Hustisya para sa lahat ng desaparecidos!
Para sa mga pamilya, kaibigan at kasamahan ng mga desaparecidos, hindi natatapos ang kanilang pakikibaka sa paghahanap para sa mga biktima ng sapilitang pagkawala, nakikibaka din sila para sa hustisyang panlipunan at katarungan para sa lahat. Ilan na nga ba silang mga nawala na kasama na sa mahabang listahan ng mga desaparecidos? Sila yaong mga nag-alay ng kanilang nag-iisang buhay para kamtin ang isang malaya at masaganang bukas.
Marapat lamang na gunitain at sariwain ang kanilang mga buhay. Nananawagan ang National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog na papanagutin ang mga berdugo at pasistang rehimen para sa walang kapatawarang krimen na pagkakait ng buhay at kalayaan para sa mga pinakamabubuting anak ng bayan. Mula pa sa panahon ng pasistang rehimeng Marcos hanggang sa kasalukuyang rehimeng Duterte, nananatili at lumulubha ang mga kaso ng sapilitang pagkawala. Ginagawa ng reaksyunaryong estado ang karumal-dumal na krimeng ito upang supilin ang pakikibaka ng mamamayan na lumalaban sa isang mapagsamantala at mapang-aping sistemang itinataguyod ng iilang naghaharing-uri sa bansa.
Hanggang sa kasalukuyan nagpapatuloy at mas lalo pang sumisidhi ang mga kaso ng mga desaparecidos. Nagpapakita lamang ito ng kawalang pagpapahalaga ng reaksyunaryong estado at armadong pwersa nito sa buhay ng isang indibidwal. Sa mga kasong ito walang bangkay na paglalamayan, walang libingang mababalikan para sa mga kaanak, kaibigan at kasamahan ng mga biktima. Sa bawat taong nawawala, hindi lamang ang kanilang pamilya ang nauulila kundi ang buong sambayanan. Nawalan ang bayan ng magigiting at mabubuti nitong anak na nagtatanggol sa karapatan at kumakalinga sa mga api.
Ito ang sinapit ng maraming anak ng bayan na walang-awang dinukot, pinahirapan, pinaslang at inilibing sa walang palatandaang libingan ng mga pasistang pwersa. Subalit, nawala man sila, mananatili ang kanilang alaala ng kabayanihan at magiting na buhay na inalay sa pakikibaka para pambansang demokrasya at tunay na kalayaan. Mananatili sila sa alaala ng mamamayang minahal nila nang lubos.
Nararapat na ihandog ang pinakamataas na pagpupugay at parangal sa kanilang ulirang paglilingkod ng sambayanan. Alalahanin natin sina Rizalina Ilagan, Jessica Sales, Gerardo Faustino, Cristina Catalla, Ramon Jasul, Modesto Sison, Erwin de la Torre, Manny Salvacruz, Salvador Panganiban at Virgillo Silva. ‘Wag nating kalimutan ang mga inialay na sakripisyo nina Leticia Pascual, Geminiano Gualberto, Rodelo Manaog, Albert Enriquez, Arnel Mendoza, Cesar Batralo, Philip Limjoco at marami pang mga walang mukha at walang pangalan. Patuloy nating ipanawagan ang katarungan para sa marami pang tulad nila na nakibaka hanggang sa kahuli-hulihang sandali.
Sa bawat desaparecido, sumisibol din ang mga bagong usbong na mga rebolusyonaryong nagpapatuloy ng kanilang mga sinimulan. Hindi tumitigil ang mamamayan sa paglaban at paghahangad ng katarungan at kalayaan. Hindi makalilimot ang mamamayan sa pagkamit ng hustisya para sa lahat ng biktima ng mga paglabag, krimen at atrosidad ng reaksyunaryong gubyerno.
Magsisilbing inspirasyon ang kanilang buhay at pakikibaka para higit na pag-alabain ang apoy ng rebolusyon sa buong bayan. Marami pang mga anak ng bayan ang pinili ang landas ng rebolusyonaryong pakikibaka sapagkat malinaw sa kanila na ito lamang ang tanging daan na magpapalaya sa lahat ng uri ng pang-aapi at pagsasamantala sa lipunang Pilipino.
Nawala man ang kanilang mga pisikal na katawan, wala mang libingang mahimlayan at mapag-aalayan ng bulaklak. Hangga’t nagpapatuloy ang rebolusyon, mananatili silang buhay sa alaala, kasaysayan at pakikibaka ng mamamayan. Magpapatuloy ang pakikibaka para sa hustisya. Hindi natatapos ang lahat sa kamatayan. Pagkat ang mga sakripisyo ng mga martir at bayani ng rebolusyon ang higit na nagpapataba sa lupa para sa pagtatagumpay ng rebolusyon.###