Hustisya para kay Kagawad Verzo at sa lahat ng biktima ng SACLEO
Kung may hibla man ng katotohanan sa mga kasinungalingan ng PNP Reg. V hinggil sa madugong SACLEO, ito ay na tunay ngang pulitikal ang motibasyon sa pagpaslang kay Kgd. Menardo Verzo ng Brgy. Talobatib, Labo, Camarines Norte – pulitikal na layunin ng rehimeng US-Duterte na patayin ang lahat ng maaaring makiisa sa malawak at patuloy pang lumalawak na kilusang anti-pasista sa bansang handang pabagsakin ang kanyang diktadura.
Kabilang si Verzo sa 13 biktima ng Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO) sa Bikol mula Enero hanggang Marso ngayong taon. Kabilang dito ang pagmasaker kina Arnel Candelaria, Enrique Cabillas at Nomer Peda. Kalakhan ng pamamaslang ay naganap sa dalawang bugso: mula Pebrero 15-18 at mula Pebrero 25-26.
Sa iba pang bahagi ng bansa, mahigit 20 na ang pinaslang sa mga naturang operasyon. Siyam agad ang pinaslang sa Timog Katagalugan noong Marso 8. Sa lahat ng kasong ito at sa maraming iba pa, nanlaban umano ang mga biktima ayon sa PNP. Kung hindi man, ala-vigilante ang pagpaslang ng AFP-PNP-CAFGU sa mga biktima.
Paano pa nga naman ipagtatanggol ng isang bangkay ang kanyang sarili? Ito ang tatak ng estilong tokhang.
Ang SACLEO ay pinabangis na estilong tokhang na pangmamasaker at pamamaslang na dati nang ginagawa ng mga pulis. Kinakatangian ito ng pabugsu-bugso ngunit malalawakan at matitinding operasyon ng pulis at militar. Pinagmumukhang lehitimo ang mga operasyon gamit ang mga minanupakturang arrest at search warrant mula sa mga kasapakat ng PNP sa hudikatura. Ngayong hepe na ng PNP ang berdugong si Debold Sinas, nararanasan na ng taumbayan ang walang habas na pagpapatupad nito sa buong bansa.
Bilang PRO7 Chief, si Sinas ang nagpatupad ng madugo at mapanalasang Oplan Sauron 1, 2 at Oplan Bran Stark sa Negros. Sa tabing ng anti-kriminalidad, ginamit ang mga pokusadong operasyong ito laban sa mga makabayan at progresibo. Umabot sa 37 indibidwal ang napaslang habang lampas 100 iba pa ang naaresto.
Tinatangka ng mga brutal na operasyong SACLEO at iba pang opensiba ng AFP-PNP laban sa mamamayan na gawing karaniwan na lamang ang araw-araw na masaker at pamamaslang. Linalayon nilang permanente nang matakot at busalan ang mamamayan. Ngunit taliwas sa kanilang inaakala, higit lamang na pinaigting ng pasismo ang pagngangalit ng mamamayang matamasa ang hustisya. Gaanuman kahabang panahon ang lumipas, hindi magmamaliw ang panawagan at paglaban ng masang Bikolano para sa katarungan para kay Kgd. Verzo at lahat ng biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang.