Hustisya para kay Randall Echanis, bayani ng masang anakpawis, tagapagtaguyod ng makatarungang kapayapaan, rebolusyonaryo! – NDF-NCMR
Translation/s: English
Mariing kinukondena ng National Democratic Front of the Philippines sa North Central Mindanao Region ang karumal- dumal na pagpaslang Kay Randall “Ka Randy” Echanis.
Tanging si Duterte at kanyang pasistang rehimen ang nagdiriwang sa kanyang pagpanaw. Ang mga tangkang palabasing Isa lamang kriminal na insidente ang kanyang pagkamatay ay desperadong hakbang upang ibaling ang pananagutan at pahupain ang malawakang galit sa pagpaslang. Wala malilinlang sa malaking kasinungalingang ito. Ang istilong-tokhang na pagpatay kay Ka Randy ay dugo sa kamay mismo ni Pangulong Duterte, berdugo, halimaw at asong ulol na mamamatay-tao.
Nagdadalamhati kami kasama ng pamilya ni Ka Randy, kanyang mga kasamahan at mamamayang Pilipino, laluna ang masang anakpawis na kanyang pinagsilbihan hanggang sa kanyang huling hininga. Ang kanyang pagpanaw ay malaking kawalan sa pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at pangmatagalang kapayapaan. Sa kanyang pagkamatay, nalagasan tayo ng isang walang-pagod na tagapagtaguyod ng kapayapaan at tagapagtaguyod ng kalayaan.
Iginagawad ng NDF-NCMR, lahat ng mga alyadong organisasyon nito, kasama ang mga Pulang mandirigma at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon, ang aming pinakamataas na pagpupugay at parangal kay Ka Randy, bayani ng masang anakpawis at katangi-tanging rebolusyonaryo!
Ang sakripisyo at pakikibaka ni Ka Randy ay nagsilbi lamang upang higit pang sindihan ang nag-aalimpuyong galit ng mamamayan laban sa pasistang rehimeng Duterte. Samantalang Kasabay ng ating pakikiisa sa pandaigdigang panawagan para sa hustisya, ibaling natin ang pagdadalamhati sa rebolusyonaryong kapasyahan at paninindigan na ipagpatuloy ang pakikibaka para sa reporma at makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.
Ang buhay at kamatayan ni Ka Randy ay hindi mawawalang-saysay. Hindi nila mapapatay ang kanyang legasiya, magpapatuloy ito at magsisilbing inspirasyon sa rebolusyon. ###