati ng mga kapamilya at ng masang Negrense sa pagkakapaslang kay Atty. Benjie Ramos ng Negros Occidental nitong Nobyembre 6, alas-9 gabi ng dalawang armadong lalaking lulan ng motorsiklo. Si Atty. Ramos ang abogadong nakikipaglaban para sa kaso ng siyam na magsasakang minasaker sa Hacienda Nene, Purok Firetree, Brgy. Bulanon, Sagay City nitong Oktubre 20. Siya rin ang legal counsel ng anim na kabataan, kabilang ang estudyante ng UP Cebu na si Myles Albasin, na hinuli at pinaratangang NPA ng mga sundalo ng 62nd IBPA nitong nakaraang Marso habang papunta sa konsultasyon sa mga magsasaka sa lugar.
Hindi ito ang unang beses na mayroong pinaslang na sibilyang may kaugnayan sa imbestigasyon ng mga paglabag sa karapatang tao. Nito lamang taon, napabalita rin ang pagpaslang ng mga elemento ng kasundaluhan sa isang grupo ng karapatang tao na nagsasagawa ng fact finding mission sa isla hinggil sa kaso ng mga magsasakang minasaker habang nasa kanilang taniman. Ang tahasang pagpaslang kay Atty. Ramos ang pinakabagong patunay ng lantaran at papabagsik na pasismo at terorismong itinataguyod ng rehimeng US-Duterte sa dikta ng imperyalistang US.
Tulad ng iba pang mga kaso ng pagpaslang sa mga abogado, taong-simbahan at iba pang personaheng tagapagtanggol ng karapatan at katotohanan, ang pagpatay kay Atty. Ramos ay bahagi ng desperadong mga hakbang ng rehimen upang talikuran angpananagutan sa kanilang mga krimen at pigilan ang paglabas ng katotohanan tulad ng kanilang ginagawa kaugnay ng masaker sa Sagay.
Bago pa ang insidente ng pagpatay, nagkukumahog na ang mga tagapagsalita ng AFP at PNP na tabunan ng mga pekeng balita ang tunay na pangyayari. Upang mawala ang atensyon ng publiko sa mga pribadong goons ng mga panginoong may-lupa na siyang itinuturo ng mga nakaligtas na biktimang may kagagawan ng karumal-dumal na krimen, mabilis na nagpakalat ang mga upisyales ng AFP at PNP ng paninira laban sa mismong mga biktima, sa mga manggagawang bukid, mga organisasyon ng magsasaka at kahit sa rebolusyonaryong kilusan. Ayon kay PNP Region 6 Chief John Bulalacao, pinatay ang mga magsasaka dahil iligal silang nanghimasok sa lupaing mayroong nagmamay-ari. Ang mas masahol pa, sa halip na magsagawa ng imbestigasyon, ang mga magsasakang nakaligtas mula sa pamamaril ang kinasuhan at tinutugis ng inutil na pulisya. Malinaw ang sabwatan ng mga panginoong maylupa, AFP-PNP at Malacanang sa kasong ito ng masaker sa mga magsasaka ng Sagay City.
Namumuhi ang sambayanan sa sunud-sunod na krimen at mga brutal na pamamaslang sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Sa halip na tunay na reporma sa lupa, sukdulang karahasan ang dinuduluhan ng paghahangad ng sariling lupa ng naghihikahos na mga magsasaka laban sa mga malalaking panginoong may-lupang may kontrol sa malawak na lupain sa isla ng Negros.
Pag-aari ng iilang pamilya tulad ng Cojuangco, Benitez at Maranon ang kalakhan ng lupaing agrikultural kung saan 46% ay malawak na plantasyon ng tubo. Ang maka-aliping pagsasaka at malapyudal na P50 na arawang kita ng sakada ang siyang nagpapayaman sa mga panginoong maylupa at nagpapasasa sa labis na kasaganaan, luho at layaw. Upang mapanatili ang ganitong kaayusan, gumagamit ang mga panginoong may-lupa ng mga pribadong armadong grupo, AFP at PNP upang dahasin ang masang Negrense maging mga tagapagtanggol ng karapatang tao at nais magsiwalat ng katotohanan.
Nito lamang Pebrero sa Sityo Bondo, Brgy. Napacao, Siaton, Negros Oriental, apat na magsasaka ang napatay matapos paulanan ng bala habang nag-aani ng kanilang mga pananim. Namatay sa insidente sina Consolacion Cadivida, 66, Jesibel Aballe, 36, Carmelina Amantillo, 57, at Felimon Molero, 66. Sugatan din sa naturang insidente si Lito de Jesus, 28 taong gulang. Sa parehas na buwan, binaril hanggang mamatay ang magsasakang si Ronald Manlanat habang nagtatrabaho sa isang bungkalan sa Hacienda Joefred, Sagay City. Nagtamo siya ng 18 tama ng baril.
Isa ring masaker ang naganap sa Siaton, Negros Oriental nitong taon kung saan apat na magsasaka, tatlo sa kanila ay kababaihan, ang pinaslang ng grupong ‘Pulahan’. Ang naturang grupo ay bayarang bandidong nagsisilbing bantay ng asyenda ng panginoong may-lupang Vicente.
Noong Disyembre 17, 2017, isang matandang babae rin ang sinaksak hanggang mamatay sa Sagay City. Ang biktimang si Flora Jemola, 63 taong gulang, ay ang tagapangulo ng National Federation of Sugar Workers (NSFW) sa naturang bayan.
Napakahaba na ng kasaysayan ng isla ng Negros sa walang pakundangang pamamaslang at pagyurak sa karapatang-tao ng mga magsasaka. Mula pa sa Escalante Massacre noong dekada 70 hanggang kasalukuyan, walang kaparis na karahasan at pagsasamantala ang dinaranas ng mamamayang Negrense laluna ng sektor ng mga magsasaka. Taong 1992 nang pakatan ng 10,000 sundalo ang isla upang pigilan ang paglakas ng kilusang masa at rebolusyonaryong kilusan.
Ngunit, ang sukdulang karahasan at pagsasamantala ring ito ang nagtutulak sa mamamayan ng Negros na lumaban at lumahok sa armadong pakikibaka. Ito ang dahilan kung bakit nananatiling isa sa mga muog ng rebolusyonaryong kilusan ang isla ng Negros. Malinaw sa kanilang makakamit lamang ang tunay na reporma sa lupa sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan at sa tuluyang pagtatayo ng mga demokratikong gubyernong bayan. Kasabay ng masang Negrense ang rebolusyonaryong kilusan sa Kabikulan at iba pang rehiyon ng bansa sa patuloy na pagtataguyod ng makatarungang digmang bayan laban sa Imperyalismo, pyudalismo, burukrata kapitalismo at lahat ng reaksyon.