Hustisya para sa Labing-apat na Magsasakang Pinaslang sa Negros! Mamamayan, Makibaka at Ipagtanggol ang Sarili laban sa Pasismo ng Estado!
Nananawagan ang NDF-Bikol sa lahat ng pwersang progresibo at demokratiko na makibahagi sa paglaban ng mamamayang Negrense sa sukdulang karahasan at pagsasamantala sa kanilang hanay. Labing-apat na magsasaka ang brutal na pinaslang ng mga elemento ng 94th IBPA, PNP-Canlaon at Special Action Forces (SAF) sa Canlaon City, Negros Oriental noong Marso 30. Ang mga pinaslang na sina Edgardo ‘Gadong’ Avelino, Ismael Avelino, Rogelo Recumuno, Ricky Recumuno at 10 iba pa ay pawang mga sibilyan. Si Ismael Avelino ay lider ng asosasyon ng mga magsasaka sa ilalim ng Hugpong Kusog Mangunguma (HUKOM) Canlaon City Chapter ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Samantala, ilang sibilyan na rin ang iligal na inaresto at sinampahan ng gawa-gawang kaso sa iba’t ibang bahagi ng Negros Oriental.
Dagdag pa, nasa ilalim ngayon ng matinding militarisasyon ang buong lungsod ng Canlaon. Nangangamba ang mga residente para sa kanilang buhay at kabuhayan sa harap ng matinding presensya ng mga berdugong militar sa kanilang lugar. Aabot sa lampas 500 elemento ng AFP-PNP o halos dalawang batalyon ang kasalukuyang nakadeploy sa naturang bayan.
Ang karumal-dumal na pagpatay sa 14 na magsasaka at iba pang serye ng abusong militar ay panibagong bugso ng pasistang atake sa Negros na bahagi ng pagpapatupad ng MO 32 at EO 70. Ilinunsad nitong Disyembre 27, 2018 hanggang Enero 15, 2019 ang one time big time Synchronized Enhanced Managing Police Operations (SEMPO) o Oplan Sauron sa Guihulngan City, Negros Oriental na nagresulta sa lampas 50 kaso ng iligal na pag-aresto at pitong kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang.
Nagngangalit ang mamamayan sa napakahabang krimen ng pasistang rehimeng US-Duterte laban sa masang anakpawis na ang tanging hangad ay maayos na kabuhayan. Sa halip na tunay na reporma sa lupa, bala at karahasan ang ipinantatapat ng reaksyunaryong gubyerno sa mga naghihikahos na magsasaka. Sa Negros, nananatili sa kontrol ng iilang malalaking panginoong may-lupa ang malalawak na lupaing agrikultural habang nagkakasya sa halos P50 arawang kita ang mga sakada at manggagawang-bukid na siyang nagbubungkal ng lupa.
Kaisa ng mamamayang Negrense ang buong rebolusyonaryong kilusan sa Kabikulan at buong bansa sa pagbabalikwas laban pasistang diktadurang ilinalatag ng rehimeng US-Duterte. Hindi nakapagtataka na sa harap ng ganito katinding pang-aapi at pagsasamantala ay piliin ng masang magsasaka na tumangan ng armas at tahakin ang landas ng rebolusyon. Para sa mga sakada, manggagawang-bukid at magsasakang ilang daang siglo nang dinarahas at pinagkakaitan ng kanilang karapatang mamuhay nang marangal at masagana, walang ibang masasandigan kung hindi ang sariling lakas at ang ipagtanggol ang sarili sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at armadong pakikibakang itinataguyod ng Bagong Hukbong Bayan. Makatwiran ang digmang bayan dahil ito ang tatapos sa marahas na paghahari ng iilan.